Skilty Labastilla
Pito ang nominado sa kategoryang pinakamahusay na editing ng 2015.
Ayon sa batayan ng YCC, ang naturang gawad ay tumutukoy sa “konpigurasyon ng mga ugnayan ng panahon at espasyo sa mga eksena sa isang pelikulang may kakayahang maglagom, makitunggali, bumuo at bumaklas ng mga pagkakaugnay, sa pamamagitan ng masalimuot na paggamit ng mise-en-scene at montage.”
Tila napakalaking hamon ang pagtabas ng isang pelikulang napaka-personal at napakaraming footage katulad ng Balikbayan #1, ang obra ni Kidlat Tahimik na sinimulan niyang buuin noong 1979 at hanggang ngayon ay maaaring ituring na work-in-progress pa rin. Ngunit matagamupay na nalampasan ang hamon na ito ng ng mga editor na sina Charlie Fugunt, Abi Lara, Chuck Gutierrez, Clang Sison, at Malaya Camporedondo, sa pamamagitan ng paggalang nila sa pananaw ni G. Tahimik at sa kanilang mapaglarong pagtagpi-tagpi ng mga imahen, mapaluma man o makabago.
Sa Da Dog Show, halos hindi mamamalayan ng manonood ang pagputol ng mga eksena: sumusunod lang tayo sa kung saan tayo dalhin ng kwento ng isang naghihikahos na pamilya na nagnanais mabuong muli. Tanda ito ng husay ng pagkakatahi ng mga eksena ni Kats Serraon.
Sa Halik sa Hangin, sinamantala ni Beng Bandong ang yaman ng Star Cinema at ang maraming kamera at artipisyal na ilaw nito sa pagpili ng pinakamaayos na mga anggulo at kuha ng pagganap ng mga aktor, disenyong pamproduksiyon, at ng setting mismo sa Baguio, at nagbunga ito ng isang mainstream na pelikulang kaaya-ayang panoorin.
Nagtagumpay si Benjamin Tolentino ng Pinakamahusay na Editing sa YCC noong nakaraang taon para sa Mariquina, at sa pelikulang An Kubo sa Kawayanan, pinamalas niya ulit ang kanyang husay sa pamamagitan ng matalinong pagtatagpi at pagtakda ng mahinahon, banayad ngunit hindi nakakabagot na ritmo sa kabukiran ng Bikol.
Sa Mga Rebeldeng May Kaso, dinala tayo nina Raymond Red at Erwin Toledo, mga editor ng pelikula, sa Dekada 80, kung saan umuusbong pa lang ang eksenang alternative cinema sa Pilipinas, sa kanilang maliksi at nakaka-engganyong paghabi ng isang kwento ng magbabarkada na nahalina sa kagalakan ng pamemelikula.
Natural ang pagkatuto ng editing ng isang dokumentarista: sa pagkalap pa lang nito ng mga datos, panayam, at imahen, natutukoy na niya ang gusto niyang ipakita sa manonood. Ngunit alam ng isang mahusay na editor na hindi kailangang palaging tuwid at madaling sundan ang isang dokumentaryo, at sa Shapes of Crimson, malikhaing pinapakita ni EJ Mijares ang araw-araw na pamumuhay ng isang aktibistang manunulat na si Boni Ilagan, at ang kanyang masinop na pagpili ng footage ang nagsilbi mismong screenplay ng kanyang dokumentaryo.
Ang pelikulang Salvage ay binuo bilang isang found footage, na kunyari ang pinapanood nating pelikula ay tuloy-tuloy na kuha ng isang news crew na naging biktima ng salvage sa Mindanao at pinapanood natin ang laman ng kanilang naiwang camera. Dahil dito, kinailangang magmukha talagang hindi pinutol ang mga kuha, at para sa isang 90-minutong pelikula, hindi ito madaling i-edit, lalo pa kung eksperimental ang porma ng pelikula. Nagtagumpay si Lawrence Ang sa pagmanipula ng pelikula para magmistula itong isang bangungot na ayaw magpagising. Sa mabisang paggamit ng quick cuts at juxtaposition ng mga imaheng hindi inaasahan ng manonood, napatingkad ng editing ang pakiramdam na naroon mismo tayo sa gubat na naging hugpungan ng kababalaghan at karahasan.
Iginagawad ang pinakamahusay na editing kay G. Lawrence Ang para sa Salvage.
