Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Pagpapakawala

$
0
0

Aristotle J. Atienza 

Still mula sa Kitty K7 (Joy Aquino, 2022)

Ang sabihin na sadyang walang katuturan ang mga palabas sa Vivamax sapagkat pareho’t parehas lang naman umaapaw sa kalaswaan ay tunay na isang malaking kahangalan. Umaalingasaw dito, kung hihiramin ang isang kritiko, ang imahinaryong kapangyarihan na tigib sa kapalaluan. Sa madaling sabi, paano titimbangin ang taas at laki? Subalit kailangang linawin din naman na hindi sinasabing hindi problematiko ang kabi-kabilang produksiyon ng sex sa kasalukuyan lalo na kung idadamay pa ang pagbulusok ng mga karanasan sa internet sa mahaba’t maigsing panahon ng pandemya. Tinitiyak lang na mas masalimuot pa sa minamadaling paghuhusga ang usaping ito sa kontemporanyong pinilakang tabing na nagtutulak upang baliktanawin ang tila paglubog at paglitaw ng genre hindi lamang sa kasaysayan ng sineng Filipino, na siyang diumano ay bumubuhay sa industriyang patuloy pa rin ang pakikipagsapalaran, kundi sa lipunan at kulturang patuloy ang pakikipaglaban sa kung ano pa rin ang dapat, angkop, at wasto. Maaaring sa pagkaumay o sa pagmamadali ay mabalewala ang negosasyon ng pelikulang Kitty K7 (Joy Aquino, 2022) na mula sa pagbuo at pagbuno ng mga babaeng manlilikha sa bakuran ng industriya ay nakapagpapasilip sa pagtatangka na makahanap ng solusyon ang tauhan at ang pelikula sa suliranin ng nagbabagong kapaligiran ng mga gawaing seksuwal sa kasalukuyan.

Dadalhin tayo ng pelikula sa mundo ni Hana (Rose Van Ginkel), graphic designer, na sa karanasan sa nakalalasong pagkalalaki sa trabaho at pag-ibig ay madidiskubre ang sarili bilang Kitty_K7, ang pangalan at persona na aangkinin sa uniberso ng alter. Dito niya lalong matatanggap ang sarili, sa pagpapakawala, na unti-unting magdudulot ng kasiyahan sa kaniya, mula man ito sa pagmamaniobra ng hubad niyang larawan o sa pagtatanghal sa kaniyang mga parokyano sa internet. Subalit sa kabila nito, matutuhan niyang hindi magiging madali ang transpormasyon bilang porn star, cam girl, at adult content creator, kahit na natutugunan ang mga ekonomikong pangangailangan sa buhay, dahil sa pag-usad ng pelikula susuungin niya ang panghuhusga ng kaibigan, kapamilya, at karelasyon na lalo pang nakapagmamapa sa pag-iral ng “katauhan” ng sex worker. Sa kabila na tinatanaw ito ng malalapit sa kaniya bilang kahihiyan dahil itinuturing na sagrado at pribado, buong sigasig niyang tatangkain na maipaliwanag, nang hindi direktang nangangaral, kung bakit nararapat na hindi gawing maselang bagay na pag-usapan ang paggawa ng sex. Sa huli, bagaman kikilalanin na hindi ito ganap na pagsasara ng kaniyang buhay, madaragdagan pa ang pagpupursiging bumuo ng mga suporta mula sa isang komunidad na nakauunawa at nakikipagtunggali. 

Still mula sa Kitty K7 (Joy Aquino, 2022)

Interesanteng nailalantad ng pelikula, utang na rin sa mapusok na iskrip ni Pam Miras, na sa “pagsasapusa” matatagpuan ni Hana ang sarili. Na sa pagpapakawala ng kaniyang “kabangisan” ay mahahanap niya hindi ang pagiging buo o ganap ng pagkatao matapos ang lagim ng mga engkuwentro sa iba’t ibang lalaki sa kaniyang buhay, kundi ang kabuluhan ng pagnanasa sa pagbabagong-anyo. Sa ganitong kalagayan, naitatanghal na hindi natural ang pagkababae kundi patuloy ang paglikha. Sa pagiging mabangis, malinaw sa kaniya na hindi ito paghilom, paghiganti, o panlalamang, gaya ng ibinabato sa kaniya bilang rason sa hindi matanggap na “pagwawala”, sapagkat nakakikilala na sa proseso ng transpormasyon ay nariyan pa rin naman at nagpapatuloy ang panliligalig ng kapangyarihan lalo’t nasa isang gawain na kadalasang itinuturing na tumutupad lamang sa pantasya ng kalalakihan. Pinipili at ginugusto ni Hana ang pagiging mabangis kaya’t hindi nakapagtataka na pinipilit din siyang paamuin ng matatalik sa kaniya. Subalit hindi siya patitinag, pananatilihin pa rin niya ang paggalugad kung paano pa malilikha ang kabangisan. 

Hindi malayong bahagi ng pagkakalikha kay Hana ang mapangahas na pagganap ni Rose Van Ginkel na nakakayang unawain ang tila karaniwang kahingian sa “paghuhubad” sapagkat nakaaarok sa salimuot ng karakterisasyon na kailangan itanghal bilang anak, kaibigan, mangingibig, sex worker, at siyempre pa, artista. Tumitingkad ang obserbasyong ito sa mapagmalay na mga sandali ng pelikula sa kaniyang sariling paglikha. Lalo’t dahil mapanubok ang usapin ng sex sa publiko, nailalantad sa manonood ang pangangailangan na mabusising makilatis ang ugnayan ng likha at tunay, at ng pantasya at realidad, na sa kasamaang palad ay pinag-iisa ng mga nagbabanal-banalan sa sunod-sunod na pagsasampa ng kaso sa kasalukuyan sa mga babae’t baklang artista na naging mabangis sa kanilang pananalita, pangangatawan, at pagkilos. 

Still mula sa Kitty K7 (Joy Aquino, 2022)

Kaya’t nagiging makabuluhan ang pahayag ng pagdamay ng “Kitty K7” sa mga praktika ng paglikha (content, potograpiya, pelikula) na mamarkahan pang lalo sa presensiya ni Salome Salvi sa pagtatapos ng pelikula. Sa umuusbong na mga moda ng eksibisyon sa pelikula na nakikipagsabayan sa samot-saring nilalaman na matatagpuan sa internet, nagagawan nitong bigyan ng atensiyon ang sariling lengguwahe sa lawas ng pornograpiko sa lipunan. Hindi na lamang tinutukoy ang sex, gaya ng papansinin ni Hana, kundi ang pagmamalabis sa iba’t ibang uri ng paglalantad mulang pagkain hanggang kahirapan. At sa ganitong edad ng sukdulang paghuhubad, paano pa maaaring pahalagahan ang kabangisan?


Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles