Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Sa Bitag ng Alanganin

$
0
0

Rebyu ng Babagwa (Jason Paul Laxamana, 2013)

JPaul S. Manzanilla

Maiinis at magagalit ka sa sistema ng lokohan na nagaganap sa Babagwa ni Jason Paul Laxamana.

Malalaman mong ang bidang karakter na si Bam Bonifacio at ang kaibigang si Marney ay mga scammer sa facebook: gagawa ng pekeng account si Marney para kay Bam habang makikipagkilala ang huli gamit ang isang guwapo’t matipunong binata bilang kanyang pagkakakilanlan. Sa proseso ng pakikipagkaibigan at pagpapaibig ni Bam ay hihingan nila ang biktima ng malaking halaga ng salapi at pagkatapos makakulimbat ay ilalaglag na ang nalokong ka-chat at phone pal at papalitan na ang sim card.

babagwa

Habang dumadaloy ang mga pangyayari at nagaganap ang dapat maganap ay matutunghayan natin ang mga suliraning binubuno ng mga tauhan. Paekstra-ekstra sa mga pelikula si Bam at nangangarap na sumikat kahit paano. Nakakatawa na nakakaasar ang mga eksenang nagpapanggap siyang gumaganap sa isang pelikulang katatakutan at minsan nama’y umaastang bakla sa mga sandali ng pagtatalik nila ng kanyang nobya. Ang babae ay kinukulit siyang pumunta ng Palawan, bagay na hindi niya maibigay dahil sa kakulangan ng pera. Si Marney naman ay hikahos din, at kailangang mailipat ang mga magulang dahil ang komunidad na tinitirha’y wawasakin na ng pamahalaan.

Sa bitag ng alanganin, sila ay kinakailangang mabuhay. Upang kumita at mabuhay naman ay kinakailangang magpanggap. Susi ang tunog sa pagtatanghal at paglalaro ng sarili at sitwasyon at mahusay ang pelikula sa paggamit ng boses bilang paggampan ng identidad. Kung walang edukasyon at propesyon, ano pa nga ba ang magagamit kundi ang katawan at diskarte?! Kaya kinakailangang maglambing, manuyo, manapa’y magalit paminsan-minsan at magpaawa gamit ang tinig sa isang relasyong hinuhubog ng pagtatantiya at alinlangan. Isa itong laro ng pag-arte upang makalansi ng ibang nilalang na hindi naman pera ang kinakailangan kundi mahihingahan ng loob, makakaibigan, maiibigan, at maging mapagpaparausan: mga bagay na hindi ekonomiko ngunit lagi’t laging dumurugtong sa kalagayang ekonomiko, dahil sa kabuhayan nakataya ang kanilang pagkatao. Dito maaaring humalaw ng magandang halimbawa ang mga pelikulang ukol sa kahirapan ngunit hindi ginagawang pornograpiko ang pagiging abâ ng mga tao.

Napapanahon din ang pelikula dahil sa pagpapakita nito ng gawain ng paglahok sa social media bilang pangunahing pinagkakaabalahan hindi lamang upang makipag-ugnayan ngunit pati ang magkaroon ng mapagkakakitaan. At kaakibat ng mga layuning ito ang reimbensyon ng sarili, ang pagsusumikap na makuha ang nilulunggati, ang paglalantad ng nararamdaman sa hinahangad, at ang katotohanang sa pagpapanggap lamang makukuha ang inaasam.

Hanggang makita nating kailangan nang kumalas. Dahil itong si Bam na nagpapanggap ay nahulog ang loob kay Daisy, isang napakaganda at napakaseksing babae na napakabait sa kanya. Itong Daisy pala ay tumutulong sa mga may kapansanan at mga nasalanta kaya hindi na maatim ng manggagantsong si Bam na lokohin pa. Dangan nga lamang, ayaw ng mga kasapakat ni Bam – na nakaaway na niya dahil ginogoyo din siya – na ihinto ang kalakaran hangga’t may pakinabang. At nagtapat na nga si Bam kay Daisy at iniwan na ang mga kasama. Bam: “Mahal mo ba ako? Paano kung hindi ako yung taong akala mo? Hindi mo pa nga ako nakikita sa totoong buhay, eh.” Daisy: “Lahat naman ng tao may itinatagong sikreto. Nakapatay na ako ng tao.” Sa huli, masasaksihang ang nandaraya ay siyang madadaya at ang namumuhunan ng libog at pagmamahal ang siyang magdurusa. Tanging sa aktwal na pagtatagpo pa rin matutuldukan ang katotohanan. Balik tayo sa simula ng pelikula kung kailan isinalaysay kung paanong niloloko ng matsing ang pagong at sa huli’y siya pala ang naisahan.

Mag-ingat sa patibong ng pagnanasa.

*

Si JPaul S. Manzanilla ay nananaliksik hinggil sa mga kasaysayan ng potograpiya, pelikula, at telebisyon sa bansa. Siya ay nagtapos ng komparatibong panitikan at kasaysayan ng sining sa Pamantasan ng Pilipinas sa Diliman at nagturo sa Pamantasan ng Pilipinas sa Maynila at Pamantasang Ateneo de Manila.

Editor’s Note: This review is part of a series of reviews of outstanding films of 2013 and 2014 that we will feature here in the run-up to the YCC Citations Ceremony on April 23rd. Earlier reviews have been featured for Badil (here and here), Porno (here and here), Pagpag, Norte: Hangganan ng KasaysayanLaurianaQuick Change and Mga Anino ng Kahapon.



Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles