Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Pagkilala sa Pinakamahusay na Pagganap ng 2014

$
0
0

J. Pilapil Jacobo

Tumutukoy ang gawad sa pagganap ng isang papel o karakter na nagsasangkot ng emosyon, damdamin, at karanasan sa mga panlipunang kondisyon ng personal at sa politikal na ekonomiya ng kaugalian at kilos, at kung paano nakatutulong ang mga ito sa pagsasakatauhan ng sarili. Ipinagkakaloob ang Pinakamahusay na Pagganap sa Gumanap, lalaki o babae, matanda o bata, sa isang pangunahin o pang-suportang papel, sa indibidwal o kolektibong pagganap.

Ang mga Nominado:

Naisasaloob ni Krigi Hager sa Sonata Maria ang mayamang haraya na nalilibot ng isang malay na sinisikap na mapanghawakan ang sariling nagliliwaliw sa laberinto ng mga katanungang eksistensiyal.

Inilahad ng Ensemble Lead Cast ng Sundalong Kanin na sina Isaac Cain Aguirre, Nathaniel Britt, Elijah Canlas, Akira Morishita ang larombata na sa konteksto ng digma ay hindi na kailanman matatagpuan sa ligtas na tanggulan.

Malawak ang lupain na tinatanaw ni Nonie Buencamino bilang antropologong may hinahanap na arketipo sa Dagitab. Kung paano nagiging mutya ang artifact ay paglalakbay na masusing naihahalayhay sa atin ng kanyang maringal na pagganap.

Malalim ang balon na pinagsasalukan ni Eula Valdes bilang makata ng pinakamalulumbay na mga taludtod sa Dagitab. Kung paano pinagbabayaran ng hindi maitatangis na mga luha ang bawat salita ay pagtuklas na bahaging anino, bahaging liwanag na inilulunsad nitong aktres na pinatining ng mahabang panahon ng tila wala nang panulaan.

At sa tambalang ito nina G. Buencamino at Bb. Valdes—isang alkemiya na primera klase ang palitang sanghaya at salitang rubdob—nababatid ng pelikulang Pilipino sa kasalukuyan ang uri ng pagmamahalan na hindi hungkag, at lalong hindi baog sa paglilimi tungo sa pagsasabutil ng diwa: na ang pag-ibig, kung bibigyan ng pagkakataon, hindi maliligalig kung nakabatay sa mga sapantaha ng kaisipan, at sa hulagway ng mga palaisipan. Pagbati kina G. Buencamino at Bb. Valdes sa tagumpay na ito.

Nonie Buencamino and Eula Valdes in a scene from Dagitab

Nonie Buencamino and Eula Valdes in a scene from Dagitab



Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles