Quantcast
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

AGAM-AGAM | rebyu ng A SECRET AFFAIR

Aristotle J. Atienza

 

Nasaan na ang masayang katapusan ng pag-iibigan?  Paano kung tinuturuan tayong tanggapin ang malungkot na pagtatapos dahil “pinag-isipan” naman?  Pagninilayan ng pangunahing bidang babae ang desisyong gagawin sa huli.  At paplanuhin ng mga taga-pelikula ang paghihiwalay na lohikal na hahantungan ng pagmamahalan.  Sa industriya, tinatawag itong twist.  Pero sa A Secret Affair (Nuel Crisostomo Naval, 2012), hindi ito twist kundi gimik.  Nakasusuyang gimik.

Image may be NSFW.
Clik here to view.
Anu’t anuman, nagtatakda ang mga “twist” ng mga pagpapasiya, at ang karaniwang pinipili ay hindi pipiliin kaya may tendensiyang manurpresa.  Simulan natin sa katapusan: hi-hindi si Rafi (Anne Curtis) sa proposal ni Anton (Derek Ramsey).  At bumalik naman tayo sa umpisa: o-oo si Rafi sa proposal ni Anton.  Kung ang surpresa ay nasa ironiya ng pag-ikot pabalik ng pagtatapos sa umpisa, nagkakamali tayo, dahil hindi bilog ang mundo sa pelikula, nakasusulasok na tatsulok itong binuo.   Dahil ano ang nangyari mula pag-oo ni Rafi hanggang pag-hindi kay Anton kundi ang pagpasok ni Sam (Andi Eigenman), ang kaibigan ni Rafi.  Buo na, kung tutuusin, ang trianggulo ng pag-ibig.  Pero wala sa pelikula ang pagsukat sa dalawang lalaki o babae na pareho niyang mahal, o kung hindi kaya ay sa pagitan ng kaibigang babae o ng iniibig na lalaki.  Sa pelikula, si Anton ang titimbangin at matatagpuang nagkulang lalo na sa pagbubunyag ng ugnayang lihim nila ni Sam.

Dahil tatsulok, maliit lamang ang mundo ng mga tauhan.  Hindi lamang tutukoy ang kaliitan sa kintab ng mga lugar ng konsumerismo na pagkakakitaan nila kundi ang inihahaing nakaraan para maunawaan ang pagkilos ng mga indibidwal.  Sa pelikula, magiging testigo ang salon, spa, mall, parking space, coffeeshop, bar, restaurant, facebook, twitter, at cellphone sa sari-saring engkuwentro nina Sam at Rafi.  Ipakikilala tayo sa mga mapagtimping ina at mga pabayang ama na nag-aasam nang sapat nang dahilan ang mga ito upang tanggapin ang lagim ng kumprontasyon ng dalawang babae, habang iniiwan tayong nagtatanong kung bakit hinayaang walang kasaysayan ang feminisadong lalaki na tampulan ng kani-kanilang pagmamahal.  Ito ang nakagagambala sa pelikula, itatago ang lalaki samantalang gagawing ispektakulo ang pagbabatuhan ng masasakit na linya ng matatapang na babae (hindi lang sina Rafi at Sam, kahit maging ang mga nanay na pagtatakhan ang ugat ng hidwaang mayroon sila).  At ito ay dahil sa desisyong ipaglaban ang lalaking minamahal, na ituturing na nilang pagmamay-ari, dahil ninakaw ng ibang babae.

Paano nagtaglay ng ganitong “lakas” ang mga babae sa pelikula?  Gagawing madali ng pelikula ang kasagutan: dahil pinili nilang makipaglaban, na magkaroon ng kontrol sa sitwasyong kinasangkutan ng mapusok na puso.  Na mas lalo pang magiging mapanganib sa away nina Rafi at Sam dahil sa madulas na pagpapangalan sa naging “affair” (hook-up para kay Anton, pag-ibig kay Sam, kabit kay Rafi) na sintomas hindi lamang ng malabnaw na karakterisasyon sa maaksayang pagkukuwento kundi ng nakakasawang kalagayan mismo ng imahe na isinisiwalat ng mga nagsipagganap at ng ispesipikong pamamaraan ng sine na ibang-iba sa telebisyon at hindi mabitawan ng pelikula.  Bumabaw pang lalo ito sa paglalarawan ng nag-iisip at nagsasariling babae para gatungan ang diumano ay kapangyarihan niyang makapamili.

Sa pelikula, sinasambit ng mga tauhan na ang pagpili ay nakapagpapalaya (liberating), subalit, bakit hindi kasiyahan ng/sa pag-ibig ang kapasiyahan?  Dahil sa puno’t dulo pa lang, ang mga ugnayang pinagbabaran sa atin ay pinaligiran na ng sira-sirang relasyon at ng kawalan nito, mula sa mga problematikong pamilya hanggang sa kabarkadang walang ginawa kundi abangan ang susunod na kabanata sa buhay ng nag-aaway na kaibigan, na tila wala na ngang pinakamainam na pagpapasiya (o pagpapalaya) kundi ang paghihiwalay, at kung gayon, ang pag-iisa (single).  Parang ipinapakitang opresibo na ang mga relasyon sa simula’t simula pa na bagama’t maaaring pasubalian ay hindi rin naman tinangkang ilagay sa reimahinasyon ng pelikula upang maging tunay na kapaki-pakinabang para sa lahat.  Sa halip, ipinapanukalang babae ang may kasalanan (balikan kung paano ginawang trivial ang kabit, kerida, at mistress) kaya kailangang turuan ng leksiyon, dahil ang lalaki, ano pa nga bang bago, ay lalaki lamang (paano nga raw mag-isip ang lalaki, sang-ayon kay Anton).   Kaya’t magtataka pa ba na sa pagkakataong ibinigay kay Anton upang magpaliwanag ay hindi rin pala siya tunay na pakikinggan (at hindi na pagkakatiwalaan kaya iiwan) ni Rafi, na mangyayari ang kabaligtaran kay Sam nang hindi pinaglaanan ng espasyo ni Rafi para magpaliwanag kahit noong una pa lang ay naghahangad na itong si Sam na maplantsa muna ang lahat ng gusot niya kay Anton at kay Rafi.   Gayundin, hindi na kakatwang nangyari ang desisyong tapusin ni Rafi ang relasyon makaraang makitang magkayakap sa kama ang magulang, buo na kung anuman itong kulang sa kaniya dahil hindi naman talaga si Anton ang hinahanap na kasagutan.  Kailanman ay hindi naging matibay ang relasyon nina Anton at Rafi sa umpisa man hanggang sa katapusan (na inaasahang magpapatatag pa sana nito pero pinabayaan lang at hindi hinayaang paunlarin ng pelikula).   Hindi nga ba’t pagdadahilan ni Rafi kay Anton na masyadong mabilis, nakakagulat, at nakakatakot ang pagpapakasal nilang dalawa.  Kaya’t tulad ng tugon ni Anton kay Sam nang tanungin ng huli kung ano nga ba sila, hook-up lang naman talaga ang nangyari sa magkasintahang Anton at Rafi, at kung may sikreto rito, hindi na ito sina Sam kundi sina Rafi na ito, niromantisa na lamang sa pagpapahaba at pagpapalaki sa mga suliraning isinisisi palagi sa mga nabubunyag na lihim.  At dahil hook up lang naman ito, hindi pa nga ba aasahan itong pagtatapos?  Bakit hindi?  Dahil sa kanilang tatsulok na daigdig, may iba pang babae’t lalaki silang ikokonsumo sa kani-kanilang liberal na buhay,  bata pa sila, may mga hitsura, at maykaya pa.  Sa pantasya ng pelikula, mas nasa kanila, diumano, ang nakapagpapalayang pagpili.

*Ang larawang ginamit ay galing sa interaksyon.com


Image may be NSFW.
Clik here to view.
Image may be NSFW.
Clik here to view.

Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles