JPaul S. Manzanilla
Naglalakbay sa mga lupain ng Jolo, Sulu ang dalawang babaeng kasama sa himagsikang Muslim sa Mindanao. Sina Amrayda at Fatima ang tinakbuhan ng batang si Faidal matapos itong makatakas sa pagkubkob ng mga militar sa kanyang ina. Dala ni Faidal ang ransom money na nakuha ng ina at naging mitsa ng pagtugis sa kanila ng mga sundalo ng pamahalaan. Kaiba sa ingay at gitgitan ng mga pelikulang aksyon na tungkol sa digmaan, napakatahimik ng Ang Paglalakbay ng mga Bituin sa Gabing Madilim ni Arnel Mardoquio. At ang katahimikang ito ang kinakailangang pakinggan upang maunawaan ang hindi matapus-tapos na rebelyong inilulunsad ng mga kapatid nating Muslim. Ayon nga kay Lualhati Milan Abreu, sa kanyang librong naisulat matapos ang ilang dekadang rebolusyonaryong pakikibaka na kaalyado ang mga Moro (Bangsamoro sa Malapitan: Pagpupunyagi sa Sariling-Pagpapasya. Quezon City: CenPEG Books, 2011): “kapag nasa Mindanao na, hindi ka maaaring maging bulag, bingi, at pipi sa usaping Moro.”
Nasasaksihan natin ang paghabol sa bata at dalawang babae sa kalupaan ng Jolo hanggang sa pagpunta sa Zamboanga. Marikit ang liwanag ng mga sulo sa gabing madilim na lumalaki habang papalapit sa atin. Ang mga aninong naglalakad sa pilapil ay sulyap sa rebolusyong hindi makita, hindi makilala, sapagkat nakaasa sa pagiging lihim nito. Masukal ang gubat at matarik ang daanan—walang humpay ang pagtakas upang mabuhay. Sa gitna ng pabulong na pag-uusap at impit na pag-iyak,mararamdamang sangkot tayo sa panganib nila. At magtatanong din: bakit hindi na lang ibigay o iwan ang ransom money? Bakit nga ba may ransom money sa simula pa lang ng kuwento? Hindi ba’t ang pagiging sangkot sa kidnap-for-ransom ay nagpapawalang-bisa sa katumpakan ng pakikibaka? Malalaman ding laban sila sa gawaing ito ng ilan nilang dating kasamahan. Habang tinutugaygay natin ang kalupaang kanilang tinatakbuhan, mapagmamasdan ang kagandahan ng kapaligiran at mapapaisip, “Napakayaman ng Mindanao ngunit bakit naghihirap ang sambayanang Moro?”
Magaling ang pagsasadula ng pelikula. Kalakip ng mga pangamba ng pagtakas ang mga nangyayari sa pang-araw-araw na buhay. Nariyang hinahanap nina Fatima at Amrayda si Faidal sa gitna ng kanilang pagtakas at matatawa nang makitang dumurumi pala ang bata. Minsan, bumili ng tsokolate ang bata gamit ang pera sa kanyang bag at makalipas naman ang ilang sandali ay sumakit na ang ngipin nito. Ang babaeng negosyanteng tumulong sa kanila na magkaroon ng sasakyan ay siya ring bubunot ng ngipin ng bata, at maling ngipin nga lang ang makukuha. Sa halos lahat ng pagkakataon, tila hindi umaarte ang apat na pangunahing tauhan, lalo na ang batang gumanap na Faidal.
May mga bahagi ng pagsasalaysay na tila kasapakat natin ang mga humahabol sa mga di-armadong babae at bata, gaya ng nakamamanghang paggamit ng teleskopyo sa pag-asinta gamit ang baril, upang matanto lamang na ang puntirya pala ay ang mga sundalong kalaban. Sa ganitong estratehiya, ibinabalik tayo sa pagpanig sa mga pangunahing tauhan na siya naman talagang inaapi’t inuusig. Mamamalas ang talino ng pakikidigmang nahasa sa danas ng kahirapan. Napaghandaan na ng ina ni Faidal ang pagkubkob sa kanya kaya gumamit ito ng zip line para mailigtas ang anak. Ang lupang tinutuntungan ng mga sundalo ay may hukay pala na tinakpan ng madamong lupa at nagkukubli ng mga tinutugis. Upang makaiwas sa high-tech na giyera, kinakailangang magpaka-lowtech: limitadong paggamit ng cellphone (na ibinabalot sa condom!) at pananahimik at pagpatay ng ilaw maging sa pagkain ng hapunan para makaiwas sa spy plane. Hindi lang teknolohiya ng Amerika ang sangkot sa giyerang ito; may mga sundalo rin silang kasama sa paghananap ng mga rebelde. Kaya’t global ang saklaw ng digmaan na sa lokalidad nagaganap ang pinakamatitinding bakbakan.
Masusukol kaya sila at darakpin nang buhay, o, sa isang masaker, lubos at tuluyang masisiil? Bago pa masagot ang katanungang ito, matutuklasang sa gitna ng pagtakas ay ang pag-iibigan ng dalawang dalaga. Ang mga panakaw na text messages ay malalantad at huhusgahang ang namamagitan sa kanila ay ipinagbabawal ng Q’uran. Habang naliligo si Faidal ay ipakikitang naglalaplapan ang dalawang babae. Ayaw nilang mawalay sa isa’t isa. At sa tunggaliang ito mapaglilimian ang kabuluhan ng kanilang himagsikan. Habang makatarungan ang paglaban sa pamahalaan upang makamit ang pagpapasya ng mga Moro para sa sarili, sinusupil naman ang kalayaang umibig kahit kanino ng sariling ito. Suliranin itong nararapat lutasin ng pakikidigmang inilulunsad sa ngalan ng pag-ibig sa bayan at dito mapatutunayan ang demokratikong mithiin ng anumang pakikibaka. Nauna nang sinambit ni Amrayda na pagal na siya sa rebolusyong Bangsamoro at ninanais na magkaroon ng tahimik na buhay pag-alis sa Jolo. Naritong tumatakas sila sa mga militar ngunit may plano na pala ang dalawang babae na lumayo at magpakasal. Si Bapa Indo, ang pinuno ng grupo, ang nagmungkahi na kailangan nilang maunawaan ang komplikasyon ng digmaan, na kailangang may magsakripisyo. Si Fatima naman ay mabait na nagpapaliwanag kay Faidal – batang nahuhubog pa lamang ang pagkiling atpagpapasya sa buhay – sa kasiyahang dulot ng ibang uri ng pag-iibigan, ang mga bituing katambal din ng buwan at araw.
Sa pagbitin sa katapusan kung kailan sila ay tumatawid na mula Jolo patungong Zamboanga, mauunawaan ang dunong ng pelikula. Sinikap nitong ipagpatuloy—sa labas ng naratibo—ang pagtatalabang nagpainog sa kanilang kolektibo at indibidwal na mga kuwento.
Napakahusay ng pelikulang Ang Paglalakbay ng mga Bituin sa Gabing Madilim. Mabisa nitong pinagsasalikop ang politikal na pakikibakang Bangsamoro at personal na mithiing sundin ang puso. Matatantong lahatang-panig ang digmaang kanilang inilulunsad. Kailangang patagin din nito ang mga tunggaliang sumisikil, naninibugho.
