Aristotle Atienza
Kinikilala sa nakaraang pelikulang taon ang kagalingan sa disenyo ng tunog at musika ng mga pelikulang Dagitab (Gian Carlo Abrahan V) at Sonata Maria (Bagane Fiola). Sa Dagitab, sa disenyo ng tunog nina Adam Newns at Mikko Quizon at musika ni Mon Espia, malinis ang pagtatangkang ilarawan ang krisis ng mag-asawa sa pagpili ng paaangating tunog (at kawalan nito) mula sa mga nakikita sa pelikula. Samantala, sa Sonata Maria, magaspang ang mga naririnig, na nagsisiwalat hindi lamang sa vulnerability ng lokal na tauhan sa lokal na siyudad kundi ng lokal na pelikula mismo. May kaibahan man ang pagtatanghal ng tunog at musika sa dalawang pelikula, epektibo pa ring naisasawika ang naririnig hindi lang dahil sa nakasanayang praktis ng pagpapatunog na likha rin ng mga pagbabago sa teknolohiya ng paghuli nito kundi ang pagtatangkang patingkarin ito sa pamamagitan ng pagtitimpi sa kaso ng Dagitab o paglalaro sa kaso ng pelikulang Sonata Maria.
Iginagawad ang Pinakamahusay na Tunog at Orkestrasyong Awral kina Maki Serapio sa disenyo ng tunog, Wrap Meting at Mark Limbaga sa tunog pamproduksiyon, at Jad Montenegro sa musika para sa pelikulang Sonata Maria. Hindi dahil sa Sonata at mas lalong hindi rin dahil sa Maria o sa Sonata Maria na pangalan ng banda sa pelikula, kundi dahil sa napatutunayan ang mabisang papel ng tunog at musika upang pagdugtungin ang mga hindi inaasahang ugnayang kinunan sa magkakaibang panahon. Mahusay na napanghawakang gawing sariwa ang gasgas na tunog ng siyudad upang ilantad ang pagtahak ng tauhan sa pagbibihis ng siyudad. Sa hindi inaasahang paglalaro sa musika ni Bach (hindi kakatwang nanlalaro o nanloloko ang pagpapakahulugan ng badinerie), at ng musika ng karnabal, nagkakaroon ng tekstura ang naririnig at napapakinggan upang maipadanas din ang parehong kabaliwan at katinuan, pantasya at realidad, nitong bernakular na modernidad.
