Rebyu ng Quick Change (Eduardo Roy, Jr., 2013)
Aristotle Atienza
Kalat na sa lipunan ang pagtinging kulang ang buhay kung walang pagdurusa. Para sa iba, ang sakit, medikal man ito o kabiguan sa pag-ibig, ang nagpapakahulugan sa buhay. Kung tutuusin, nagiging mas malay na humihinga pa rin sa oras na maramdaman ng mismong balat ang init ng apoy o lamig ng yelo. Kaya nga’t lalayuan o iiwasan. Hindi natin niyayayang lapitan tayo ng pagdurusa. Hindi natin ipinagdarasal na bigyan tayo ng drama. Pero paano kung imbitahang papasukin ito sa buhay natin? Bakit sa kabila ng init ng apoy ay magpapakapaso pa rin? Paano ang buhay na ikinasisiya ang sakit? Sa pelikulang Quick Change, dadanasin ang pagdurusa sa ngalan ng kagandahan.
Nakasentro ang pelikula kay Dorina (Mimi Juareza), isang relihiyosang retokadang transgender na babae na hanapbuhay ang pagturok ng collagen sa mga kapwa transgender. Tulad ng nanay at asawa, inaalagaan niya ang pamangking si Hiro (Miggs Cuaderno) at si Uno (Jun-jun Quintana), ang kasintahang lalaki na performer naman sa The Amazing Theater Show. Kagaya nila ang nakasanayang pamilya: naghahanda ng almusal at baon si Dorina, hinahatid ni Uno sa eskuwelahan si Hiro at susunduin naman ito ni Dorina, tinutulungan ni Hiro si Dorina sa kaniyang trabaho. Pero may lamat ang inaakalang masayang pamilya. Pinagdududahan ni Dorina ang kasintahan, at hindi masaya si Uno sa natitirang pagkalalaki na mayroon ang nobya. Unti-unting masisira pa ang nakapanghihinayang na alternatibong pamilya nang mabilanggo ang mentor na si Mamu (Felipe Ronnie Martinez) dahil sa “pagkakamali” nito sa isa nitong kustomer. Sunud-sunod na pangyayari ang yayanig sa buhay ni Dorina pagkatapos. Madidiskubre niyang walang ipinagkaiba ang itinuturok na collagen sa tire black. Gayundin, tuluyan na siyang iiwan ni Uno. Pero sa kabila ng lahat, magpapatuloy pa rin siya hanggang mangyari sa harapan niya ang kinatatakutan.
Pero bagama’t nakasentro sa buhay ni Dorina, nakafokus naman ang pelikula sa mga nasa komunidad na nagpapaturok ng collagen. Masinop na ikakahon ng pelikula ang naratibo ni Dorina sa dalawang magkaibang eksena ng pagtuturok sa umpisa at pagtatapos nito, at sa pagtatangkang ihanda hindi lamang ang mga nagpapaturok, kundi ang manonood mismo. Inuulit ang pagpapakita kung paano ang pangako ng transpormasyon, ng biglang-ganda, ay isang pangangailangang nararapat tanggapin dahil makabuluhang bahagi ng produksiyon ng mga transgender. Binubuksan ng pelikula ang diskurso ng kagandahan bilang isang uri ng paggawa (labor) na pinaghihirapan at pinupuhunan. Dito, ang kagandahan ay mobilidad.
At samantalang nagawa mang bigyang-pansin ang ekonomiya ng kagandahan, narito rin ang kahinaang hindi naiwasang harapin ng liberal na pag-iisip ng pelikula. Sa paghahandang isinasagawa nito sa manonood upang maitanghal ang hindi nakikita sa trabaho ng pagpapaganda, ikinukuwento ng pag-iilaw ang praktis ng pagtuturok bilang gawaing hindi katanggap-tanggap. Sinasabi ng pelikula na hindi sila mga doktor at mapanganib sa mga kustomer ang kanilang ginagawa lalo pa’t kung ilulugar ito sa mas legal na transpormasyong pinagdaanan ng ibang transgender sa pelikula. Ang hindi ipinapakita ay kinukuha ng ibang transgender ang serbisyo nina Dorina hindi dahil sa makukuha ito sa murang halaga (kumpara sa mga Belo at Calayan) kundi dahil na rin sa tagumpay ng mga proyektong ito sa kabila ng panganib na maaaring idulot ng pagtuturok. Tumutulong din ang sirkulasyon ng tagumpay ng praktis na ito upang tanggapin ang pagdurusa sa pagpapaganda, kung kaya’t pinag-isipan at pinagdadaanan, at hindi simpleng adiksyon lamang. Naiiba ito sa kuwento ng transpormasyon na sasapitin ng ibang transgender sa pelikula na nagbabayad ng mas malaking halaga, at kung gayon, mas nagtatagumpay. Halimbawa, sa kabila ng pangako ng kagandahan sa dalawang trans na sasali sa byukon (beauty contest) na tinurukan ni Dorina, hindi pa rin sila mananalo kay Hazel, na beteranang Japanera, at kahit maging itong si Dorina, na produkto rin ng Japan ay mabibigo nang iwan siya ni Uno para dito. Ganito rin ang kasasapitan ni Rica na epektibong naisagawa ang pagpapaganda sa tulong ng nobyo sa Inglatera na nakilala niya sa chat na dahil lamang sa pagtatangkang magtipid ay buhay naman niya ang magiging kapalit. Nasa puwang ng pelikula ang ideya na kumita ng malaki para maayos na makapagpagawa sa mas lehitimong klinika ng pagpaparetoke kahit na umiiral din naman ang mga kuwento ng kabiguan sa mga lugar na ito.
Pero interesanteng tinatahak ng pelikula na malaki ring pagkakamali na tingnan ang gawaing ito sa konteksto lamang ng mga paggalaw ng bakla sa kanilang pagdanas ng sakit at saya sa pagpapaganda. Sa pagkuha ng macho dancer sa serbisyo ni Dorina, ang kagandahan ay hindi na lamang kuwento ng mga transgender. Kahit na masasaksihan ang lugar na hinihintuan ni Dorina bilang daigdig na nagiging posibilidad ang bakla, ang mga daang nilalakbayan niya ay hindi rin naman. Naaapektuhan ang lahat sa pamamayani ng makapangyarihang rehimen ng kagandahan sa lipunan. Pero para sa mga transgender sa pelikula, hindi sapat na mabago lamang ang sarili, ang maging babae, ang magtaglay ng pagkababae. Kinakailangang makita at makilala ang kagandahan, si Mama Mary o si Anne Curtis man ito, masakit man para sa iba ang piniling daang lalakbayin para makamit ito. Naipakita ng pelikulang Quick Change ang trahedya ng pagpapaganda, pero higit pang trahedya ang makikita nang masaksihan nating wala rito ang daan kung saan patungo para sa ibang narito pa ang mga buhay na nawala sa ngalan ng kagandahan.
*
Aristotle J. Atienza teaches language, literature, and popular culture in the Filipino Department at the Ateneo de Manila University.
Editor’s Note: This review is part of a series of reviews of outstanding films of 2013 and 2014 that we will feature here in the run-up to the YCC Citations Ceremony on April 23rd. Earlier reviews have been featured for Badil (here and here), Porno (here and here), Pagpag, Norte: Hangganan ng Kasaysayan, and Lauriana.
