Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Pagkilala sa Pinakamahuhusay na Lunsarang Pelikula ng 2014

$
0
0

Patrick D. Flores at J. Pilapil Jacobo

Iginagawad ang Pinakamahuhusay na Lunsarang Pelikula ng 2014 sa Dagitab, Nick & Chai, at Sonata Maria.

Makasaysayan ang romanse sa Dagitab ni Giancarlo Abrahan dahil sa pagsaluysoy nito sa buhay-erotiko ng mga intelektwal sa pamantasan. Tampok ang tambalan nina Nonie Buencamino at Eula Valdes, naitatangi ng pelikula ang dusa at kasiyahan na lubos na naglalangkapan habang nakikipagbuno ang mga palaisip sa sariling hindi natitinag ang lumbay at sa lipunang higit pang dakila ang kalungkutan, sapagkat anuman ang pagkalugmok na tumatambang, nagbabadya lagi ang mga pansamantalang alab na maparirikit pa ng panahon na sa maluwalhating hilagyo ay salitang bumubungad at nagpapahimakas.

Giancarlo Abrahan and still from Dagitab

Giancarlo Abrahan and still from Dagitab

Sanaysay sa dalamhati ang Nick & Chai nina Cha Escala at Wena Sanchez. Ganunpaman, hindi tinuturol ng dokumentaryo ang nakasanayang indignidad na matagal nang ipinaloob sa mga salaysay hinggil sa sakuna, na para bang ang tanging kalikasan ng tao sa harap ng trahedya ay ang maglunoy sa mga lumipas at tuluyan nang nawala. Nananatili ang tanaw sa isang lugar kung saan hindi maikakaila ang gayong kawalan, subalit maaari ring kilalanin ang umuusbong na kasanayan na igalang ang nananatiling lakas ng kalooban na lumulan sa mga duyan ng magiting na lipunan.

Wena Sanchez (left) and Cha Escala and still from Nick & Chai

Wena Sanchez (left) and Cha Escala and still from Nick & Chai

Sa unang malas, ensayo sa palasak nang sipat sa kamalayang eksistensyal ang Sonata Maria (Ug Ang Babayeng Halas ang Tunga sa Lawas) ni Bagane Fiola, ngunit may kabihasnan ang pelikula sa paglayas mula sa baog na kadiliman ng narsisismo sa kasalukuyan. Sa halip, marangya ang hulagwayan sa sarikulay na liwanag ng kabataang isip na tapat sa kanyang mga kinakaharap na guwang kaya’t nagagawan ng paraan na kipilin ang silakbo at patiningin ang pagdaramdam ng sariling unti-unti at isa-isang niyayakap ang mga murang pangarap na katambal naman talaga ng mga mahal na kasawian.

Bagane Fiola and still from Sonata Maria

Bagane Fiola and still from Sonata Maria



Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles