Aristotle J. Atienza
Umiikot ang pelikulang Dagitab (Giancarlo Abrahan, 2014) sa mag-asawang Tolentino na dumadaan sa kani-kanilang mid-life crisis: propesor sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman sina Jimmy at Issey. Dahil kapwa may pinagdadaanan, kahit maging pagsasama ay malalagay sa alanganin sa kabila ng kawalan natin ng pagdududa na tunay naman nilang mahal ang isa’t isa. Sabay pa rin silang naliligo, umuuwi, kumakain. Pero bagama’t titimbanging hindi sapat ang mga gawaing ito ng mag-asawa (dahil nga sa kani-kanilang krisis), hindi naman nila binobola o tinitiyaga ang pagsasama. Sa lokasyong ito mailulugar ang atraksiyon ng manonood sa relasyong mayroon ang mag-asawa.
Kahit kamera ay nahalina sa kanilang pagsasama dala ng may lalim na pagganap nina Nonie Buencamino at Eula Valdes na bukas at komportable sa isa’t isa na repleksiyon marahil ng tradisyong mayroon ang pamantasang pinanggagalingan at kinalakhan. Hindi naman siguro masamang sabihing may edad na sina Buencamino at Valdes, at hindi na marahil makapagpapakikilig pa (subalit bakit hindi) lalo na kung lagi’t laging ikinakabit sa tiyak na demograpiko ng kabataan ang pakiramdam na ito, pero bakit may halina sa kanilang dalawa? Madaling tugunan ito ng panahong nahulma sa pagiging aktor sa mahabang panahon sa mga magkakaibang pagkakataon ng career bilang aktor at aktres pero paanong nagkakaroon ng bigat at tindi ang dalawa lalo na sa kanilang unang pagsasama sa pelikula. Muli itong pinatitibay sa pagtutugma ng kaibahan ng mag-asawa dahil ipinapaaalala ang kakulangan ng/sa isa’t isa.
Napapagod pero hindi tumitigil si Issey habang pursigido naman sa pagkilos si Jimmy. Ipinapanukala ng pelikula na ang pinagdadaanang sigwa ng dalawa ay resulta na rin ng panahong inilagi sa unibersidad na matagal nilang pinaglagian. Para kay Jimmy, ito ang ilang taong pananaliksik kay Bulan at ang sundang. Para kay Issey, ito ang kawalan na sa kaniyang lohika ay hindi naman nawawala kundi lumiliit lamang habang tumatanda. Sa pagtatapos ng pelikula, matatagpuan ito ni Jimmy, at matatapos na rin niya ang mahabang panahon ng pananaliksik na magkukumbinsi sa kaniyang tuluyang pamumundok. Si Issey ang malabo dahil maaaring maiwan siya sa Diliman o lumipat na lang ng U.P. Baguio para doon magturo o sundin ang suhestiyon ng asawa na magpahinga lang at hindi lumayo. Makapaglalabas man siya ng libro ng malulungkot na tula sa tagal-tagal ng panahon, tila hindi pa rin ito naging kasagutan sa black hole na matagal na niyang nararamdaman. Kaya’t nagiging romantiko ang pelikula na pinatitibay pang lalo ng masinop na sinematograpiya ni Rommel Sales at ng metikolosong disenyong pamproduksiyon nina Whammy Alcazaren at Tessa Tang.
Pero kung minsan nakalalasing ang labis na pagmamahal sa ilaw at tagpuan na tumutulak upang timbangin kung saan-saang daan pinatutungo ang mga tauhan. Hindi na ito katanungan kung makikita ba sa realidad ang nakikita sa pelikula dahil sa una’t una pa lamang ay totoo na ang nakikita rito, at hinulma na ang realidad na ito ng mga aparatong ginamit sa paggawa. Kung magkaganito man ay marami pa sana tayong mga tanong na kailangang sagutin, mga butas na kailangang punan, mga detalyeng kailangang dagdagan, upang mabuo ang kasaysayang ginagalawan.
Nasa “pagpapaganda” sa karanasan humihina ang pelikula. Matatagpuan ni Jimmy ang hinahanap, habang hindi natagpuan ni Issey ang dapat matuklasang magpapabago o makapagwawasak sa kinasasadlakan? Tila pipiliin pa ni Issey ang kalungkutan dahil ba ito na ang kawalan na nariyan at hindi na mawawala kailanman? Madadagdagan pa ito ng naratibo ng inaanak na si Gab Atienza na maliming ginampanan ni Martin del Rosario ang kabataang manunulat, na sa pagdidiskubre ng sarili ay mapagtatagumpayang maitawid ang bagong karanasan upang magamit lamang (at makalikha ng maliit na ingay sa maliit na komunidad) sa premyadong sanaysay ang babae. Bagama’t pagsisihan ito ni Gab sa huli, dahil unti-unti nang matututuhang tanggapin ang sarili, aakuin pa ring lahat ito ni Issey. Nakapanghihinayang lalo na’t nasa unibersidad nilang mahal ang mga posibilidad upang makatulong na maalpasan ang ilan pang dinaramdam. Diyan makukulong ang pelikula sa kaniyang sariling pamagat.
*
Sa kasalukuyan, si Aristotle J. Atienza ay guro sa Kagawaran ng Filipino ng Pamantasang Ateneo de Manila, at mag-aaral ng Ph.D. Philippine Studies sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Kasama si Rolando B. Tolentino, pinamatnugutan nila ang Ang Dagling Tagalog, 1903-1936 (Ateneo de Manila University Press, 2007).
Editor’s Note: This review is part of a series of reviews of outstanding films of 2013 and 2014 that we will feature here in the run-up to the YCC Citations Ceremony on April 23rd. Earlier reviews have been featured for Badil (here and here), Porno (here and here), Debosyon (here and here), Pagpag, Lauriana, Quick Change, Ang Kwento ni Mabuti, Babagwa, Norte: Hangganan ng Kasaysayan, Mga Anino ng Kahapon,Sonata, the 2013 Best First Features, Sonata Maria, and Sundalong Kanin.
