Aristotle Atienza
Mapangahas ang pelikulang Debosyon (Alvin Yapan, 2013). Ang bitbitin ang manonood sa mapanganib na laylayan ng mga paniniwala ay nakababahala. Subalit, nasa engkuwentrong ito ang mga posibilidad ng interbensiyon.
Deboto ni Ina (Birhen ng Penafrancia) si Mando (Paulo Avelino). Dadayuhin niya ang simbahan sa Naga at mag-aalay ng bulaklak at dasal para protektahan ang tanim na palay. Habang hinihintay ang tag-ani, tutungo siya sa gubat upang pumitas ng mga orkidya na ibebenta sa palengke. Sa kasukalan ng kagubatan, susubukang niyang angkinin ang pulang bulaklak na orkidya na umagaw sa kaniya ng pansin. Pero mahuhulog siya at mawawalan ng malay. Magigising siya sa kubo ni Saling (Mara Lopez), at sa kaniyang pananatili, mapapamahal siya sa dalagang namumuhay nang mag-isa. Iimbitahan ni Mando si Saling sa bayan upang mabigo lamang ito dahil isinumpa ang babae na manatili sa kagubatan. Kung bakit ay isisiwalat niya kay Mando na siya si Oryol na tunay namang ikagugulat ng binata. Tatakbo siyang palayo pero upang bumalik lamang din na bitbit ang mananalangin sa kubo ni Saling. Wala itong magagawa sa kondisyon ng dalaga kundi ang ipaalala kay Mando na magpanata kay Ina. Sa araw mismo ng parada ng Penafrancia, walang pag-aalinlangan siyang hahangos pabalik ng kagubatan upang makapiling ang minamahal.
Image may be NSFW.
Clik here to view.
Kuwento ng pag-ibig ang pelikula. Dito hindi magulang o kayamanan o matalik na kaibigan ang dakilang hadlang kundi ang nararapat at ang tinatanggap sa lipunan. Ang diskurso ng pag-ibig ay pinasisigla ng mga praktika sa paniniwala, ng institusyon ng pamilya, simbahan, at lipunan. Pero sa halip na maging sagabal, nagiging posibilidad ang engkuwentro ni Mando kay Ina upang maisakatuparan ang bawal na pagmamahal. Kaya’t magpupursige si Mando na hanapan ng lunas ang sakit ng minamahal. Bakit hindi na lang talikuran si Saling gaya ng kuwento ng lalaking nagmahal sa babae? Bakit hindi na lang manatiling magdusa sa babaeng hindi niya maangkin? Dahil nga nagmamahal. Sa una’t una pa lamang, isinisiwalat sa pagkakasaksi ni Mando sa lihim ni Saling ang posibilidad ng mga imposibilidad. Hindi sa hindi matatag ang kaniyang paniniwala kaya’t madali itong nagambala kundi ang pagpapaigting pang lalo ng paniniwala sa katotohanan ng mga himala. Kaya’t nang makita ni Mando sa mata ni Ina ang mata ni Saling, hindi sapat na tapusin ang pelikula sa paghahawakan ng kamay o paghahalikan sa kagubatan o kahit na sa kasal saksi ang ilang na kapaligiran, kailangang maramdaman ang katotohanan ng pagniniig sa katawan ng minamahal. At mabibigo kang hindi makita ang pagkawala ng sumpa.
Dalawa na silang isinusumpa ngayon. Pero napatunayan na ni Mando ang kaniyang debosyon kay Saling, at mula sa mga laylayang gaya nito ipinapanukalang sisibol ang hustisyang ipinagkait sa mga nilalang na naisantabi sa kanayunan at kagubatan. Nasa laylayan na si Mando pero bakit pipiliin pa ang pinakalaylayang kinalalagyan ni Saling? May kakayahang hanapin ni Saling ang hustisya sa pananalanta sa bayan para paghigantihan ang mga lalaking nagmahal at nanloko sa kaniya. Pero pagod na si Saling. At isa pa, hindi ito ang pelikulang halimaw na nakasanayan natin.
Dahil sa pagtawid ni Mando sa kagubatan ni Saling, pinipili niya ang espasyo ng laylayan nang hindi tuluyang tinatalikuran o kinakalimutan ang naging engkuwentro sa sentro. Hindi tulad ng tagalabas na militar na manghihimasok sa kagubatan ng Kabikulan upang “linisin”ang lipunan ng masasamang elemento, makikipagniig si Mando sa mga nilalang (Agta, rebelde, Saling) na itinulak palabas ng bayan at makahahanap ng tahanan sa mga laylayan. Hindi pagsuko at hindi lugar ng kawalan ng kapangyarihan ang laylayan, kundi lugar ng posibilidad para sa mas mabuti at katanggap-tanggap na hinaharap. Saan nagmumula ang kalungkutan at kapaguran ni Saling? Hindi sa kabiguan sa pag-ibig na dinanas niya kundi sa kasaysayang nanamantala mismo sa mga katulad niya. Kaya’t si Saling ay hindi na lamang din si Oryol. Naroon sa kanyang pag-alaala at pagpapaalala ang bakas ng mga karahasang ginawa ng lipunan. Isinasakatawan niya ang mga pinatahimik dahil nakagagambala. Sa paglalantad, binubuksan niya ang espasyo ng laylayan para sa mga tunay na naniniwala. Paano ngayon makikisangkot sa mga hindi pinagsasalita ng lipunan?
Nasa pelikulang Debosyon ang mapangahas na interbensyong kailangang gawin sa opisyal na kasaysayang pinapaniwala sa atin ng Kapangyarihan.
*
Aristotle J. Atienza teaches language, literature, and popular culture in the Filipino Department at the Ateneo de Manila University.
Editor’s Note: This review is part of a series of reviews of outstanding films of 2013 and 2014 that we will feature here in the run-up to the YCC Citations Ceremony on April 23rd. Earlier reviews have been featured for Badil (here and here), Porno (here and here), Pagpag, Lauriana, Quick Change, Ang Kwento ni Mabuti, Debosyon, Babagwa, Norte: Hangganan ng Kasaysayan, Mga Anino ng Kahapon, Sonata, and the 2013 Best First Features.
Image may be NSFW.
Clik here to view.

Clik here to view.
