Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Pulitiko for Rent

$
0
0

Jema M. Pamintuan

Mapahahalagahan ang malinaw na pagbabalangkas ng pelikulang “Badil” hinggil sa buong kayarian, danas, at naratibo ng panahon ng halalan sa ating bansa. Nagbukas ang pelikula sa mga eksena ng pangangampanya: lumilibot na muli sa isang maliit na bayan si Ponso (Dick Israel), ang datihan nang tagasuporta ng isang kumakandidato para sa pagka-alkalde na si Del Mundo (Tonton Gutierrez). Alam na alam ni Ponso ang mapa ng bayang nakatatak na sa kaniyang gunita, ang mga katangian at pangangailangan ng mamamayang aabutan niya ng salapi kapalit ng pangakong iboboto ng mga ito si Del Mundo. Markado ang bawat tahanang bibisitahin pagkat nakasisiguro na si Ponso sa katapatan ng mga ito kay Del Mundo. at madalas ay positibo ang nakukuha niyang tugon mula sa mga naaabutan ng pera. Dahil kagagaling lamang sa sakit ni Ponso, ipinagkatiwala niya ang tungkulin sa kaniyang anak na si Lando (Jhong Hilario), na siyang lumibot sa iba’t ibang bahagi ng baryo para mag-abot ng salapi sa mga pinagkakatiwalaan at inaasahang botante. Tinalunton ng galaw ng kamera ang mapa ng maliit na baryong ito, at unti-unting ipinakabisa sa mga manonood ang kasuluk-sulukan ng bituka ng korupsyong nakabalabal na sa ating mga halalan, mula sa antas ng barangay at munisipyo, lunsod at lalawigan, at pambansa.

badil

Isinalaysay ni Lando, sa pamamagitan ng kaniyang panaka-nakang pag-aalinlangan at tahimik na paninimbang sa trabahong inihabilin sa kaniya ng ama, ang hubog ng ligalig ng panahon ng halalan sa kanilang baryo. Mula sa pagiging tahimik at kiming anino ng kaniyang ama tungo sa higit na may tatag na disposisyon, mababakas na may ipinangangakong antas o istatus ang pagpapatuloy ng naumpisahan ng kaniyang ama. Batid ni Lando ang saklaw ng kapangyarihang ngayon ay hawak na niya; sa isang banda ay halos napasakamay na nga niya ang politikal na kapalaran ng kaniyang baryo, lalo pa dulot ng kaniya ring puwersadong pakikipagmabutihan sa iba pang politikong sangkot sa pandaraya. Sa bisa ng pagtatanghal ni Jhong Hilario, masasaksihan ang pag-usbong ng panibagong tuta sa pagmanipula ng pagpapaandar sa isang maruming halalan.

Iisa lamang ang pamilyar na mukha na magpapakampante at gagabay sa pagpapasya ng mga botante, ang salapi. Inilatag ng pelikula kung paano napupunan ang puwesto ng mga tauhang hindi man nakikita ay malinaw pa ring umiiral ang kanilang impluwensiya sa mga mamamayan ng baryo. Pawang naroon lamang ang mga larawan ng kumakandidatong si Del Mundo, sa mga t-shirt, sa mga streamer at poster, at sa istiker na may pangalan nitong idinidikit sa perang iniaabot sa mga botante. Naitaguyod pa rin ang impluwensiya nito na tila baga naroon pa rin siyang nakikipagkamay at nangangako. Ang katawan ng kandidato ay napalitan/nahalinhan ng monetaryong katumbas, depende kung sino ang kaharap nito. Ang presensiya ng kandidato ay katumbas ng ilang libong piso sa karaniwang mamamayan, at higit na malaking halaga para sa mga nangangasiwa ng kampanya nito, kagaya nina Ponso at Lando. At kagaya ng pahiwatig na iniwan ng huling bahagi ng pelikula, malinaw na rin kung sino ang hahalili, balang-araw, kay Lando.

Makabuluhan ang tunguhin ng pelikula sa pagpaparating ng mga konkretong katotohanang itinatanghal ng panahon ng eleksyon, lalo na sa aspekto kung paano pinagagana at pinaiikot ng pera ang buong istruktura ng halalan. Una, ang pera ay nakapagpapabago ng paninindigan, nakababali ng pangako, nakalilikha ng hidwaan sa mga ugnayan, tulad ng mga halimbawa sa ilang eksenang “na-dinamita” o “pinatay” ang boto. Pangalawa, nakapagpapatahimik ito, natutumbasan ang tinig at hininga ng mga indibidwal na kailangang tukuyin, pasunurin, o patayin. Pangatlo, pinagkukunwari nitong ang halalan ay panahon ng kasaganaan. Dahil umaapaw ang pera tuwing panahon ng kampanya, may ilusyon ng rangya at ginhawa na inaakalang naidudulot at ibinibigay ng kandidato para sa mga botante, nang hindi lubos ang pag-unawang ang “kasaganaan” at pondo ay mula sa mga mamamayan mismo. Kaakibat ito ng pangakong bitbit ng kumakandidato sa kaniyang mga plataporma, na kapag ibinoto ang kandidato, anumang oras ay maaari kang mabiyayaan ng salapi. Ito kung gayon ang malaking delusyon na ipinaiiral ng paggamit ng pera sa panahon ng halalan. Ang kabuuan ng eleksyon, simula pa sa pangangampanya, pagpasya kung sino ang iboboto, hanggang sa mismong proseso ng pagboto, at paglabas ng resulta ng nanalo, ay hinuhulma ng halaga at tagatanggap ng salaping sangkot rito.

Sinasalungguhitan ng “Badil” ang katotohanan na ang nagtatamasa ng seguridad (salapi at tiyak na maginhawang posisyon sa lipunan), sa huling pagsusuri, ay ang mga kandidato lamang, sa pamamagitan ng mamamayang nagsisilbing impukan ng kanilang boto sa panahon ng eleksyon.

#

jemaJema M. Pamintuan is an Assistant Professor at the Department of Filipino, Ateneo de Manila University. She has recently completed her fellowship under the United Board Program at Tunghai University (2012-2013) and Georgetown University (2013-2014). She created the musical scores for the independent films “Ang Panggagahasa kay Fe” (2009), “Gayuma” (2011), “Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa” (co-scored with Christine Muyco), and “Bwakaw” (2012).



Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles