Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Pagkilala sa Pinakamahusay na Pagganap ng 2013

$
0
0

Patrick D. Flores at J. Pilapil Jacobo

Tumutukoy ang gawad sa pagganap ng isang papel o karakter na nagsasangkot ng emosyon, damdamin, at karanasan sa mga panlipunang kondisyon ng personal at sa politikal na ekonomiya ng kaugalian at kilos, at kung paano nakatutulong ang mga ito sa pagsasakatauhan ng sarili. Ipinagkakaloob ang Pinakamahusay na Pagganap sa Gumanap, lalaki o babae, matanda o bata, sa isang pangunahin o pang-suportang papel, sa indibidwal o kolektibong pagganap.

Ang mga Nominado:

Sa Porno, kapani-paniwala si Angel Aquino dahil sa masalimuot niyang pag-ako ng dagok na dulot ng kasariang tanging bukal ng kanyang kasiyahan.

Hindi pa rin matitinag si Nora Aunor na sa Ang Kwento ni Mabuti ay panatag na nananahan sa etika ng makataong pamumuhay sa lipunang may antala ang hatol ng katarungan.

Matalino ang musmos na pagsaksi ni Adrian Cabido ng Lauriana sa pagdaan ng kasaysayang marahas ang hagupit sa babaeng mutya.

Sa Mga Anino ng Kahapon, may seguridad ang pag-antabay ni Carlo Cruz sa malay ng pinaglalahuan ng makatwirang pag-unawa dulot ng makasaysayang pagpiit sa gunita.

Nakapanlulumo ang imahen ng pagkalalaki ni Allen Dizon sa Lauriana sapagkat kaakibat ng tipuno ng kanyang katawan ang karahasang walang habas ang paninibasib sa minamahal sanang katauhan.

Hindi matatawaran ang Ensemble ng Porno sa paggalugad ng ibayong posibilidad ng pagsasakatawan sa mga sexual na pagnanasang hindi na masasagkaan ng husga ng walang sanghayang lipunan.

Bagaman laos na prima donna ang tauhang ginampanan ni Cherie Gil sa Sonata, lubos na naisaloob ng aktres ang magiting na pakikihamok ng isang soprano na napilitang magpatilapon sa piyudal na mga realidad ng sinilangang bayan.

Sa Badil, mababanaag sa pagganap ni Dick Israel ng kapansanan ng katawan ang kapuluang parupok pa nang parupok ang politikal na integridad dahil sa pang-araw-araw na katiwalian na naisaloob na ng mamamayang nasa poder at silang lalong nagpapatirapa bagaman wala na ngang kapangyariahn.

Taglay ni Alex Vincent Medina sa Babagwa ang kabalintunaan na nakapaloob sa kasalukuyang social media: na darating ang panahon na maaaring masangkot din bilang biktima.

Walang pagmamalabis sa pagganap ng takot ni Daniel Padilla sa Pagpag. Sa halip, kakikitaan siya ng matimping pagkagagap sa lagim ng hindi pagkilala ng moderno sa madidilim na sulok ng kalinangang bayan.

Matingkad ang mga sapot ng makinasyon na inihabi ni Joey Paras sa Babagwa tungo sa isang tesis ng kasamaan. Wala siyang kompromiso sa pagsasasanaysay ng realidad na may kakayahan ang sinuman na lumubog sa diabolikong dimensyon ng desperadong katauhan.

Bagaman dumadaan lamang ang tauhan ni Sue Prado sa Ang Kwento ni Mabuti, mahalagang sangandaan ang kanyang sakripisyo dahil buhat sa isang inang may pananagutan sa pagpapalayang panlipunan.

Sa Mga Anino ng Kahapon, may pangunahing sensibilidad na naiaalay si TJ Trinidad, lalo na pagdating sa pakikibahagi sa dalamhati ng kamalayang naliligalig ng sariling hindi maipaloob ang danas sa marahas na daloy ng kasaysayan.

Ngunit ang pinili ng Young Critics Circle Film Desk ay ang mga pangunahing aktor ng Porno at Badil:

Napapadpad man sa mga asiwang lunan ng mithi ang pandama ni Carlo Aquino sa Porno, tinatangkilik niya ang pagkakatagpong ito sa nagnanasang katawan nang may kahanga-hangang pagbubukas sa laging may tigatig na kasarian. Kapana-panabik ang pagsasalit ng mga damdamin sa mukha ng aktor na natuklasan na ang walang pakundangang abot-nasa.

Matalisik ang pagsuysoy ni Jhong Hilario sa Badil sa landas ng korupsiyong masaklap na pipiliin matapos ang pagdanas sa maruming kalakaran ng eleksiyon sa isang isla sa Kabisayaan. Bukod-tangi ang kanyang pagsasakatawan sa politika upang mapangatawanan ang materyal na kondisyon ng araw-araw na pakikibaka sa inihalal na etika.

Pagbati kina G. Aquino at G. Hilario.

performance 2013



Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles