Emerald Flaviano
Tumutukoy ang gawad sa pagganap ng isang papel o karakter na nagsasangkot ng emosyon, damdamin, at karanasan sa mga panlipunang kondisyon ng personal at sa politikal na ekonomiya ng kaugalian at kilos, at kung paano nakatutulong ang mga ito sa pagsasakatauhan ng sarili. Ipinagkakaloob ang Pinakamahusay na Pagganap sa Gumanap, lalaki o babae, matanda o bata, sa isang pangunahin o pang-suportang papel, sa indibidwal o kolektibong pagganap.
Ang mga Nominado:
Walang kupas si Nora Aunor sa Taklub (Brillante Ma. Mendoza, 2015). Bilang ang naulilang si Bebeth, dinakila ni Aunor ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda na patuloy pa ring nabubuhay—at tumutulong sa kapwang mabuhay—sa kabila at sa gitna ng pagkawasak ng kabuhayan at pamilya.
Magkaibang mga babae si Mercedes Cabral sa An Kubo sa Kawayanan (Alvin Yapan, 2015) at Da Dog Show (Ralston Jover, 2015), pero parehong ginampanan ni Cabral ang dalawang papel ng may ambag sa pagpapalalim ng danas ng pagkababae. Matimpi at self-possessed ang dalagang si Michelle na malaya sa kanyang pagkalas sa lipunan, habang walang pangingimi ang pagyakap ni Cabral sa papel ng dalagang musmos ang pag-iisip na si Celia.
Malalim ang pag-unawa ni Alessandra de Rossi kay Belyn, na mag-isang itinataguyod ang pamilya sa Bambanti (Zig Dulay, 2015). Ipinakita ni de Rossi ang laging alanganing kinalalagyan ng batang biyudang ina na umaasa at nakikisama sa mga kapamilya. Ang batang aktor na si Micko Laurente ang gumanap bilang anak ni Belyn na pinag-akusahang nagnakaw ng kanyang tiyahin.
Hindi lang isa na namang magandang mukha sa entertainment industry si Julia Montes, bagay na pinatutunayan ng kanyang pagganap bilang si Mia sa Halik sa Hangin (Emmanuel Palo, 2015). Maraming pinagdadaanan si Mia—pagkaulila sa ama, pakikisama sa bagong pamilya ng ina, unang pag-ibig—na siyang nagbigay naman ng pagkakataon kay Montes na maipakita ang lawak ng kanyang pag-unawa sa pag-arte.
Unang pagbida ni Ronwaldo Martin sa pelikula ang kanyang pagganap bilang Jaypee sa Ari: My Life with a King (Carlo Catu, 2015). Malaki ang naging papel ni Martin—na kanya rin namang nagampanan ng buong may kasanayan at matimping pagdamdam—bilang high school student na bumuo ng makabuluhang pakikipagkaibigan sa matandang makatang nakilala sa isang school event.
Epektibo naman ang ensemble cast ng Salvage (Sherad Anthony Sanchez, 2015) na sila Jessy Mendiola, JC de Vera, Joel Saracho, Barbie Capacio, at Karl Medina. Bilang TV production crew na sinisindak ng mga hindi maipaliwanag na mga kaganapan sa isang liblib na baryo, malaki ang ambag ng kanilang pagganap sa pagtimpla ng engkwentro ng mga manonood sa partikular na teknika ng pelikulang found footage.
Magkakasama namang itinaguyod ng ensemble cast ng Mga Rebeldeng May Kaso (Raymond Red, 2015) na sila Felix Roco, Epy Quizon, Nicco Manalo, Earl Ignacio, at Angela Cortez, ang kwento ng matapang at naging makasaysayan ng pagpupursigi ng mga short filmmakers para ipagpatuloy at ipagdiwang ang kanilang sining noong 1980s.
Ngunit natatangi sa lahat ng pagganap na mga ito ang kay Lou Veloso bilang Sergio sa Da Dog Show (Ralston Jover, 2015). Mistulang maliit lamang ang kahingian ng papel kay Veloso: sinusundan ng pelikula ang araw-araw na pagsisikap ni Sergio para tustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng mga dog show sa iilang pampublikong espasyo sa Maynila. Sa bandang dulo ng pelikula ipinapamalas ni Veloso ang punto ng lahat: ilang sandali lamang mababanaag ang maliit na ngiti ni Sergio sa pagitan ng kanyang dalawang anak lulan ng bus pa-Maynila, ngunit marapat at epektibo itong dramatic moment na nagtatapos sa buhay na pinaghaluang pait at tamis ng matanda.
Pagbati kay G. Veloso sa kanyang tagumpay.