Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Ang Kasaglitan ng mga Bagay-Bagay

$
0
0

Andrea Anne I. Trinidad

Si Ritz at Wesley sakay ng motor. Still mula sa direktor.

Iniinugan ng pelikulang Bula sa Langit (Sheenly Gener, 2022) ang suson-susong danas ng kasaglitang nagdidikta sa buhay ng sundalong si Wesley Villanueva (Gio Gahol). Tubong Calamba, Laguna, kabilang siya sa ipinagbubunying puwersa ng militar na nakagapi sa pinakamatataas na pinuno ng Maute na siyang nagpasiklab ng madugong digmaan sa Marawi. Waring nakasandig sa pinakapalasak na talinghagang kakikitaan ng salitang ‘bula’ na ibinibida ng pamagat— “naglaho na parang bula”—nahahagip ng pelikula ang posibleng kalagayan ng mga sundalong pinagkakalooban ng pagkakataong umuwi sa kani-kanilang mahal sa buhay na kailangang may kahandaan na muling lumisan sa isang iglap upang panghawakan ang misyong mapitagang iginagawad sa kanila ng pamahalaan.

Isinasalaysay ng Bula sa Langit ang isang bersiyon ng pag-uwi ng mga dinadakilang bayani sa kanilang tinubugang lugar (kaya rin siguro sa isang banda masasabing intensiyonal ang pagpili sa Calamba bilang bantog na bayan na siya ring pinagmulan ng pambansang bayaning si Jose Rizal). Iyon nga lang, hindi katulad ng mga kinasanayang bida sa epiko hanggang sa mga pelikulang bakbakan, halimbawa na sa mga pelikulang pinagbibidahan ng aktor na si Wesley Snipes kung saan ipinaglihi at kung gayon isinunod ang pangalan ng tauhang sundalo sa pelikula, na nagagawang tuldukan ang pangangailangang umalis dahil epektibong napanunumbalik ang kaayusan sa wakas ng kuwento, siklikal at rutinaryo ang pag-alis na kinakailangan sa bayang kinikilusan ng karakter na nangangahulugan lamang na hindi ganap na nakakamit ang hustisya at kapayapaan dito.

Sa kahabaan ng pelikula, mapagtatantong malay si Wesley na panandalian lamang ang kaniyang pagbisita gayong buo na rin ang kaniyang pasyang tanggapin ang pagkakadestino sa Basilan isang linggo lang ang pagitan sa pinanggalingang digmaan na may naitatak sa kaniyang trauma. Halos inaalingawngaw ang pagkilos ng tampok na entidad na si Sandali sa maikling kuwentong “Ang Lohika ng mga Bula ng Sabon” ni Luna Sicat Cleto—na siya ring kakikitaan ng salitang ‘bula’ sa pamagat—dumating ang sundalo nang “di inaasahan… basta na lang sumusulpot, parang isang bisita…”

Napapanahon ang biglaang pag-uwi ni Wesley. Itinaon ng naratibo ng pelikula sa pagdiriwang ng pista sa kanilang lugar, napakakapal ang kabuoang tono ng selebrasyon ng kaliwa’t kanang pagbati ng mga kaanak, kaibigan, kababata, at kakilala sa kaniyang kabayanihan. Subalit, para kay Wesley, may mas mahalagang layon na kailangang maisingit sa kaniyang gulatan at saglit na pag-uwi—ang maipakilala sa mga magulang at sa buong angkan ang kasintahang si Ritz (Kate Alejandrino) na minsanan lang din kung makahalubilo ng mga ito sa social media. Sa pelikula, makailang beses binalingan ng pansin ang Facebook bilang nangungunang social media platform sa bansa. Mula sa pagdidiin ng mga karaniwang gamit nito tulad ng kaaliwang dulot sa ina ni Wesley at oportunidad na maibida ng mga kaanak nito ang sarili sa mga ipapaskil na larawan kasama ang ipinagmamalaking bayani ng kanilang lungsod, kinasangkapan din ito bilang espasyong maaaring pagdaluyan ng mga kuhang retratong nagpapakita ng masidhing kawasakang sinapit ng Marawi sa pananaw ng isang militar na tubong Luzon. Sa pamamagitan nito unang lilitaw ang bakas ng mga alaala ng sundalo patungkol sa giyera na ipinasilip at ipinagmalaki ng nobyang si Ritz sa katrabaho nito sa pinapasukang Mahal Kita motel—na intensiyonal man o hindi—ay nakapagpapatibay sa sinasandigan tema ng kasaglitan bilang paglulugar ng karakter sa isang pook na karaniwang nagpapahintulot ng mabilisang pagtatagpo ng mga katawan upang tamasahin ang panandaliang kaligayahan. 

Ang pagsalubong ng gulat na si Ritz sa kasintahan nitong si Wesley. Still mula sa direktor. 

 Katulad ng nobya na itinago sa pamilya ng kasintahan ang tunay na kaligiran ng trabaho dulot marahil ng umiiral na pananaw tungkol dito, may pilit ding kinikimkin at isinasantabi si Wesley kaugnay ng kaniyang ng propesyon. Sa pagsaglit nito sa Pasay upang sunduin si Ritz, makapal ang naging paghahain ng pelikula ng mga eksenang nagpapakita ng mga ordinaryong kalugurang maaaring makuha ng isang umuwing sundalo kapiling ang iniibig. Mula sa kinasabikang pagkain ng paboritong siomai at siopao hanggang sa naunsiyaming pagtatalik na tinuldukan ng ordinaryong bagay tulad ng pagkakaroon ng buwanang dalaw ng kasintahan, batbat ang unang bahagi ng pelikula ng masasayang eksenang bumuo sa muling pagtatagpo ng magnobyong hindi alintana ang pagsusuot sa publiko ng matingkad na nakukulayang couple shirt na maaaring makitang korni ng ilan. Subalit, sa gitna ng lahat ng ito, unti-unting naipasilip ng pelikula ang maaaring lamat sa ganap na kasiyahang mararamdaman ng sundalo sa kaniyang pagbisita.

Hindi lang kuwento ng pag-iibigan ng mga bida ang napahapyawan sa unang bahagi. Nailatag na rin nito ang bitbit-bitbit na pagkabagabag ng sundalo sa alaala ng ginawang paglaban, pagsalakay, at pagpatay para sa trabaho na epektibong naipabatid sa manonood sa pamamagitan ng matalinong paglalapat ng tunog sa pelikula. Tunog ang siyang magkakabit-kabit ng nagdaang danas ni Wesley sa Marawi sa kaniyang kasalukuyang pagsaglit sa piling ng mga mahal sa buhay. Ito ang nagsilbing mabilisang panuldok sa magagaang na saglit na nakapagpapaalala sa sundalo ng bigat na idinulot sa kaniya ng serbisyong dapat sana ay pansamantala lamang habang wala pang pera ang kaniyang pamilya para tustusan ang kahingian ng isang higit na ligtas na trabaho sa Taiwan. Mula sa dagundong ng tren na maririnig mula sa tinitirhang lugar ng kasintahang puputol sa kanilang paglalambingan, hanggang sa sistematikong tunog ng wiper ng bus, at nakaririnding busina ng sinasakyan na siyang gigising dito matapos makatulog sa biyahe pa-Laguna, napatitingkad ng pelikula kung paano nakakawing sa mga ordinaryong bagay tulad ng tunog na maaaring hindi iniinda ng iba ang trauma. 

Kagyat na pagkagising ni Wesley nang maulinigan ang busina ng bus na sinasakyan. Still mula sa direktor. 

  Sa pagsandig sa bisa ng tunog, sabay ding natutuldukan ang kalakaran ng mapanghimasok na biswalisasyon ng mga katawan ng biktimang nakahandusay at duguan na madalas itinatampok ng mga pelikulang patungkol sa digmaan. Sa isang banda, hindi rin naman tuluyang nakawala ang pelikula sa ganitong marahas na pagbubuyangyang ng mga katawang pinaslang ni Wesley at ng kaniyang kinabibilangang pangkat. Sa pagsidhi ng mga bagay na maaaring maging trigger (nagsisilbing pamagat rin ng pelikula sa wikang Ingles) para sumagi sa utak ni Wesley ang mga pilit na ibinabaong alaala, papasidhi nang papasidhi rin ang paraan ng magiging paglalantad sa mga katawang kokonsensiya kay Wesley—at ilan nga rito ang imahen ng kaniyang mga pinaslang na batang Muslim.   

Sa kaniyang pag-uwi, patuloy na sasandigan ng pelikula ang pagsasalitan ng mga kasaglitan—isang saglit magiging kampante ang sundalo sa madadatnang ordinaryo, sa isa naman, patuloy itong mababagabag ng mga alaala mula sa giyera, at sa sumunod, makatatanggap ng hayagang pagmamahal mula sa iniibig o kaya naman ay pagbubunyi mula sa mga kaanak na kunwang pansamantalang makapagpapalaho sa pangambang kaniyang dala-dala. Sa kabila ng pagdidiin sa mga bagay na ordinaryo at palasak tulad ng kagaangang dulot ng pamilyar na relasyon sa pagitan ng mga magulang na hindi magkasundo-sundo at kamag-anak na magkakasagutan sa isang pagtitipon dahil sa pagkakaiba-iba ng mga paniniwalang isinisisi ng pelikula sa paglaganap ng mali at pekeng impormasyong madaling nakakalap sa social media, sunod-sunod din ang magiging paglitaw ng tila di-ordinaryong pag-ukilkil sa karanasan ng posibleng natrauma na katawan.

Naisisingit sa mga makahulugang tunog na pumupuno sa naratibo, tulad na lamang ng kwitis na waring inaalingawngaw ang putukan sa pinanggalingang giyera, mas palilinawin ng pelikula ang mga nadidinig ding salita mula sa kaanak at kakilala ni Wesley na hindi sensitibo sa pagbibira mga tanong at komento: “Ilan na ba ang napatay mo?,” “Anong feeling ng nakapatay?,” at “Masarap bang makipagratratan?.” Ang mga tanong na ito, bukod sa nagpapamalas ng pagiging karaniwan na lang din sa ibang tauhan na tingnan ang pagsusundalo ng kaanak bilang trabahong kinasasangkutan ng pagpatay, ay sabay na nakalilikha ng pangamba sa mga manonood na malay sa mabuway na sitwasyong kinalalagyan ni Wesley.

Hahantong sa kaganapan ang inaasahan nang pagpitik ng karakter sa dulong bahagi ng pelikula. Inilulunsad din ng isang tanong na magmumula sa iniibig—“Duling ka ba, Dy?”—mabilisang puputok at malulusaw sa isang iglap ang bula na kumakanlong sa may lamat nang pagkatao ni Wesley. Bagaman maaaring tumutukoy sa hitsura ng lasing na lasing na kasintahang nakipag-inuman sa ama bilang tradisyon lalo na tuwing pista, naulinigan ng sundalo ang pangmamatang ito na kagyat din namang naiugnay sa kakapusan nitong mapanalunan ang teddy bear na gustong-gusto ng kasintahan sa isang baril-barilang palaro sa peryahayang binisita nito. 

Date ng magkasintahan sa perya na hindi inaasahang mauuwi sa pagsabog ng mga alaala ni Wesley tungkol sa giyera. Still mula sa direktor

Hindi naman bumabad nang lubos ang pelikula sa masasabing tila inantabayanang pag-aamok ng bida. Muli’t muling nakasandig sa kasaglitan, kagyat ding ibinaling ang tagpong ito sa pagtatangkang bihisan ng panlabas na kakisigan ang sundalong inihahanda ang sarili para sa ipinangakong pagkilalang isasagawa ng mayor. Matapat ang pelikula sa pagsasabing walang kahandaan ang sinuman sa lipunang kinikilusan ng sundalo ang handang tumugon sa pangangailangan nito. Bagaman inaalala ng pamilya nitong itanghal ang kabayanihan sa pamamagitan ng isang ididisplay na tarpaulin at kumustahin ang mga pisikal na sugat nito tulad ng pag-uusap na itinungo sa nadaplisang braso at sugatang kamao ni Wesley, walang sinuman sa pelikula ang masasabing handang harapin ang sikolohikong pagbabago na dulot ng digmaan sa mga sundalo. Maging ang mga sundalo mismo ay hindi rin mawari kung paano tutugunan ang sariling karanasan. Mula kay Wesley na tanging ang pisikal na lagay lang din ng nadaling hita ni Gerry (Air Salazar)—dating kasamahang napauwi mula sa Marawi—ang kinumusta, hanggang kay Gerry mismo na malalimang dumulog sa relihiyon para ipaliwanag ang pangangailangang magbagong-buhay malayo sa propesyong kinikilala na niya bilang siyang walang habas na pumapatay, masasabing ang kabuoan ng institusyon, mapa-militar man o gobyernong may direktang kontrol dito, ay wala rin ibang handang ialok bukod sa baril (kaysa pinansiyal na ganasya, sambit pa isang beses ni Ritz) at ilang minutong pagkilala sa loob ng isang simpleng programa. 

Araw ng pagkilala kay Wesley. Still mula sa direktor.

Sa kabila nito, mamamayani sa pelikula ang propaganda ng militar tungkol sa dakilang pagseserbisyo ng mga katawang natrauma tulad ng mga batang sundalong sina Wesley at Gerry. Makikitang sabay na titindig at sasaludo sa harap ng watawat ng Pilipinas, marupok at mabuway na parang bula ang anumang hadlang sa serbisyong pangmilitar dahil may katawang handang kabigin ang takot at pangamba at iwanan ang alternatibong ideolohiya na saglit na sinandigan upang ipakita ang kahandaang ipaglaban ang bansa. Sa lahat ng mga hadlang sa serbisyo, patitingkarin sa dulong bahagi ng pelikula ang pag-uwi mag-isa ni Ritz sa Pasay. Habang nililikha ang paralelismo ng naunang biyahe—mula sa pagsakay sa loob ng tricycle hanggang sa pag-iisa sa bus—naididiin muli ang kasaglitan ng mga bagay-bagay. Napatitingkad ang mga matuturingang pansamantala lalo na sa buhay ng mga sundalong nakikitang higit na kailangang panindigan ang pag-ibig sa bayan bilang gasgas na ring retorika na patuloy na pinanghahawakan ng pamahalaan na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring kasawa-sawang nagsusulong ng imahen ng giyera at pakikidigma para likhain ang ilusyon ng matiwasay nitong pagpapatakbo ng bansa.

Sanggunian:

Sicat-Cleto, Luna. “Ang Lohika ng mga Bula ng Sabon.” Sa Forbidden Fruit: Women Write the Erotic, pinatnugutan ni Tina Guyugan. Maynila: Anvil Publishing, 1992.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles