Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Pagkilala sa Pinakamahusay na Sinematograpiya at Disenyong Biswal ng 2015

$
0
0

Jema M. Pamintuan

Siyam na pelikula ang  nominado para sa Pinakamahusay sa Sinematograpiya at Disenyong Biswal ng taong 2015, at ang mga ito ay ang sumusunod na mga pelikula:

Sa Bambanti, ang distansya sa pagitan ng bayan at bukid ay nagtanghal rin ng agwat sa mga nagtutunggaliang uri; sa An Kubo sa Kawayanan, kinasangkapan ang mayamang topograpiya ng Kabikulan upang maghatid ng naratibo hinggil sa pananatili at paglisan, preserbasyon ng kulturang lokal at pakikisabay sa kultura ng labas; sa Halik sa Hangin, may ginhawang hatid ang mga lambingan sa pagitan ng mayayabong na puno ng Baguio, gayundin, may lunggating mababanaag mula sa inaagiw at madilim na tahanan ng multo. Nakapagitna ang sementeryo sa diyalogo ng aliw at lungkot na pinagdaanan ng pamilya sa Da Dog Show, at instrumental ang maliit na baryong pinagtanghalan ng byukon (byuti contest) upang maging lunsaran ng marhinalisasyon ng kaakuhan ng tauhan sa Miss Bulalacao. Ang galawgaw na kamera sa Salvage ay umangkop sa ritmo ng maaaksyon at walang kapagurang salaysay ng pangkat; at nasa krudong estilo at tekstura ng pelikulang Taklub nabigyang artikulasyon ang imahen ng unos at pananalantang nagdulot ng dalamhati sa lalawigan ng Tacloban. Sa salitan naman ng super 8mm at sepia, gayundin sa materyal na kultura ng dekada 80, masasalat ang personal at politikal na ligalig sa Mga Rebeldeng may Kaso.

balikbayan-3

Gayumpaman, natatangi sa lahat ang pelikulang Balikbayan #1: Memories of Overdevelopment.

Ang nakaraan at kasalukuyang pinaksa ng naratibo ay malikhaing tinalunton ng iba’t ibang antas ng gaspang at kinis ng tekstura ng kamera na nagtanghal ng  pagpapatung-patong ng mga imahen.  at  nagbigay ng panibagong kulay sa mga nauna nang  nailuwal na eksena. Dinala tayo ng mga kamera mula sa mga pay-yaw ng Cordillera hanggang sa mga palasyo ng Europa, sa pamamagitan ng metikulosong pagdidisenyo ng produksyon, ng mga tagpuan, kasuotan, at materyal na kultura, na bagaman sa unang malas ay masasabing nagmula sa magkakaibang yugto ng kasaysayan, ay hindi pa rin pinaghiwalay ng agwat ng panahon at lunan. Ang interbensyon, tagisan, gayundin, pagbubuklod, ng luma at bagong teknolohiya ng pamemelikula ay nagtanghal ng magkakaiba ngunit magkakabigkis ring mga lente, na nag-anyaya sa mga manonood tungo sa nakawiwili at matalas na paggalugad sa pakahulugan ng mga misteryo at piraso ng ating pambansa at personal na kasaysayan. Tulad ng nililikha ng mosaic artist sa pelikula, naunawaan natin ang posibilidad ng pakikisanib ng mga anyo, padron, at larawan,  sa mga  salita at wika, sa mga salaysay ng nakaraan at kasalukuyan, sa mga, biswal na sining, oral at nakasulat na panitikan, upang bumuo ng isang ganap at malinaw na hulagway.

Para sa taong 2015, iginagawad ng Young Critics Circle Film Desk sa Balikbayan # 1: Memories of Overdevelopment, ang Pinakamahusay sa Sinematograpiya at Disenyong Biswal. Isang pangkat ng mga alagad ng sining ang nagkaroon ng kolaborasyon upang maihatid sa mga manonood ang sala-salabid at mayamang kuwento ng kasaysayang nakasandal sa iba’t ibang perspektiba: malugod na pagbati kina Boy Yniguez, Lee Briones Meilly, Abi Lara, Santos Bayucca, Kidlat de Guia, Kawayan de Guia, at Kidlat Tahimik para sa sinematograpiya; at para sa disenyong pamproduksyon, Kidlat Tahimik, at Katrin de Guia.



Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles