Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Palit-Piso, Palit-Ulo

$
0
0

Jema M. Pamintuan

Detalyadong inilahad ng pelikulang Ma’ Rosa ni Brillante Ma. Mendoza ang iba’t ibang bersiyon at antas ng pangangapital, na umiiral sa isang ekonomiyang batbat ng iregularidad at katiwalian. Nagsimula ang lahat sa isang transaksyon sa grocery. Kasama ni Rosa (Jaclyn Jose) ang anak niyang si Erwin (Jomari Angeles) na namili ng mga komoditing ibebenta niya nang tingian sa kaniyang sari-sari store. Kulang ng dalawampu’t limang sentimos ang sukli sa kaniya ng kahera, subalit hindi ito pinalampas ni Rosa. Malinaw ang pagpapakilala ng pelikula sa karakter ni Rosa; matalas at mautak pagdating sa kuwentahan, kaya bagaman nakiusap ang kahera ay hindi muna nagpatalo si Rosa. At saka lamang niya kinuha ang iniabot na ilang pirasong kendi ng kahera kapalit ng hindi naisukling barya. Ibinadya ng eksena ang iinugang tesis ng pelikula hinggil sa dalumat at istratehiyang kaakibat ng mga kalakal, palitan, at kontratang nagpapaandar sa komunidad ni Rosa.

Sa pagsakay nina Rosa sa taxi ay dadalhin ng kamera ang manonood sa kahabaan ng mga kalye ng kalunsurang babaybayin ng sasakyan. Mahusay ang kamera ni Odyssey Flores na nagdala sa esensya at kabuluhan ng sinematograpiya sa isa pang natatanging antas ng representasyon at elaborasyon, sa naratibong tinatalastas ng iba’t ibang hulagway. Sa halip na ipakita ang mga barung-barong na nakahanay sa mga kalyeng dinaraanan, nagtuon ang kamera sa tila walang katapusan at sala-salabid na electric wiring na natatanaw sa labas ng bintana ng taxi, at sapat na ang kapal, dami, pagkabuhul-buhol at sikip ng magkakadikit na wiring na ito para ilarawan ang masisikip ding mga daan at kabahayan ng makikitid na eskinita ng Maynila, kung saan naroon ang tahanan ni Rosa. Dito mabibigyang kabatiran ang matrix ng masalimuot na mga ugnayang bumubuo sa ekonomiya at industriyang underground na kinasasangkutan ni Rosa. At dahil underground, malaki ang posibilidad ng kawalan ng istabilisasyon nito.

Sa kabuuan ng pelikula ay isinalaysay ng kamera at tunog ang samu’t saring paraan at pinagkukunan ng kabuhayan ng maralitang urban na espasyo, rehistrado man o hindi ang mga negosyong ito. Mula sa mga munting sari-sari store, rentahan ng internet sa mababang halaga (pisonet), pagbenta ng mga pagkain sa kalye, tulad ng betamax, isaw, fishball, hanggang sa iba pang paraan ng pagkita ng salapi—sugal gamit ang mga baraha, paluwagan, at pautang (5-6). Pinaarkila ng panganay na anak ni Rosa na si Jackson (Felix Roco) ang kanilang karaoke machine. Masigla ang komunidad, umangkas pa ang maiingay na usapan ng mga residente, kantahan mula sa karaoke machine, sa gitna ng mga bulyaw at utos ni Rosa sa asawang si Nestor (Julio Diaz) at mga anak.

Matutuklasang sa likod ng inosenteng sari-sari store ni Rosa ay dumodoble kara rin ito bilang bentahan ng ipinagbabawal na droga. Gaya ng mga kendi at merchandise na ibinebenta nang tingian, ay ganoon din ang mga droga na inilalagay sa maliliit na sisidlang plastik at ibinebenta sa ilang mga kontak ni Rosa. Mabisang naiparating ng pelikula ang taktika nina Rosa sa pangalawa nilang negosyo. Walang formalidad, walang business permit, subalit may sariling sistema at kalakaran sa pagpapatakbo nito. Dito ay may mga “ID” at “passcode” na alam at sinusunod ng mga nagbebenta/kliyente para masigurong tama ang kinakausap o kontak. Isinilid ni Nestor sa pakete ng sigarilyo ang maliit na plastik na may lamang droga (mga iilang gramo lamang ito) at iniabot sa bumibili nito pagkatapos sambitin ang “passcode.” May listahan din ng mga pangalan ng kontak si Rosa na nakasulat sa isang notebook at nakatago sa isa sa mga eskaparate ng kaniyang tindahan.

Nagsagawa ng raid ang mga pulis, at hinuli sina Rosa at Nestor. Isinakay ng mga pulis sina Rosa at Nestor sa maliit na dyip. Dadalhin naman ng kamera ang manonood palayo sa tahanan, palayo sa komunidad ni Rosa. Wala na ang mga pamilyar na tunog, amoy, usok mula sa mga ibinebentang pagkain sa kalye. Ikukuwento ngayon ng kamerang nakafokus sa mukha ni Rosa kung paanong nagbago na ang disposisyon nito, malayo sa madiskarteng Rosa sa grocery. Sa mga tahimik na eksena tulad nito lumilitaw ang natatanging pagtatanghal ng aktres na si Jaclyn Jose. Umid na ang Rosa na kani-kanina lamang ay matalim ang dilang nagbibilin sa mga anak. Mula sa dyip ay matatanaw ang isang pamilyang nagtutulungan sa pagbuhat at pagsasaayos ng mga bote ng softdrinks, at ang iba’t ibang suson ng pangungusap ng mukha ni Rosa. Sa ilang segundong iyon na pagkakatitig ni Rosa sa pamilya animo’y mababanaagan kung paanong mas ibig na lang sana niya harapin ang pagod sa pagsasaayos at pagsasalansan ng mga ibebenta, at pag-imbentaryo sa mga ito. Pagkat alam niya kung paano ito gawin, at alam niyang matatapos din ito, kaysa harapin itong kawalang katiyakan ng kanilang pagkaaresto.

Mainam kung paano isinasangkot ng kamera ang manonood, halimbawa sa eksenang animo’y nakasunod lamang ito sa tila walang katapusang paglalakad ng mga naaresto papasok sa presinto. Nilampasan nila ang presinto, pasikip nang pasikip ang mga pasilyong dinaraanan nina Rosa, ibang-iba na sa pamilyar na mga eskinita ng kaniyang komunidad, ang komunidad kung saan alam ni Rosa kung paano tutugon, at kung paano hindi malalamangan. Pero sa tagóng kuwarto kung saan sila dinala ng mga pulis, tantyado at kalkulado ang kaniyang mga galaw at salita. Mapahahalagahan ang mga diyalogo at pagtatanghal ng mga aktor at aktres sa mga eksenang ito, na damang-dama ang tensyon sa interogasyon ng mga pulis sa mga naaresto, at pagbabantulot ng mga naaresto sa pagtugon sa mga tanong, nangingibabaw ang buong pag-iingat sa bawat bibitiwang salita.

Ipinairal sa kuwartong ito ang mga kritikal na transaksyong mahalagang pinagpasyahan nina Rosa. Sa puntong ito ng pelikula, masinsin pang pinalawig ang kabuluhan ng ekonomiyang kanilang kinabibilangan. Tinugaygay ang higit pang desperadong mga pamamaraan upang makalikom ng pera, tulad ng pagbebenta at pagsangla ng mga gamit, pagdistrungka sa ritmo ng paluwagan, paglalako ng katawan, ekstorsyon, at blackmail. Hindi na lamang ito palitan ng mga produkto at pera, kundi, presyo ng katahimikan, presyo ng salita at pangalan. Maayos na nabigyang-artikulasyon ng mga eksena ang kaselanan ng negosasyon, na katulad ng hanapbuhay ni Rosa at ilang kapitbahay, ay iregular din, at hindi opisyal na nakatala. Ang ikinaiba rito, ay iisang panig lamang ang may kapangyarihang magpasya at magdikta ng mga kondisyon at katumbas ng pagpapalaya sa mga naaresto. Kinakatawan ng kuwartong ito, ng under-the-table na set-up ng mga pulis ang isang arena na di tiyak, at mabilis na nagbabago. Ni hindi rin pormal na nakalista sa police log ang pangalan nina Rosa at Nestor nang tanungin ito ng kanilang mga anak na dumalaw sa presinto. Walang nagtatala ng statement, walang mga pormal na prosesong sinusunod sa interogasyon. Ang karupukan ng ilegal na industriya ay sinalungguhitan pa ng balatkayo ng mga pulis, na bagaman nakauniporme at nasa ilalim ng islogan ng PNP na “We Serve and Protect,” ay tulad din ng tindahan ni Rosa, na may pagkukunwari, sa konteksto nito, pumapangalawang mga berdugo, at sila palang may malaking partisipasyon sa mga nagpapaandar sa kabuuang makinarya ng krimeng mapagkukunan nila ng salapi.

Dahil sa iregularidad ng kalakarang ito, mataas ang posibilidad ng paglabag sa mga kasunduan, kaya tulad ng anumang ekonomikong palitan, mahalaga ang isang antas ng garantiya at tiwala sa mga kasangkot sa kalakalan. Dahil walang anumang batas at tuntunin na nakatala sa mga notebook, sa panig nina Rosa at ng mga pulis, lilikha sila ngayon din ng kontrata. Ito ang kalakarang susundin nila; magbabanggit ng pangalan ng nagbebenta ng ilegal na droga sina Rosa, kapalit ng kanilang paglaya. At may istratehiya ang mga pulis para makuha ito mula kina Rosa. Dumating ang punto sa eksena na nagbibiruan na ang mga pulis, inaamo ang mga naaresto, para magkaroon sila ng maayos na pagkakasunduan. Ang mababagsik na mga tanong, ang pahapyaw na pagsambit ng “may karapatan kayong manahimik” sa unang bahagi ng interogasyon, ay nauwi sa mas kasuwal na usapan at aregluhan, at tuluyan nang naisiwalat ang impormalidad ng opisina/kuwarto. Naging umpukan na ito, inilabas ng houseboy nila ang videoke. Bumili ng lechon manok at beer gamit ang perang puwersado nilang kinuha kay Jomar (Kristoffer King), ang itinurong dealer nina Rosa.  Gayunman, dahil nga kumbaga’y lista sa tubig lamang ang kasunduan, hindi pa pala makalalaya sina Rosa. Kailangan muna nilang magbigay ng dagdag pang limampung libong piso, at dito, walang opsyon kung hindi ang sumunod, pagkat walang mararating ang husay sa kuwentahan at argumentasyon ni Rosa.

Mariin ang komentaryo ng pelikula rito, na kung tutuusi’y higit pang may sistema, at higit pang sistematiko ang inakalang magulong komunidad ni Rosa. Silang maliliit at maralitang nagkukumahog para sa kanilang buhay at kabuhayan ay pawang mga kasangkapan, mga kapital, at puhunan ng linsad na makapangyarihang pumipiga ng kapakinabangan mula sa mga katawang ito. Sa pagkakahuli kay Jomar, nagpadala ito ng text upang ipaalam sa isang Major Jasmin ang pagkakadakip sa kaniya, na ikinagalit (at posibleng labis na ikinatakot) ng mga pulis. Hindi ang mga pangalang gaya ng Major Jasmin ang nakalista sa notebook ng mga tulad ni Rosa, kaya kapag nagkagipitan, laging ang nasa itaas na istratum ang nakikinabang, may seguridad, at ligtas. Napag-alaman ni Jackson na ang kaibigang si Bongbong (Timothy Mabalot) ang nagbigay ng impormasyon sa mga pulis kaya naaresto ang kaniyang mga magulang, at ito ay upang mailabas ni Bongbong sa kulungan ang kapatid. Na ginawa rin nina Rosa at Nestor kay Jomar. Siklo na lamang ang patuloy na pagsusustina sa mga nasa itaas ng mga gaya nina Bongbong, Rosa, at Jomar. At hangga’t may makukuha sa mga ito, walang katapusan ang mga blackmail, ang mga banta at pakiusap, at mga paglabag sa impormal na kasunduan. Sa pamamagitan ng matagumpay na pagtatahi ng naratibo, editing, tunog at musika, sinematograpiya, at mahusay na mga pagtatanghal, malinaw at malalim ang talab ng pelikula sa pagsesemento ng kritisismo nito sa volatility na kumakatawan sa temperamento ng isang uri ng ekonomiyang nakasandal sa maligalig na sistema.



Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles