Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Muling Pagkabuhay

$
0
0

Aristotle J. Atienza

Paparada ang pulang multicab sa isang walang lamang kalye sa Cebu, at unti-unti ay magiging karinderyang dadalawin ng mga nakakakilala rito. Karaniwan na marahil ang ganitong panahon sa lugar pero mararamdaman sa mga kumakain na naiibang araw itong masasaksihan. Mamamatyagan nila ang babaeng naghihiwa ng breaded porkchop, si Iyay (Jaclyn Jose), nang walang pagdadalamhating sasambiting “patay na si Hesus,” ang matagal na niyang hiwalay na asawa, at ama sa tatlong malalaki nang anak.

Sa pelikulang Patay na si Hesus (Victor Villanueva, 2016), mamarkahan ang kamatayan bilang panahon sa kasaysayan ng buhay ng isang pamilya. At bagama’t pananda sa pagsisimula ng mga suliraning  haharapin ng pelikula, aabangan sa palabas, hudyat ng panibagong kabanata, hindi ito naging memoryalisasyon, malungkot na pag-alaala sa nakaraan, pagbabaliktanaw sa naging buhay, kundi pagpapaalala sa kasalukuyang hinaharap kapiling ang matagal nang nawala. Sa madaling salita, ang tatahakin ng pelikula sa pagkamatay ng dating bana at ama ay hindi ang nakaraang tiwalag sa kasalukuyan kundi ang hinaharap ay ang kasalukuyang patuloy na sinusundan ng anino ng nakaraan. Tataluntunin ang pagtugon sa kamatayan ng kapamilya sa mga posibilidad ng katatawanan na maingat na binalangkas sa panulat nina Fatrick Tabada at Moira Lang subalit ipopook hindi sa pamilyar na tahanan, itong kinalakhang lunan ng melodramang domestiko, kundi sa iba’t ibang lawak ng katauhan at kapuluan sa labas ng tahanan na makakaengkuwentro at makakahalubilo habang binabagtas ang mga lansangan patungong Negros sa pagdalaw sa burol ni Hesus. Kasabay natin sa biyahe nila sa baha-bahagi ng Kabisayaang hindi madalas masaksihan ang mapaglarong musika ni Francis Veyra na naghahatid ng kasariwaang nagmamapa sa nilalakbay na kasaysayan at kapaligiran.

Sakay ng kanilang munting sasakyan ang pamilya, kasama maging si Hudas (Sadie), ang alagang shih tzu. Para ngang may outing lang, sabi ng anak, lalo na’t maraming pinamiling hinanda si Iyay para sa lamay ni Hesus. Pero sa daan tulad ng aasahan, hindi magiging magaan ang paglalakbay papuntang Dumaguete dahil binibitbit ang mga bagaheng dinadala na bago pa man lisanin ang tahanan. Sa panahong patay na si Hesus sasambulat ang lahat ng krus na pinapasan. Makatatanggap ng balita si Iyay na nanganganib na mawala ang puwesto ng karinderya. Nang sunduin nila si Lucy (Angelina Kanapi), ang kapatid niyang madre, na sasamang makikipaglibing ay tila nakalaya ito sa Monastery of the Holy Eucharist na kaniyang pinanggalingan. Masasaksihan ni Jude/Judith Marie (Chai Fonacier) ang pambababae ng nobya na halos ibigay na ang lahat, pati ang pag-aaral kay Mia (Precious Miel Espinoza), ang batang anak ng kinakasamang babae. Walang kinukuhang trabaho dahil umaasang ipapasa ang board exam na dalawang beses nang kinuha, nabuntis ni Jay (Melde Montañez) ang nobya. Sa huli, hahanapin nila ang mawawalang si Bert/Hubert (Paul Vincent Viado), ang panganay na anak na may Down syndrome, na piping saksi sa mga kabaliwan ng kaniyang pamilya, tatakasan niyang lahat ito at mauuna nang tutungong mag-isa sa Dumaguete karga-karga si Hudas. Binubuhay ng matitingkad na pagganap, may kani-kaniyang suliraning binibitbit ang bawat isa pero ang sapilitang pagsasama-sama nila sa sasakyan at sa daan ay tatawid sa mga espasyong masasangkutan ng lahat, ang pamilya, at ang pamilyang umaandar sa kahabaan ng mga ugnayang kapuluan. Problema ng lahat ang problema ng isa.

Waring walang tuwirang kaugnayan sa nasirang asawa at ama ang mga pinagdadaanang suliranin ng isa’t isa. Pero ang mga rebelasyon sa paglalakbay na masinop na dinisenyo sa pelikula ay mga bakas na naiwan sa mismong pagkawala ni Hesus noon pa man. Naging paalala ito ng mga kinahinatnan ng inaakalang paglusaw ng tradisyonal na pamilya. Wala kasi si Hesus kaya nangyayari ang lahat ng ito sa kanila. Bibitbitin ni Iyay na marahil ay kasalanan niya kung ano ngayon ang tinatamasa. Kung hindi lang siya nagmatigas, sabi niya. Na maaaring hindi nga ito naging ganito kung tinanggap niya ang pagmamakaawang magkabalikan na sila ng babaerong asawa. Pero hindi ito ang nangyari at matagal nang wala na si Hesus sa piling nila. Noon pa man napagluksaan na nila ang ama, at nakabangon-bangon na sila sa pagtataguyod nang mag-isa ni Iyay. Mahalaga ito lalo na sa bago nang pamilya ng dating asawa na bago pa lamang ang pagkawala, kay Linda (Olive Nieto). Mag-uusap ang babae sa babae, ina sa ina, makakayang lampasan din ang takot sa panahong patay na ang bana. At sino pa nga ba ang makasisigurong makababangon muli kahit wala ang lalaki kundi si Iyay na pinasasariwa at pinasisigla ng katimpiang nakasanayan kay Jaclyn Jose.

Pormalidad na lang marahil kay Iyay ang kamatayan ni Hesus na nagmamarka sa kasaysayan ng hindi napansing “tagumpay” sa pakikipagsapalaran sa matagal nang hiwalay na asawa at ama.  Ipinapaalala ang nagawa at nakayanan sa kaniyang pagkawala. Hindi na nakapagtataka kung bakit hindi madaling iyakan ang pagkamatay niya samantalang tila kay dali-dali namang magpakawala ng luha sa pagkawala ng nobya, halimbawa. Kung bakit maaaring piliing hindi na lamang sumama sa burol at kung bakit hindi dapat tumangging hindi pumunta sa kabila ng lahat ng nangyari sa kanila. Demonyo man iyon, tatay pa rin nila iyon, sabi nga ni Iyay. Aabot sa kasukdulan ang kasidhian ng damdamin sa mga ugnayang nalilikha at nabubuo sa mismong araw ng libing ni Hesus habang mabagal na umuusad ang karo ng patay na sinusundan ng mga nagmamahal sa nawalang buhay, papalahaw sa pag-iyak sina Iyay, Hubert, Jude, at Jay sa nasagasaang alagang shih tzu. Sa ganitong kalagayan, tiyak na ang paggunita sa makasaysayang paninimbang sapagkat mamarkahan sa panahon ng kamatayan ni Hudas.  Pabalik ng Cebu, may panibagong kabanata silang lalakbayin. Ano ngayon ang haharaping hinaharap nila? Ano ang mga bubuuin at bubunuin nina Bert, Jude, at Jay? May ipinapaalala ang pelikula: nasa krisis (lagi) ang pamilya.

Sa panahong patay na si Hesus, nagiging posible ang mga kababalaghang nararanasan ng mag-anak. Napalilitaw pang lalo sa pagpapatibay sa katatagan ng pamilyang matagal nang sumuway sa kasaysayang nararapat nitong tahakin. Pero bagama’t nakalalaya ay matatagpuang sinusubaybayan pa rin ng aninong hulmado ng mga gawain ng simbahan. Sa pelikulang Patay na si Hesus, posible pa rin ang pamilya, may buhay pa rin ito, muling nabubuhay ito, sa labas ng mga inaasahang katuparan ng mga sinagradong batas ng institusyong lagi’t laging mapagmasid, mapanimbang, at mapagparusa. Madilim at mapanganib kung tutuusin, subalit tila, parang, mukhang hindi lalo na’t isinasariwa sa mga kaparaanan ng katatawanang binisaya.



Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles