Aristotle J. Atienza
May nakikita sa pananalamin. Ikaw na tumitingin ay maaaring hindi ikaw na tumitingin. Dahil kung nananalamin, bumabalik din ang tingin. Sa piling ng kadiliman ng sinehan, pinapanaginipan natin ang projeksiyon ng mga larawan na dumaan na sa sari-saring proseso ng pagpepelikula. Paano ngayon kung ang tinitingnan ang pagmamasdan? Ano ang kaniyang makikita? Sa Kamera Obskura ni Raymond Red, ang tumitingin ang tatangkaing tingnan, ang nakikita ang siyang tumitingin. At ano ang matutuklasan?
Mula sa wikang Latin na ang ibig sabihin ay “madilim na silid”, ang pelikulang Kamera Obskura ay magbubukas sa isang forum, ang Kamera Obskura, na pagbibidahan ng tatlong arkibista habang ipinapaliwanag ang bagong tuklas na mga rolyo ng pelikula, ang “Kamera Obskura,” na sa ilang sandali lamang ay panonoorin nilang muli sa projection room. Sa una’y maaaring maki-usyoso sa mga nangyayari sa pelikula, panoorin ang inihahain nito. Subalit sa pagtatapos ng pelikula, mayroon tayong nalalaman na hindi makikita ng tatlo. Nawawala na ang huling rolyo kung kaya’t hindi buo ang pinapanood nila. Tayo na lamang ang makasasaksi sa nilalaman nito kung hindi dahil sa pagkakasalba nito sa isang napabayaang bodega ng mga rolyo ng pelikula.
Image may be NSFW.
Clik here to view.
Tinatalunton ng pelikula ni Red ang tatlong direksiyon ng panonood. Ang panonood natin sa buong pelikula ang isa, at ang ikalawa naman ay ang panonood ng mga arkibista. Nasa kadidiskubreng pelikula, ang “Kamera Obskura,” ang ikatlo, na nagsasalaysay sa pakikipagsapalaran ni Mang Juan (Pen Medina) sa pagtuklas sa katotohanan. Literal na bilanggo ng dilim si Mang Juan hanggang sa mahalina siya sa paglalaro ng liwanag mula sa labas na tumatagos sa loob ng kulungan. Dahil hindi sapat na nakikita lamang niya ang mga imaheng nagmumula sa labas, kinailangan niyang tumakas upang masaksihan mismo ang mga larawan. Sa labas, hindi lamang niya makikita ang “pagbabago” ng Maynila na dalawampung taong hindi nakita kundi bibigyan pa siya ng pagkakataong pumasok sa Gusali, ang sentro ng kapangyarihan, na maaaring tumugon kung bakit tila wala pa rin naman palang pagbabago. Tangan-tangan ang salamangka ng kamera na nakapagbubura sa pag-iral ng masasamang loob sa lipunan, pag-aagawan siya ng mga makapangyarihan. At sa isang malakihang sagupaan ng mga namumuno, sa panahon na ibibigay na sa kaniya ang pamumuno sa Gusali, malungkot niyang lilisanin ito nang hindi nila nalalaman. Sa labas ng siyudad, magugulat siya sa makikita, ang tinakasang madilim na bilangguan ay ang kaniyang naghuhumindig na rebulto.
Itong huli ang laman ng nawawalang rolyo na pinapanood ng mga arkibista. Itong huli rin ang magtatakda sa pelikula ng pagkakaiba sa mga arkibista, silang inaasahang maging eksperto sa bagong tuklas na produkto. Kung paniniwalaan ang paglulugar ng tatlo sa nadiskubreng pelikula sa isang tiyak na panahon sa kasaysayan ng pelikula sa Pilipinas, hindi sapat sabihing ginawa ito sa panahon ng silent movies sa labas ng kinasasanayang praktika ng pagpepelikula sa ilalim ng kolonyalismong Amerikano sa Pilipinas. Kung totoo mang produkto ito ng nakaraan gaya ng gustong ipaniwala, nararapat pa ang mas mabusising pananaliksik sa maliliit na detalye ng hindi nakikilalang pelikula lalo pa’t kung ang layunin sa paglalantad sa pelikula ay upang isalaysay ang naratibo ng pambansang pelikula. Sa pagbabagong teknolohiya sa paglikha ng pelikula, maaaring ang nadiskubreng pelikula ay ginawa na lamang ngayon. Kaya’t hindi na nakapagtataka kung paano ibabaling ng pelikula ang tingin nito sa isa pang manonood, ang manonood ng huling negatibo ng pelikula na kinuha mula sa tambak ng mga rolyong handa nang ibasura.
Sa alegorya ng kamulatan ni Mang Juan na nagpapaalala sa kuwebang kulungan ni Platon, inaasahang mahanap din natin ang katotohanan sa tulong ng mahika ng kamera. Tulad ng wiwikain sa aparisyon ng hubad na babae kay Mang Juan, matapos makita ng huli ang kabulukan ng dalawang kampong “kumalinga” sa kaniya, tila sinasabi rin sa manonood, malaya ka nang makapag-iisip. Wala na sa mga arkibista ang pagpapakahulugan (hindi man nila natapos ang pelikula). Wala na rin ito sa mga makapangyarihang gustong impluwensiyahan ang paningin ni Mang Juan. Nasa manonood ang kakayahang makawala sa iba pang manonood. At ito ang matutuklasan: nasa ating mga sarili lamang din pala ang pagpapalaya.
Lalong magbibigay ng liwanag ang paggagap sa manonood kung isasangkot ang praktika ng panonood sa pelikula at ang pagpapakahulugan sa napapanood sa kasalukuyan. Sino na nga ba ang manonood? Sa bagong teknolohiyang dala ng pelikulang digital, kagaya rin ba siya ng manonood ng mga pelikulang gumagamit ng negatibo? Sa isang banda, inaasahan ng pelikula na nasa manonood ang pagtuklas sa katotohanan. May mga pagbabandila pa ngang naiiba na raw ang manonood ng pelikula ngayon, patunay nila rito ang pag-apaw ng mga sinehan sa panahon ng Cinemalaya. Sa kabilang banda, itinutulak din nito na sari-saring katotohanan ang posibleng ipakalat at paniniwalaan sa pagdagsa sa internet ng kahit anong pagpuna na napapanood sa kasalukuyan. Ang pagdalo ay bigla na lang nagiging kultural na kapital. Pero, ano itong dinadaluhan? Ano itong pinag-usapan? Ano ang pinapanood?
Sa ganitong kalagayan, madilim pa rin ang silid ng Kamera Obskura. Dahil kung mayroon mang makukuha sa pelikula ni Red, na maingat (hindi buong ingat) na minaniobra ang tekstura ng larawan at tunog upang mailahad ang iba’t ibang panonood, ito na marahil ang pagtatangka nitong (muling) pag-usapan ang manonood, itong nakaliligtaan pero kinakasangkapan, lalo na sa paulit-ulit na pagtatampok sa mahalagang papel nito sa kasalukuyan, at higit pang lalo sa pagpasok ni Red sa Cinemalaya. Maaaring patawarin na siya sa bigat ng materyal na nais niyang sangkutin dahil maiisip naman natin na isa ito sa mga tinatangka pa niyang sinupin, at maaaring dito sa industriya ng pelikulang indie o sa laylayan nito niya ito lilikhain. Pagdating nito, hindi na lamang sana tayo makadalo.
Image may be NSFW.
Clik here to view.
Clik here to view.
