Jaime Oscar M. Salazar
Tinutukoy at kinikilala ng gawad na ito ang retorika ng pagsusulat para sa pelikula na nagpapahayag ng kasalimuotan ng buhay panlipunan o personal na ligalig sa natatanging estruktura ng naratibo o politikal na paniniwala; o sa pamamagitan ng pinag-isipang dramatikong tensiyon na sumisiyasat sa tunggalian ng personal at politikal, ng indibidwal at ng kolektibo, ng pribado at ng publiko.
Maliban sa nakakamit ng gawad, may pito pang pelikulang nominado para sa kategoryang ito: Akda ni Alvin Yapan, ang Mga Anino ng Kahapon ay itinatampok ang dinaranas ng isang babaeng may sakit pangkaisipan habang tinutukoy ang malalang karamdaman ng pambansang lipunan. Sa Babagwa, na isinulat ni Jason Paul Laxamana, ipinapakita ang pagkahulog ng isang Facebook hustler sa mga patibong na nakasanayan na niyang itakda para sa iba. Inilalantad sa Badil, na akda ni Rodolfo Vera, ang takbo ng korupsyon tuwing panahon ng halalan sa isang munting bayan sa baybaying-dagat ng Samar. Sa Debosyon, na isinulat din ni Yapan, mararamdaman ang pagdurusang hatid ng pag-ibig at pananampalataya sa isang lalaking deboto ng Birhen ng Peñafrancia. Akda nina Armado Lao at Mary Honelyn Joy Alipio, ang Dukit ay sinusundan ang buhay ng isang taga-ukit ng mga rebulto habang siya’y nakikipagbuno sa kanyang nakaraan. Sa Ang Kwento ni Mabuti, na isinulat ni Mes de Guzman, sinusuri ang pakikipagtunggali ng isang walang bahid-dungis na manggagamot sa tukso. Sinisiyasat ng Quick Change, na akda ni Eduardo Roy, Jr., ang ekonomiya ng kagandahan sa isang pamayanan ng mga transgender na babae.
Maging ano po ang kahusayan ng mga dulang pampelikulang nabanggit, nangingibabaw para sa amin ang Porno, na isinulat ni Ralston Jover. Gamit ang mga hibla ng pornograpiya, nagtatagumpay ang dulang pampelikulang ito sa paghabi ng kakatwa at kataka-takang tapiseryang inihahain at ginagalugad ang matitinik na daan sa pagitan ng lunggati at kamatayan.
