J. Pilapil Jacobo, Ph.D.
Kagawaran ng Filipino, AdMU/Film Desk, YCC
Mula sa sarili niyang dulang pampelikula, dinirehe ni Bagane Fiola ang Sonata Maria bilang pelikulang Bisaya na may tagpuan sa lungsod ng Davao at tanawing pandaigdig mula sa lunan na ito. Sinusundan nito ang isang araw-gabi sa buhay at buhay-malay ni Ramon, binatang dating makata at lirisista ng kasintahang mang-aawit ngunit sa kasalukuyan ng pelikula agent sa isang call center. Bago tayo ipakilala sa tauhan ni Ramon, inililibot tayo ng sinematograpiya sa isang maaraw na hapon sa lungsod ng Davao. Dinaraanan ng tanaw ang maraming mga pook, tulad ng eskuwelahan, mga tindahan, parke, at iba pang mga sulok at pasikut-sikot, mga lugar na bumubuo sa buhay ng siyudad na nagkakanlong sa isang kamalayang tulad ng kay Ramon. Bilang pagtataya sa gampanin ng lugar bilang pangunahing hulagwayan ng pelikula, heto ang sipi mula sa kritika ng palasuri ng sining na si Tessa Maria Guazon: “The images that make the almost disjunctive story art artfully composed in its combination of the fantastic and the ordinary. The local is the scene that anchors an inner landscape; the former is Davao and Visayan, the vernacular language; and the latter is the meandering imagination.” (24/25th Annual Circle Citations 64)
Inatasan ako ni Propesor Aristotle Atienza, kasamahan sa Kagawaran ng Filipino rito sa Ateneo, at Pangulo ng Film Desk ng Young Critics Circle, na bigyang paliwanag ngayong hapon ang pelikulang Sonata Maria sa tanglaw ng pangunahing tunguhin ng kurso sa Panitikan ng Pilipinas dito sa Pamantasang Ateneo de Manila. Batid ko na isa sa kahingian sa inyong kurso sa Filipino ang isang sanaysay na naglalaman ng inyong reaksiyon sa pelikula. Ito ay gawaing hindi lamang responsabilidad ng mga estudyanteng tulad ninyo kung hindi ng mga katulad naming guro na kasangkot sa panunuring pampelikula ng Pilipinas habang may pananagutan sa pagtuturo ng wika, panitikan, at kulturang bayan na muli rin naming inilalatag ayon sa mga hinahakang bagong pamaraan ng saliksik.
Bilang texto na naisisiwalat sa mga kalakaran ng mass media, ang pelikula ay mahalagang anyo kung saan mapag-iisipan ang pagdaloy at pagka-antala ng panahon, at ng isang paraan ng pagsipat dito, kasaysayan. Bagaman nakabatay ito sa dulang pampelikula, na uri ng panitikan, hindi na rin ito panitikan lamang, katulad ng mga binasa ninyong bugtong, salawikain, epiko, kuwentong bayan, tulang relihiyoso tulad ng Pasyon (1815), metriko romanse tulad ng Florante at Laura (1838), nobela, tulad ni Noli Me Tangere (1887), maikling kuwento, tulad ng “Aloha” (c.1920). Higit na malapit ang integridad ng anyo ng pelikula sa mga anyong nalilikha sa pamamagitan ng, pace Walter Benjamin, teknolohikal na reproduksiyon, tulad ng potograpiya, musikang popular, telebisyon, at video, ngunit hindi naman ito basta-bastang maihahambing sa higit na kontemporanyong mga anyo ng social media, tulad ng Facebook, twitter, instagram, at ng maraming apps na umuusbong sa bawat minuto dahil sa android telephony. Dahil sa partikular na anyo ng pelikula, nagagawa nitong pag-isipan sa natatanging paraan ang kasaysayan ng bayan sa pinipili nitong salaysay at ang pinagpapasyang larawan na pupuno sa salaysay na ito.
Wala akong sapat na panahon upang bigyan kayo ng isang madaliang kurso sa panunuring pampelikula, subalit ang katanungan na mungkahi ko sa inyo bilang gabay sa inyong mga pagsusuri ay heto: Ano ang kasaysayan ng kamalayang bayan ang maaaring halawin mula sa pelikulang Sonata Maria, at paano nagiging posible ang imahinasyong historikal na ito sa danas ng anyo, sa mismong penomenolohiya ng pagpepelikula? Tandaan lagi na ang pelikula ay isang pagliliming historikal, at ang pagdalumat na ito ay magmumula, sa ayaw man o sa nais ng direktor, mula sa kasalukuyan. Kaya, lagi ring isang kontemporanyong texto ang pelikula, lalo na kung susuriin kung anong pagmamalay sa kasaysayan ang sinasabayan nito. Ngunit anuman ang diwang sinasabayan, tandaan din na ang pakikisabay ay pansamantala. Kaya nga: contemporary. Sabay sa panahon, subalit panandalian lamang, matitinag din dahit hindi magpakailanman, kung nais, maaaring mapag-iwanan o magpaiwan.
Subukan nating suriin ang Sonata Maria gamit ang gabay na tanong na inisip ko para sa ating talakayan sa hapong ito. Alalahanin na anuman ang tangka kong pagbasa ay probisyunal lamang, hindi naman ninyo itong kailangang panindigan, o paniwalaan. Bagaman, sa pagkakataong ito, ang higit na mahalaga ay ang paraan ng pagsipat; hindi naman nalulubos o nahuhusto ang kaisipan sa sanlaksaan ng diwa riyan. Sa ganang akin, ang Sonata Maria ni Bagane Fiola, ay isang muling pagtuklas sa sensibilidad na romantiko ng isang binatang Davaoeño, sa pamamagitan ng isang imahinasyong musiko.
Sa gawing bungad ng pelikula, ikukumpisal sa atin ni Ramon ang sandaling pangkasaysayan ng kanyang kaakuhan bilang tauhan: 1) ang pagkapanganak niya sa kaarawan ni Andres Bonifacio; at 2) ang paglisan ng kanyang ina upang makibahagi sa armadong pag-aalsa noong panahon ng Batas Militar; 3) ang hiwaga ng mga paruparo sa burol ng kanyang ama. Lahat ng tatlong detalye ay mailalarawan natin bilang romantiko, mapagyakap sa nakalalampas na abot-kaya: ang unang dalawa nagpapatunay sa romantisismo bilang prinsipyo ng rebolusyon; ang huli hindi kaagad rebolusyonaryo, sa halip higit na “lo real maravilloso,” magpalampas din kung tutuusin, katulad ng paghabol ng mga mariposa kay Mauricio Babilonia, tauhan sa nobelang Cien Años de Soledad (1967) ng Kolombiyanong si Gabriel Garcia Marquez.
Sa pagtahak ni Ramon sa sarili niyang salaysay, matutuklasan natin ang pag-iwas kung hindi man pagtalikod sa adhikaing mapanghimagsik: lalampasan lamang niya ang isang kilos-protesta sa isang pangunahing lansangan ng kanyang lungsod. Wala siyang panahon na makisangkot sa lipunan, dahil madaratnan natin siya sa sandali ng pagkalugmok ng kalooban, kalagayang ilalarawan niya bilang “miserable” sa harap ng mga realidad na hindi na mailalakip sa haraya ng isang metapisika ng pag-asa. Maaari nating iugat ang miserabilismo ni Ramon sa pagkaulila niya sa kamay ng rebolusyong magpahanggang-ngayon hindi pa rin napagtatagumpayan. Ang huling kasaysaysayan ng rebolusyong 1896 ay nagbunsod sa kanyang mga magulang na dumayo sa Davao upang magsaka sa lupaing pangako ng Mindanao, at sa kanyang ina na iwan siya at ang kanyang ama upang mamundok sa panahon ng diktadura. Maaaring basahin ang nasawing himagsikan na ito bilang batayang dusa ni Ramon, danas na kanyang pinagsasakitan kasama ng mga Pilipinong natangay na rin ang liyab ng pag-asa sa maraming dantaon, pag-andap na malay man tayo hindi, isinasangkot tayong lahat dito sa loob at labas ng bulwagan.
Subalit kung aantabayanang mabuti ang pagkabuo ng malay ni Ramon, matatagpuan natin ang larang ng kanyang pakikisangkot sa personal niyang pag-unawa kung ano ang sining at kung paano nito nababago ang mistulang likas na miserabilismo ng buhay sa daigdig. Kung sa sining niya inilulunsad ang panukala tungo sa pagbabago, maaaring ito ang pinipili niyang pamaraan ng himagsik (matapos magmistulang naghihimutok lamang), tulad ng Sisne ng Panginay na si Francisco Balagtas, ng Unang Pilipino na si Jose Rizal, nina Isabelo de los Reyes at Apolinario Mabini, nina Vicente Ranudo at Tomas Bagyo, o nina Ramon Muzones at Magdalena Jalandoni.
Bilang isang makatang nagsusulat sa wikang Bisaya sa Davao, maaaring balakista, tulad ng pangunahing praktis poetiko mula Cebu, may pagbaling si Ramon sa mga payak na imahen sa kalikasan at sa kalunsuran, nang may pananaw na matalisik ang suri sa kamay ng kabalintunaan. Lipos ng giliw ang kanyang mga tula, lalo na kung ginugunita ang pagdating, pananatili, at paglipas ng larawan ng kanyang paraluman, si Maria, kababatang musikera na nilalalapatan ng himig ang kanyang mga taludtod at hinahandugan naman niya ng titik ang mga kanta noong sila’y nasa pamantasan pa. Sa pamamagitan ng anyo ng musika, at ng musika sa piling ni Maria, nagkakaroon ng saysay, ng kinahihinatnan o kinahuhulugang salaysay, ng kasaysayan na nga ang malay ni Ramon sa labas ng rebolusyon at sa loob ng kanyang panulaan na sinisipat niya bilang sariling himagsik sa miserabilista niyang lipunan. Dito nagiging diskursibo ang pelikula bilang gayon, at ayon sa sarili nitong pagkakataga—“Sonata Maria”: 1) ang panulaan ni Ramon na umaawit hinggil sa sinisintang si Maria; 2) ang panulaan na naging loob ng musika ni Maria; 3) ang panitikan ng musika ng bandang Sonata Maria kung saan mang-aawit si Maria; 4) ang nalalabing pagdurusa ng kaluluwa matapos maglaho ang tula, ang musika, ang musa, dahil sa kung hindi ipinapaliwanag na dahilan, hindi nagkatuluyan sina Ramon at Maria, tulad nina Francisco Balagtas at Maria Asuncion Rivera, tulad nina Jose Rizal at Maria Segunda Katigbak. Mababatid natin na ang kabiguang ito sa pag-ibig ang nagbunsod kay Ramon na tuluyan nang talikuran ang romantisismo bilang diwa ng poetikong pakikitalad sa buhay.
Ang salaysay ng pelikula na ating matutunghayan ay pagtatangkang manumbalik sa romantisismong nagbigay ng pagkakataon kay Ramon na umibig, at maranasan ang pagkatugnaw ng miserabilismo bilang prinsipyo ng pamumuhay sa daigdig. Sa isang pasyal sa loob ng karnabal at sa mismong lungsod, magkakabalikan kahit pansamantala sina Ramon at Maria, sa pamamagitan ng katwiran ng kanilang pag-iibigan—ang musika. Sa dakong ito ng aking panayam, imumungkahi ko ang paraan ng pagsipat sa anyo ng kasaysayan na mababanaag natin sa mismong usapan nina Ramon at Maria; ang simulain ng suring ito ay walang iba kundi ang pagdanas ng musika na pinaghahalawan ng pelikula ng taimtim niyang kalooban. Maaaring magsisimula ang pagsusuri kay Johann Sebastian Bach, pasimunong kagawad ng musikang klasikal sa Kanluran na kapwa hinahangaan nina Ramon at Maria, at itinatanghal nina Misha Romano at Miracle Romano, sa pamamahala nina Maki Serapio, Wrap Meting, Mark Limbaga, at Jad Montenegro. Ayon sa Gawad para sa Pinakamahusay na Tunog at Orkestrasyong Awral ng Film Desk ng Young Critics Circle na kinatha ng kasalukuyang Pangulo ng pangkat na si Propesor Aristotle Atienza: “napatutunayan” sa Sonata Maria ang “mabisang papel ng tunog at musika upang pagdugtungin ang mga hindi inaasahang ugnayang kinunan sa magkakaibang panahon. Mahusay na napanghawakang gawing sariwa ang gasgas na tunog na siyudad upang ilantad ang pagtahak ng tauhan sa pagbibihis ng siyudad. Sa hindi inaasahang paglalaro sa musika ni Bach (kakatwang nanlalaro o nanloloko ang pagpapakulugan ng badinerie), at musika ng karnabal, nagkakaroon ng tekstura ang naririnig at napapakinggan upang maipadanas din ang parehong kabaliwan at katinuan, pantasya at realidad, nitong bernakular na modernidad.” (www.yccfilmdesk.wordpress.com) Samakatwid, ayon kay Propesor Atienza, musika ang siyang prinsipyo na gumagabay sa biswalidad ng pelikula na likhaing muli ng pelikula ang sarili nitong kayarian bilang malikhaing sining. Ang nakagawiang pamaraan—nilalapatan lamang ng tunog ang imahen, nakikibagay lamang ang musika sa galaw ng larawan.
Kailangang balikan ang mga sandali kung saan nagkakaroon tayo ng pagmamalay sa panahon, at ng pagsasaysay sa mga guwang nito dahil sa musika ni Bach at nina Serapio at Montenegro na kusang nakikipangusap sa klasikong kayarian ng tunog at himig ng una. Ito ay kung ang bernakular na sinasambit ay uunawain na pumapatungkol sa musika bilang wika. Sa kumbersasyong nagaganap sa pagitan nina Bach at ng mga musikero ng Sonata Maria, kabilang na sina Ramon at Maria, higit nating mauunawaan kung ano nga bang wika ang pinatutungkulan ni Propesor Atienza sa mapaglimi niyang mga kataga na “bernakular na modernidad.” Bakit kaya si Bach, at hindi si Mozart? Paano kung ang piniling piyesa ay “fugue” at hindi “badinerie,” isang “cantata” at hindi “sonata?” Ano ang mayroon sa musika ng Alemanya sa panahong iyon na maaaring magsilbi bilang kontrapunto sa musika ng Pilipinas sa pagkakataong ito? Ano naman ang maihahandog natin sa Alemanya ni Bach mula sa ating bayan ngayon? Upang mapalawig pa nang husto ang musikal at musikolohikal na pagsipat na ito sa kontemporanyong pelikula, maaari ring ihambing at itambis ang pelikula ni Fiola sa gawa ni Dan Villegas sa “The Breakup Playlist” (2015) at nang lubus-lubos na ang suri, sa “Begin Again” (2013) ni John Carney. Sa isang palahambingang post-kolonyal, ano ang pagkakaiba ng ganitong kumbersasyon ng Bisaya kay Bach sa pagbali ng pangungusap ng klasisismo na isinagawa ni Heitor Villa-Lobos, sa kanyang “Bachianas Brasileiras” (1930-1945)?
Sa usapin ng bernakular bilang bernakular, maaaring munang magbuhat sa isang diskusyon ng Bisaya bilang wika ng pelikula, lengguwaheng dinaranas natin bilang salin sa Ingles, at bilang salin na rin sa masalimuot na hugpungan ng sinematograpiya, disenyong biswal, editing, at siyempre, ng tunog at orkestrasyong awral, dahil, at kung maaari, laban sa iba pang mga wika ng kapuluan, at sa huli, laban sa musika. Ganunpaman, hindi rin nararapat na mapako lamang tayo sa usapin ng tambisan sa pagitan ng rehiyunal at nasyunal, o kung mamarapatin man, ng rehiyunal at global, mga sitio ng diskurso na ginagalawan ng Sonata Maria bilang textong kosmopolita. Sa ganang akin, kinakailangang ibalik ang “bernakular na modernidad” na mababanaag sa isang pagsusuring musikolohikal sa pelikula sa mga kondisyon ng himagsikan na kumukulob sa malay ng pangunahing tauhan sa pagitan ng romantisismo at realismo, sa pagitan na nga, na isang surrealismo, upang hindi lamang natin maipagdiwang si Ramon sa bingit ng bini at digma, o sa loob ng kung anumang tambalan na mapagpapantasyahan ng kung sinong isip-rebolusyonaryo. Samakatwid, kalakip na paanyaya sa atin na binabasa ang musika ng rebolusyon sa isang pelikulang mula sa rehiyon na taluntunin ang inabot na landasin ng palahimigang mapanghimagsik mulang “Jocelynang Baliwag” at “Marangal na Dalit ng Katagalugan” na marahil ang alingawngawan ay ngayon pa lamang natin napapanagimpan, kung hindi man unti-unti nang naririnig. Daghang salamat ug maayong gabii sa inyong tanan.
Talasanggunian
Atienza, Aristotle. “Pagkilala sa Pinakamahusay na Tunog at Orkestrasyong Awral ng 2014.”www.yccfilm.wordpress.com.
Bach, Johann Sebastian Bach. “Badinerie.” Sa “Suite No. 2 in B minor, BWV 1067.” Leipzig, 1738-1739.
Benjamin, Walter. “The Work of Art in the Age of Mechanical Reproduction.” Sa Illuminations. Pinamatnugutan at binigyan ng pambungad ni Hannah Arendt. Isinalin ni Harry Zohn. New York: Shocken Books, 1968.
Guazon, Tessa Maria. “The Wonders of Getting Lost.” Sa 24th and 25th Annual Circle Citations for Distinguished Achievement in Film for 2013 and 2014. Diliman, Quezon City: Film Desk of the Young Critics Circle, 2015.
Marquez, Gabriel Garcia. Cien Años de Soledad. Buenos Aires: Editorial Sudamericana, 1967.
Sonata Maria. 2014. Direction: Bagane Fiola. Screenplay: Bagane Fiola, kasama sina Margaux Denice Garcia at Melona Grace Mascarinas. Actors: Krigi Hager, Prexy Whittmer.
*Editor’s Note: This paper was supposed to be delivered on 6 July 2015 at the Ateneo de Manila University, but heavy rains caused the cancellation of the event.
