Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Hinggil sa Realidad ng Pagiging Fangirl

$
0
0

Andrea Anne I. Trinidad

Fan Girl 2020 poster.jpg

Hayagang iginigiit ng pelikulang Fangirl (Antoinette Jadaone, 2020) na isinasagawa nito ang pagsisiwalat ng kasalukuyang realidad ng bansa partikular na ang kalagayan ng mga kababaihan sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sinusundan ng pelikula ang kuwento ng pagbuntot ni Jane (Charlie Dizon), isang fangirl, sa idolo nitong si Paulo Avelino. Sa pagsasara ng umiiral na distansiya sa pagitan ng tagahanga at iniidolo, unti-unting isisiwalat kay Jane ang lihim na katauhan ng hinahangaang aktor na siyang tutunaw sa marubdob nitong pagkiling at atraksiyon.

Sa pagsasakarakter ng isang tagahangang nasa rurok ng obsesyon, ginagawang madulas na lunsaran ng pelikula ang fangirling upang kilalanin, paringgan, at sa isang banda pangaralan pa nga ang lupon ng bulag na mga panatikong nagpapaandar (at pinaandar) ng kasalukuyang administrasyon. Bagaman kung nakararating ang ganoong pasaring sa madlang pilit nitong tinutukoy, o nananatili lang ba ulit sa isang espasyong matagal nang dumidiskurso sa gayong realidad ay iba pang usapin.

Sapagkat kuwestiyonable na ituring ang pelikula bilang nagtataglay ng radikal ng mensaheng nakapaloob sa radikal na anyo, gayong sa halip na makapagpabago ng perspektiba at gawi ay naghahain pa nga ito ng pagtanaw na lalong nakapagsasadlak sa posisyong dehado ng identidad na pinili nitong ihain—ang pagiging isang Fangirl. Tulad ni Jane na kailangan laging igiit ang mga katagang “hindi na ako bata” sa likod ng pisikalisasyon bilang isang bata (nakasuot ng uniporme, hindi iniinda ang buhaghag na buhok, at may kapansin-pansing pingas-pingas na pink nail polish) at karakterisasyong may kahinaang makapagpasya ng ikabubuti gamit ang katwiran, may iba pa sanang realidad na alok ang fandom upang matugunan ang malawak na infantilisasyon nang hindi nauuwi sa pag-inom ng alak, paghithit ng sigarilyo, at pagsuong sa iba’t ibang akto ng pakikipagtalik na siyang sinasandigan ng pelikula.

Bukod sa tagline na “never meet your idol,” pinanghahawakan din ng pelikula ang mga katagang “hindi na ako bata” na paulit-ulit babanggitin ng bida. Sa paggigiit nito, gagamit ang pelikula ng mga mapangahas na akto na pilit magbubura ng kaniyang pagiging musmos. Screencap mula sa trailer ng Fangirl (2020).

Sa pagsasakasangkapan ng pelikula ng isang tagahangang isinasakdal sa istereotipikal na pagkahumaling na pagkahumaling para lang tumayo sa pagiging isang panatiko, kaagad nitong napapasubalian ang itinatampok nito umanong kapangyarihan ng kabataang babae. Bagaman sa wakas ng pelikula, ibinabalik din kay Jane ang naturang ahensiya sa sandaling pinagpasyahan itong talikuran ang pantasya at piliin ang makabubuti sa kaniya at sa iba pang kababaihang nauugnay sa kaniya. Sa (literal na) paghuhubad kay Jane ng kaniyang identidad bilang fangirl na siyang ipinapangako ng pamagat, natitisod ang pelikula sa romantisadong pag-unawa na ang pagpapaloob lamang sa karanasan ng pandarahas sa isang babae na susundan ng pag-igpaw nito mula rito ang tanging paraan upang mapagana ang kaniyang ahensiya.

Mapanganib kung gayon ang tila salungat na pagpopostura ng Fangirl bilang pelikulang nag-aalok ng naratibong reklamasyon ng babae ng kaniyang ahensiya (sa tulong pa ng kapulisan bilang isang institusyong pasista at patriyarkal) sa pagpapatingkad nito sa patolohiko at hegemonikong representasyon ng kababaihang paghanga na sumasandig sa usapin ng obsesyon kung kaya ipinagpapalagay na walang kakayahang magpasya kung ano ang tama o mali. Hindi perpekto ang fandom, ngunit realidad ding dapat ituring na espasyo itong nag-aalok ng alternatibong paraan ng paghanga na sumusubok burahin ang namamayagpag na representasyon sa batang babaeng tagahanga na kinikilingan ng pelikula. Sa pagdalumat ng ilan pang realidad hinggil pagiging fangirl na hindi agad itinutumbas sa pagiging panatiko, magbubukas ang posibilidad na makapagtampok ng mga naratibong kakikitaan ng paggana ng kapangyarihan at ahensiya ng kababaihan na hindi kinakailangang ilugar muna siya sa posisyong bulag, sawi at, api.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles