Francis A. Gealogo, PhD
Ateneo de Manila University
(Talumpating binigkas sa 2013 Young Critics Circle Awards Ceremony, 3 Setyembre 2013)
Maraming salamat sa Young Critics Circle sa pagpapahalaga sa akin bilang panauhing tagapagsalita. Bagaman nagtataka pa rin ako hanggang ngayon kung bakit ako ang napili ng mga kasapian ng YCC na gumampan ng ganitong atas, inisip ko na lamang na lagi namang makasaysayan ang mga panahong pinagdadaanan ng lipunan at pelikula, lalo na ngayong ipinagdiriwang natin ang sesquicentenaryo ng kapanganakan ng Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio, kinailangang historyador ang maging kaniig ng mga batang kritiko ng pelikula upang maiangkla ang gawain sa kabuuang kontekstong pangkasaysayan na ating ginagalawan.
Kaiba rin sa mga naging ginampanan ko bilang tagapagsalita dahil ako ang paksa ng aking talumpati. Maraming salamat sa YCC dahil napilitan ako ng pagkakataong ito na dumanas ng introspeksyon sa aking pang akademiko at pang intelektwal na buhay na hinubog ng panahon at mga institusyong aking ginalawan.
Kung mayroong hahanaping Martial Law baby sa ating kasaysayan, malamang sa hindi na mapabilang ako sa henerasyong ito. Ipinanganak ako apat na buwan matapos maluklok sa unang termino si Ferdinand Marcos sa pagkapangulo ng Pilipinas. Apat na buwan pa lamang ako sa Grade One nang ideklara niya ang Batas Militar noong 1972. At sa huling dalawang buwan na lamang na nalalabi sa aking pag aaral sa kolehiyo ko lamang naranasan na hindi na pangulo si Marcos noong 1986. Masasabing ang buong panahon ng batayang pag aaral na naranasan ko at ng aking henerasyon ay ipinaghele ng batas militar, ng awtoritaryanismo at diktadura.
Maraming personal na ala ala ang ganitong kalagayan. Iba ibang nibel ang magiging lapit ko sa karanasan ng martial law ng diktadurang Marcos. Lumaki kaming ipinasaulo ang mga awit ng Bagong Lipunan, at sambitin ang mga katagang isang bansa isang diwa, at ng pangangailangang tingnan ang the true, the good and the beautiful sa buhay at pag iral. Ilang ulit na gumawa ng mga banderitas at mahabang panahong tatayo sa gilid ng kalsada kasama ang iba pang mga paslit na mag aaral sa paghihintay na darating si Madame sa aming bayan kasama ang mga kaibigan. Masilip lamang ang maraming convoy ng mga magagarang itim na kotse ay sapat na sa amin upang makakuha ng dagdag na puntos sa klase. Ilang suspensyon din ng klase sa elementarya ang naranasan upang makapanood ang buong bayan sa Miss Universe at Thrilla in Manila. Sa aking paglaki at pag aaral sa mga publikong paaralan sa Cavite, halimbawa, hindi katakatakang magkaroon ako ng pitong kaklase na Ferdinand ang pangalan, apat naman ang kaklaseng may ngalang Imelda. Sa pamayanang malapit sa base militar ng Sangley Point na nakaranas ng pag alis ng mga hukbong Amerikano, naging malapit ang reyalidad ng digmaan sa Mindanao dahil sa higit na malaking bilang ng mga batang sundalong nagsasanay sa pakikidigma at naghihintay ng deployment sa pakikipaglaban sa gyera.
Pero ang lahat ng mga ito ay naranasan sa panahong marami ang bawal. Bawal manood ng kinagiliwang Voltes V sa kadahilanang hindi mawawaan ng murang isip. Bawal magpuyat at lumabas ng bahay dahil may curfew. Bawal magsalita ng laban sa pamahalaan dahil babawasan ng grado ng mga gurong bumibilib kay Marcos.
Kaya nga kakaibang karanasan ang magiging kalagayan bilang probinsyanong gradwado ng pampublikong paaralan sa pagpasok ko bilang freshman sa Unibersidad ng Pilipinas. Lahat ng bawal ay pwede palang tanungin. Lahat ng hindi pwedeng makanti ay pwede palang ipagsigawan at maaari palang sumama sa napakaraming kolektibong naglipana sa Diliman. Sa ikalawang taon ng pag aaral sa unibersidad, lalong naging matingkad ang pagtantao na pwede palang sambitin at gawin ang mga bawal matapos ang pagkakapaslang kay Ninoy Aquino. Sa kontekstong ito maaaring sabihing napakababaw ng dahilan kung bakit pinili kong mag aral ng Kasaysayan – dahil isa ito sa mga kursong maikli ang pila tuwing registration. At sa pamantasang madaling maging trahedya ang karanasan sa pagpila sa pagkuha ng mga subheto, lohikal lamang na piliin ko ang kursong walang gaanong pila sa rehistrasyon. Magkagayunman, ang kalayaan at kritikal na lapit ng akademya at pamayanan ng UP ang nakapagbigay ng lalim at lawak sa mga pinagdaanang karanasan. Napagtanto ang pangangailangang iugnay ang mga pananaliksik sa mga usaping kinakaharap ng kasaysayan at lipunan. Ang pagpapalalim ng pag unawa sa nakaraan ang magiging susi sa higit at ibayong pakikisangkot sa lipunan.
Dahil dito, ang pagkahilig sa pag aaral ng mga kilusang gerilyero matapos ang pagsuko ng tropa ni Aguinaldo ang naging tutok sa pananaliksik sa mahabang panahon. Sa una, binalak ko lamang na pag aralan ang Republika ng Katagalugan ni Macario Sakay bilang salamin ng kabalintunaang lumalaganap sa ating kasaysayan kung saan ang mga tunay na bayani ay binabansagang tulisan at ang mga pinunong bumabandila ng kanilang sariling kadakilaan ay mapag aalamang maraming pekeng medalya na sila sila rin ang gumawa. Sa impluwensya ng kilusan, ang pagbaling sa kasaysayan mula sa ibaba, mula sa pananaw ng mga pinangingibabawan at pinagsasamantalahan, hindi lamang sa aktwal na karanasan sa nakaraan kundi sa pagturing ng mga historyador sa kasaysayan ang magiging tutok ng pananaliksik. Hindi lamang si Macario Sakay ang dapat kilalanin. Naririyan din sina Faustino Guillermo, Luciano San Miguel, Lucio de Vega at Felipe Salvador na pawang mga biktima ng nakaraan at ng pagturing ng kasaysayan. May talaangkanan itong makikita sa kasaysayan at kaisipang popular. Kaya nga, ang usapin ng pagiging kriminal at tulisan ay nagiging usapin din ng kung sino ang tumutingin sa kasaysayan. Hanggang sa panahon ng pagkilos na Nardong Putik sa kasaysayan at sa pelikula, na magiging paksa din ng aking pananaliksik, magiging inspirasyon ng maraming pag aaral. Malaki ang impluwensya ng mga kasaysayang sinulat nina Amado Guerrero, Teodoro Agoncillo, Renato Constantino at ang nagsisimula pa lamang na maging kontrobersyal noong si Reynaldo Ileto – mga gurong hindi ko naging guro kailanman – sa mga ganitong usapin ng pagpapalawak ng pag unawa sa nakaraan. Hinubog ng kanilang mga ideya ang maraming mga kaisipang dala dala ko pa rin hanggang ngayon bilang historyador. Ang tunggalian ng mga uri, kalagayan ng pakikihamok at istruktura ng pangingibabaw – mga batayang kaisipang Marxista – ang magiging pundasyon ng mga pagsusuri at pag unawa sa nakaraan.
Bilang pagpapalawig, marami pang kuryosidad pangkasaysayan ang mapagtatantong kailangang saliksikin. Sa pangangailangang unawain ang buhay at karanansan ng mga itinuring na mga tulisan at taong labas sa kasaysayan, nakita ang pangangailangang sumuong sa pag aaral ng mga tinatawag na pang araw araw na kasaysayan (history of the everyday). Ang pagkahayag sa mga historyador na Pranses mula sa mga gurong kababalik lamang mula sa kanilang pag aaral sa Pransya ang magiging daan para dito. Ang lawak ng saklaw ng kapangyarihan na hindi lamang makikita sa mga istruktura ng pamahalaan kundi sa mga istruktura ng kalusugan, paaralan, piitan at hospital (impluwensya ng noong naging sikat na si Michel Foucault) ang isa pang magiging pananaw na pagkakaabalahan.
Dahil dito, susundan ang kapalaran ni Macario Sakay mula sa larangan hanggang sa Bilibid na magiging pook ng bibitayan. Ang kalagayan ng mga detenidong politikal ng kasalukuyan ay pagpapatuloy lamang ng mahabang panahon ng kasaysayan ng detensyon at pagkakakulong bilang isa sa mga napipipilang tinig sa ating kasaysayan. Ang kasaysayang panlipunan ng mga piitan bilang lokus ng ugnayang pangkapangyarihan ang magiging lohikal na inanak ng mga naunang pananaliksik. Bibigyan ko ng pagtatangkang tingnan ang mga institusyon ng Bilibid, Iwahig at San Ramon hindi lamang sa kanilang operasyon at istruktura, kundi sa paggamit nila ng espasyo, ng mga regulasyon ng paghuhubog ng gawi at pag uugali kaugnay ng mga usapin ng imperyal na kaisipan ng kontrol at pagmamatyag.
Bukod dito, marami pang ibang mga pagtatangkang palawakin din ang aking pag unawa sa kasaysayang panlipunan sa kanyang buong lawak at lalim. Tinanggap ko ang hamon ng demograpiya upang makita naman ang kalagayan ng populasyon, pagbubuo ng mga kabahayan, pagkakasakit at epidemya sa panahong kolonyal. Magiging isa ring paksang malapit sa aking pag iral ang mga pag aaral ukol sa kasaysayang demograpikal ng iba ibang bayan sa Pilipinas, sa paggamit ng mga teknikal na metodolohiya at teorya ng demograpiya, sinimulan ko ang pagsusuri at pag unawa kung paanong ang kalagayan ng populasyon ang isa sa mga hindi kinikilalang paksa sa kasaysayan. Muli, ang kalagayan ng mga pinangingibabawan, ng mga pinaghahariang uri ang magiging tutok ng pananaliksik. Paano nga ba kinakaharap ng mga maralita ang pagkalat ng mga sakit at epidemya? Ano ang kalagayan ng mga kababaihan at mga bata sa kalusuang pangreproduksyon at pampamilya? Paano nga ba, gaya ng sinabi ni Constantino sa kolonyal na edukasyon, ginagamit ang kaalaman sa kolonyal na kalusugan sa bilang pamamaraan ng pagpapalawak ng kolonyal na kapangyarihan. Ito ang mga pangunahing tanong na nagpalapit sa akin sa iba ibang dimensyon ng mga pag aaral sa kasaysayan ng populasyon, medisina at epidemyolohiya.
Ang ilang personal na pakikisangkot din ang naging daan para palalimin ang pag unawa sa iba ibang usapin at kilusang panlipunan na magiging paksa ng iba iba pang mga pananaliksik. Ang kilusang guro ang magbibigay sa akin ng ilang espasyo upang muling balikan ang mga usapin sa edukasyon, pagpapalaganap ng teksbuk at ang ideyolohiya ng pangingibabaw na sinasalamin nito. Ang pagiging mason ang magbabalik sa akin sa pag aaral ng mga kaisipan ng mga ilustrado at rebolusyonaryo, mula kina del Pilar, Jaena, Bonifacio, Mabini at Aguinaldo – na magpapakita ng panibagong pagtingin sa kasaysayang ideyolohikal at organisasyonal ng huling bahagi ng ikalabingysam at unang hati ng dalawampung dantaon. At higit sa lahat, ang pagiging Aglipayano ang maghahawan ng landas upang tingnan muli ang mga kasulatan nina Isabelo de los Reyes, Gregorio Aglipay, at Felipe Buencamino. Sa mga nabanggit, hindi na kasaysayang panlipunan kundi kasaysayang pangkaisipan ang magiging pagkakaabalahan. Paano nabubuo ang mga ideya ng bayan at nasyon; anong larangan nagtatalaban ang paniniwala at modernisasyon; ano ang papel ng agham at rasyonalidad sa paghuhubog ng kaisipang makabago sa bayan – ang ilan sa mga katanungang kinaharap sa mga pananaliksik.
Ang paggunita sa kasalukuyang taon ng sesquisentenaryo ng kapanganakan ng mga bayani ang mga huling pinagkakaabalahan. Dahil palasak nang sabihing nakapagbubuo ng mga bagong cottage industry ang mga historyador sa panahon ng mga seremonyal na pagdiriwang, sinikap kong sakyan ito nang hindi lumalabas sa dati nang kinasangkutan – na ang pananaliksik at pakikisangkot ay may maigting na ugnayan. Dahil iisang henerasyon naman ang kinabilangan ng mga ilustrado at rebolusyonaryo, ang sesquisentenaryo nina Rizal noong 2011, Bonifacio ngayong 2013 at Mabini sa 2014 ang naging malawakang tutok sa mga bagong pananaliksik. Mayroon pa bang bago na mababanggit sa mga ito? Hindi kataka takang masasabi kong marami pang bagay na hindi nasasaliksik sa mga ito, at marami pa ring mga bagay na matutuklasan habang may kuryosidad pangkasaysayan na umiiral na naghahain ng mga katanungang kasaysayan lamang ang makapagbibigay ng diwa. Gaya ng sa kasalukuyan, ang mga pagdiriwang at paggunitang isinasakatuparan ay mga paalala sa kalagayan ng nakaraan at kung paanong nabibigyan ng dokumentasyon ang mga karanasang ito bilang salamin ng mga inihaing posibilidad ng kasalukuyan.
Gaya ng mga gumagawa ng pelikula, nakikibahagi lamang ang mananalaysay sa pagtalunton ng mga kaganapang siya lamang ang tagapaglimi gayong lipunan ang lumikha. Kabahagi ang historyador sa lakarang hiniram lamang sa mga paksa ng pakikibaka at tunggalian ng bayan. Sa panghuli, ang pakikibahagi at panghihiram na ito ang maghahayag ng mga tunggalian at trahedya, ng mga gawi ng mga sawi, ng mga saysay at istorya ng lipunang saksi sa napakaraming sangandaang kanyang pinagdaanan para lamang matamo ang mga posibilidad ng ngayon.
