Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Pagkilala sa Pinakamahusay na Tunog at Orkestrasyong Awral ng 2013

$
0
0

Aristotle Atienza

Tumutukoy ang Tunog at Orkestrasyong Awral sa paglalapat ng mga aspektong may kinalaman sa tunog sa pelikula, musika, likas na tunog, sound effects habang ang mga ito ay isinasalungat sa o inaayon sa lengguwahe ng mga imahen, at kung gayon ay nagiging makahulugang sistema ng pananagisag mismo.  Iginagawad ang Pinakamahusay na Tunog sa sound engineer at sa tagapaglapat ng musika.

Gasgas mang sabihing mahalaga ang papel ng tunog at musika sa pelikula, pero pansamantalang patahimikin ito, ilagay sa mute, malaki ang nababagong pananaw sa halagang ginagampanan ng tunog at musika sa pagtatakda ng kapaligiran ng eksena at sa daloy na idinaragdag nito sa paggalaw ng mga tauhan at sa pagtatagpi-tagpi ng mga eksena ng pelikula.  Matagumpay na naisasagawa ng anim na pelikulang binibigyan ng pagkilala sa kategorya ng tunog at orkestrasyong awral ang karaniwang gamit nito upang lagyan ng espasyo ang naririnig sa pagnanasang “matapat” na makapaglarawan ang mga imaheng nakikita.  Isa ay likha ng “maaasahang” industriya habang ang lima ay hinulma mula sa mga laylayan ng tinataguriang sineng indie na tinatangkang baguhin ang mga hanggahan ng naririnig nang nanunukat at naninimpla.

Kuwestiyon mismo ang naririnig at nagsasalita sa pelikulang Porno (Adolfo Alix) na nasa disenyo ng musika ni Albert Michael Idioma at tunog ni Ari Trofeo. Sa pelikulang Babagwa (Jason Paul Laxamana) malinaw ang natatanging panlabas na tunog bilang espasyong pantastiko sa ingay ng dumi at gulo ng urban sa Pampanga sa musika nina Lucien Letaba at Joseph Lansang at disenyo ng tunog ni Addiss Tabong.  Matatagpuan naman sa musika ni Carmina Cuya at disenyo ng tunog muli kay Addiss Tabong sa pelikulang Badil (Chito Roño) ang ingay ng panganib na sumusuporta sa pagtatangka ng pelikulang itanghal ang praktis ng eleksiyon sa isang isla sa Pilipinas.  Samantala, nananakop ang musika nina Teresa Barrozo at Jireh Pasano at tunog nina Ray Andrew San Miguel at Andrew Millalos upang manahan sa saklaw ng pangitaing binubuksan at isinasara ng pelikulang Debosyon (Alvin Yapan).  Sa musika at tunog ni Armando Lao sa pelikulang Dukit (Armando Lao), nagsasanib ang nanunuot na koro ng awiting relihiyoso sa relihiyosidad ng pag-ukit hindi lamang sa kahoy na nagiging sining kundi sa buhay na nagiging talambuhay.  Panghuli, abusado, dahil inaasahan, ang musika nina Francis Concio at saka ang tunog ni Arnel Labayo sa pelikulang Pagpag (Mortiz) na nagtutulak upang hindi seryosohin ang lagim ng familia de horror.

Pero sa huli, ibinibigay ang pagkilala sa Pinakamahusay na Tunog at Orkestrasyong Awral ng pelikulang taon 2013 kina Albert Michael Idioma para sa disenyo ng tunog at Ari Trofeo para sa tunog ng pelikulang Porno.  Hindi dahil sa dami at tindi ng eskandalosong ooh at aah sa pelikula na ikahihiya sa piling ng iba pang manonood sa sine o pahihinain naman sa oras ng sariling panonood kundi mismo sa pagbabalik ng pansin sa pagnanasa bilang konstruksyong nililikha rin ng tunog.  Hindi lamang pornograpiko ang biswal.  Dito pa lamang ay nagiging pagsubok na kung paano patitingkarin ang karanasan ng realidad sa pelikula lalo na sa detalyadong paglalarawan ng mga paggalaw sa siyudad, interior man o exterior.

Sina Albert Michael  Idioma (kaliwa) at Ari Trofeo

Sina Albert Michael Idioma (kaliwa) at Ari Trofeo



Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles