Patrick Flores
Sa taong 2012, limang estilo ng pagganap ang napili ng kasapian ng Young Critics Circle upang itanghal na pinakamahusay mula sa lahat ng pagsisikap na maisakatuparan ang bisa ng katauhan na kinatha ng manunulat at isinalin sa pelikula ng direcktor.
Tahimik ngunit taimtim ang paninindigan ng yumaong si Amable Quiambao sa kaniyang pagsinop sa papel ng isang babaeng nililigalig ng alaala ng kaniyang asawa sa pelikulang Diablo ni Mes de Guzman.
Bagaman mukhang di matinag ang diwa ng isang madre superyora na ginampanan ni Fides Cuyugan-Asencio sa pelikulang Aparisyon ni Vicente Sandoval, naipamalas ng aktres na ang loob pala nito ay mabuway at marupok.
Matingkad na ipinahiwatig nina Kristoffer Martin at Kristoffer King ang asal at pag-iisip ng mga magkapatid na kinakailangang maging magilas at maparaan upang mabuhay at umiral sa mundo ng looban na pugad ng sugal at mga sugapa sa pelikulang Oros ni Paul Sta. Ana.
Isang tanyag na pangalan sa tanghalan, isang haligi ng opera sa Pilipinas, at dalawang baguhan sa industriya ng pelikula ang nagpapatunay na masigla ang buhay ng pagganap sa pelikulang Pilipino.
Ngunit sa larangan ng sining, tila laging may nakahihigit na paraan ng pagsasakatuparan ng pangako ng talino. Malalim ngunit payak lamang ang ibig ng isang kumadronang Badjao na malaaanan ng isang anak ang kaniyang asawa yamang di niya ito maalayan ng sarili niyang dugo at laman. Sa pagturol niya sa mithiing ito, tinawid niya ang dagat, sinuyod ang talaan ng mga pangalan, naglikom ng yaman, nakiusap nang mataos, at ibayong nagparaya. Sa pagsabuhay ni Nora Aunor kay Shaleha sa pelikulang Thy Womb ni Brillante Mendoza, pinatunayan niya na higit pa sa pagsabuhay ng katha, nilalayon din ng pagganap na masumpungan ang tunay na damdamin ng tauhan at ang maaari pa nitong makamtan. Sa makulay na daigdig ni Shaleha at Nora Aunor, ang paghugot ng supling ay hindi para sa isang lipunang bihag ng mga batas o sa isang asawang hindi maigpawan ang itinadhana ng pagkalalaki. Ang tunay na kaloob ni Shaleha ay para sa isang ipinagpalang pagluwal ng buhay na nagsisimula sa isang mahiwagang silid na mistulang sinapupunan ng mga tinilad-tilad na pusod sa pagitan ng laot at langit.
Tinatawagan ang walang kaparis na si Nora Aunor upang tanggapin ang natatanging gawad sa pagganap.
*YCC Awards photo courtesy of Yuki Honorable
