Aristotle J. Atienza
Clik here to view.

Sa Busan, sasadyain ni Shogen si Brillante Mendoza bitbit ang talambuhay na nais maisapelikula. Tungkol ito sa isa niyang kababayan, si Tsuchiyama Naozumi, na nagtungo sa Pilipinas upang maging propesyonal na boksingero nang hindi siya pinagkalooban ng lisensiya sa sariling bansa dahil sa kapansanan. Dito babatay ang pelikulang Gensan Punch (2021). Para sa namihasa sa mga natatagpuang kuwento, tila naiiba ang direksiyon ng produksiyon sa kolaborasyon. Subalit hindi lamang dito aandar ang kuwento sapagkat bago pa ang trato ng aparato ng pelikula sa mga talambuhay, sumasabay na ito sa mga nauna nang pagsasanay ng pagbabad sa tagpuan. Mapahahalagahan sa mga inilalatag na relasyon ng mga salik ng pelikula ang estetika, na hindi estatiko, kaya’t ang posibilidad na makapagpabago. Sa madaling sabi, hindi lamang mauuwi ang proyekto sa paglalakbay ng manlalarong may kapansanan kundi ramay din ang iba pang buhay na makikipagtalaban sa kani-kanilang pakikipag-ugnayan.
Magsisimula ang Gensan Punch sa Okinawa. Kahit nagagawang makapagsanay nang may protesikong binti, nababahala si Nao (Shogen) sa kalagayan ng kaniyang lisensiya sa boksing. Sa malasakit ng Japan Boxing Committee sa tinatamasang kondisyon, hindi inaprobahan ang kaniyang aplikasyon, at sa halip, itinuro na subukang kunin ito sa ibang bansa. Kaya mapapadpad sa siyudad ng General Santos, at sa gym ng Gensan Punch, magsasanay siya kasama ng iba pang tulad niya na hangarin ang maging propesyonal na boksingero. Tututukan siya ni Rudy (Ronnie Lazaro) na tutulong din sa paglalakad ng kaniyang lisensiya, at habang tinutupad ang mga kahingian para dito, makakahalubilo niya ang sari-saring tauhan at pangyayari ng komunidad. Nang makabalik sa Japan, dala ang pinagpagurang lisensiya galing sa Pilipinas, muli siyang bibiguin ng opisina.
Clik here to view.

Sa namamayaning talambuhay sa pelikula, maaaring maihilera si Nao sa iba pang tauhan na matagumpay na nalalampasan ang mga pagsubok sa buhay kahit may kapansanan. Kung tutuusin, lalong-lalo na sa kaso ng Hollywood, nakapagbuo na ng ganitong tradisyon ng pagmamatyag sa diskapasidad na maiuugnay sa pang-araw-araw na karanasan ng pagtitig sa pisikal na kapansanan. Sinasabing gumagabay ito sa pagbuo ng sarili at iba at nakapagtatakda ng mga hindi makatwirang paghuhusga. Sa Gensan Punch, bagaman hindi mapigilang kunan ang katawan sa pagsunod sa buhay ni Nao sa komunidad, na masisisi sa sinematograpiya at disenyong pamproduksiyon ng pelikula, naiwasang titigan ang kapansanan sa pagtatangkang ipaliwanag ang salimuot ng usaping ito sa imahinasyon ng pamilya. Kumakapal ang karanasan sa kapansanan sa pagmamapa ng mga kontradiksiyon sa abilidad na hindi lamang nagpapaiba kundi nakakapagpatulad sa iba pa. Gaya nang sa isang iglap, maaaring magkakapansanan sa boksing, o sa namasdan sa napilayang ginang sa binisitang klinika na nagpatibay sa kasiglahan ng pangangatawan ni Nao.
Sa kaniyang pamilya, walang duda ang pagtanggap sa kalagayan. Ito ang nagbubukas at nagsasara sa pelikula. Suportado siya ng ina sa pagtungo sa Pilipinas at buong loob na yayakapin siya nito sa kaniyang pagbabalik. Sa pagitan, samantalang uukilkilin siya ng paroo’t paritong gunita ng pagkabata na kuwestiyon ang ama, isang puting dayuhan na militar, unti-unting mahuhulma ang panibagong pamilya sa General Santos sa matatalik na engkuwentro na malilikha sa loob at labas ng gym kabilang na ang pakikipagkaibigan kay BonJovi (Vince Rillon) at pakikipagrelasyon kay Melissa (Beauty Gonzales). Ibang-iba ito sa nararamdaman niya sa kapaligiran ng palakasan sa Japan na lalo pang sisilakbo sa muli niyang pagtungo sa opisina kasama ngayon ang ama-amahang si Rudy. Ilalaban niya rito ang tagumpay ng kaso ni Nao na payapa nang tatanggapin ng anak-anakan sa mauulit na desisyon ng ahensiya nang hindi siya muling bigyan ng propesyonal na lisensiya. Hindi matatanggi ang bigat ng relasyon nina Nao at Rudy na nahulma sa talaban ng mga karanasan ng pagkakaiba at pagkakatulad, sa paliparan man, daungan, gym, tahanan, at boxing ring, ay naitatawid at naitutuwid sa matitingkad na pagganap nina Shogen at Ronnie Lazaro na pumupuno sa kahinaan at kalakasan ng isa’t isa.
Clik here to view.

Kaya’t mag-aalangan na hindi lamang kay Nao ang pelikula. Dahil naipopook nito ang danas ng pagkilos ng sari-saring katawan, hindi nakakatakas ang atensiyon sa kaibang direksiyon sa espasyo ng pangingibang-bayan (na maaaring magpaliwanag din sa paglipana ng mga larawan ni Manny Pacquiao). Si Nao na galing sa Japan at dadayuhin ang Pilipinas, at kahit maging si BonJovi na mula sa Maynila ay pupuntahan ang General Santos. Dito nila hahangarin ang pangarap. Hindi pa sa paraang kahina-hinala, na kahit umiiral, ay hindi ito ang hakbang na nais daanan. Nakadaragdag pa sa salimuot na iyan ang prostesis ni Nao na bagaman matatagpuang kuwestiyon sa pinanggalingan ay tila maayos na tutugunan sa pinatunguhan. Hindi sinasabing mabuti o maunlad ang kondisyon ng diskapasidad sa Pilipinas na may sariling batas na rin na kumikilala sa karapatan ng may kapansanan. Maaari pa ngang maging palaisipan ang kahinaan ng bansa na idamay sa kaniyang imahinasyon ang kalagayan ng kapansanan na naisasalin sa suliranin ng pagpapatupad, o maaari din naman sa katanungan kung paano nga ba isinasagawa ang relasyon sa mga kababayang may ganitong kondisyon. Kinokomplika pa nga ng kaibang paglalakbay ang presensiya ni Taku (Takuhei Kaneko), isa ring Hapones subalit walang kapansanan, na nagsasanay din sa Gensan Punch. Maaaring agarang sabihin na kahinaan ang nipis ng kaalaman sa kaniyang buhay upang maihambing sa kapal ng karanasan ni Nao subalit hindi maipagkakaila na maaaring magpatibay pa itong lalo sa katwiran ng pelikula sa mga karanasang bunga ng engkuwentro sa espasyo ng pangingibang-bayan. Ano pa kaya ang magtutulak kay Taku upang manatili sa bansa?
Sa katapusan ng Gensan Punch, huhubaran ng pelikula ang nakasanayan sa paglalantad ng nakagawian. Hindi sa pagpapakita ng mga eksena ng pagkakamali na karaniwan sa katatawanan kundi sa pagtatagni ng mga tagpo ng pagpepelikula sa Pilipinas at sa Japan na kumukuha ng mga pamamaraan sa paglikha nang nahuhuli ang bihirang damdamin ng pamilya sa paggawa. Sa paningin ng direktor na nakilalang matalik ang tunay na buhay sa mga ginagawang pelikula, ipinapaalala ang sariling pagmamalay na hindi pa rin ito tunay na buhay. Bagay na nakadaragdag sa komplikadong kalagayan na tinatamasa niya sa kasalukuyan, sa loob at labas, mas lalong-lalo na sa loob, ng bansa.