Tessa Maria Guazon
Ang pinakamahusay na editing ay tumutukoy sa konpigurasyon ng mga ugnayan ng panahon at espasyo sa mga eksena sa isang pelikulang may kakayahang maglagom, makitunggali, bumuo at bumaklas ng mga pagkakaugnay, sa pamamagitan ng masalimuot na paggamit ng mise-en-scene at montage. Ang tropeo para sa pinakamahusay na Editing ay pinagkakaloob sa mga editor.
Nominado para sa pinakamahusay na editing sa taong 2014 sina Benjamin Tolentino para sa mga pelikulang Mariquina at Dagitab, sina Cha Escala at Bam Luneta para sa dokumentaryong Nick & Chai, at si Bagane Fiola para sa pelikulang Sonata Maria.
Madamdamin ang kuwentong sinundan ng kamera sa Nick & Chai. Taimtim ang kamera sa pagsunod sa pang-araw araw na buhay ng mag-asawang Ferdinand at Doris. Wari’y normal ang kanilang buhay ngunit malaon ay malalaman nating nalunod ang apat nilang anak nuong bagyong Yolanda sa Tacloban. Puspos man ng dalamhati ang kuwentong sandigan ng dokumentaryo, nagtagumpay ang mga editor ng Nick & Chai na ilapat ang lungkot at trahedya sa maigting na mensahe ng katatagan at pagpupunyaging pumalaot sa buhay. Walang dramatikong elemento para bigyang kulay at lalim ang kanilang dalamhati bagkus mga epektibong gamit ng ‘screen shot’ mula sa cell phone ng mag-asawa o kaya’y mga album ng litratong naiwan sa bahay.
Mahusay na inilapat ni Bagane Fiola ang dalawang mundong nagsasalimbayan sa buhay ng pangunahing karakter sa Sonata Maria. Ito ay ang mga hulagway sa kaisipan at ang sa wari niya’y walang saysay na realidad. Iisa ang hugis ng mga mundong ito, makulay at puno ng mga hindi inaasahang pangyayari. Inilahad ito ng Sonata Maria sa paraang kapana-panabik, mapaglaro, ngunit mapagtanong at mausisa. Gamit ang editing, isinabuhay ng pelikula ang lantay na kapangyarihan ng imahinasyon na mapagtunton ang kabuluhan ng mga bagay-bagay.
Masinop ang editing ni Benjamin Tolentino para sa Dagitab at Mariquina. Lagom at akma ang setting at pace sa pagusad ng naratibo sa parehong pelikula. Epektibong ginamit ang lunan bilang tagapagtawid ng kuwento at ng buhay ng mga karakter nito. Bagama’t makikita ang galing ng editor sa parehong gawa, mas angat ito sa Mariquina.
Masinop na hinabi ang mga eksenang tumutukoy sa nakaraan sa kasalukuyang buhay ng pangunahing tauhang si Imelda sa pelikula. Malikhaing nilikom pati ang mga pangyayari mula sa tatlong dekada sa mga eksenang sinusundan ang paghahanda ni Imelda sa libing ng namatay niyang amang si Romeo. Patunay dito ang paggamit ng video footage o ang balitang maririnig sa transistor radio, pati mga usapan sa telepono.
Ang paghahanap ni Imelda ng pares ng sapatos na isusuot ng ama habang nakalagak sa kabaong ay halintulad sa kanyang pagbabalik sa masalimuot na nakaraan ng pamilya at kanyang pagkabata. Bagama’t ang paghahanap ay balot ng lumbay, saklaw nito ang mas malawak na pagbabago: ang unti-unting pagkalugi ng negosyo ng sapatos ni Romeo, ang pagbaha ng angkat ng mas murang sapatos mula sa Tsina, ang EDSA ng 1986, at ang pagpupunyagi ng mga tauhan ng naratibo ng pelikula.
Iginagawad ng Young Critics Circle Film Desk ang pinakamahusay na editing kay Ginoong Benjamin Tolentino para sa pelikulang Mariquina.
