Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Ikinahong Palabas

$
0
0

Andrea Anne I. Trinidad 

Si Mae Paner bilang mamamahayag. Still mula sa trailer ng Tao Po (2021).

Binabalangkas ng pelikulang Tao Po (2021) ang apat na magkakahiwalay na kuwentong naitatagni ng pagkakasangkot ng bawat isang tampok na indibidwal sa marahas na giyera kontra ilegal na droga na naging pangunahing mukha ng anim na taong pamamalakad ng administrasyong Duterte. Nakakahon sa loob ng isang bakanteng teatro na tumayong lunan para sa kabuoang produksiyon, natatangi ang naging pagbibigay-buhay ng nag-iisa nitong aktor na si Mae Paner sa apat na tauhan: (1) isang mamamahayag na naatasang magbigay ng panayam sa mga mag-aaral ng asignaturang photojournalism na siyang nagdiin sa mga ito ng mapanghamong sitwasyong naghihintay sa kanila sa larangan, (2) isang zumba instructor mula sa isang barangay na nabudol ng pangakong makataong rehabilitasyon nang sabay na pinatay ang kaniyang asawa at anak, (3) isang pulis na narerentahan din bilang hitman na unang nasilaw sa imahen ng kaginhawahang maidudulot ng pagkakasimot ng lahat ng kinikilalang ‘salot ng lipunan’ na kalaunan ay binagabag ng katotohanang pinamamayanihan ang impormal na operasyon ng maiimpluwensiyang tao na ginagamit ang koneksiyon bilang pananggalang, at (4) isang bata na nasaksihan ang unti-unting pagkakalagas ng kinabibilangang komunidad na sa huli ay tuluyan ring inulila ng pangunahing kampanya ng rehimen na mala-ispektakulong tinrabaho ang ipinangako nito mabilisang pagbabago. 

Sa nagsasariling pagganap ni Paner, pinasinayan ng kaniyang mismong pagkatao—ng kaniyang boses, kumpas, at kilos—ang iba’t ibang hibla ng mga oral na salaysaying hinubog ng proyekto bilang mga monologo. Kung uusisain ang nilalaman ng bawat isang naratibo, madaling sabihin na hindi na bago ang layon ng pelikulang mailahad ang kuwenta ng mga kuwentong nagtatangkang ibalik ang dangal na nararapat para sa mga biktima, sa kanilang mga naiwang pamilya, at sa mga basta na lang nadawit sa kagimbal-gimbal na kaliwa’t kanang patayan. 

Si Mae Paner bilang zumba instructor. Still mula sa trailer ng Tao Po (2021).

Bukod sa pagkakalublob sa gabi-gabing balita na nagsasalaysay ng mga pirasong makabubuo sa pangkalahatang hitsura ng “Oplan Tokhang”—na muling ipinaalala sa simulang bahagi ng pelikula bilang pagtatambal ng mga terminong ‘toktok’ (akto ng pagkatok) at ‘hangyo’ (akto ng pagmamakaawa) sa wikang Bisaya, may umiiral na ring artikulasyon hinggil dito sa mundo ng pelikula at dokumentaryo. Ang lahat ng ito ay nakapagpatunay kung gaano kabuway ang iginigiit na pakahulugan ng pamahalaan sa operasyong itinatampok bilang inosenteng pagbabahay-bahay ng kapulisan upang pakiusapang magbagong-loob ang mga natukoy na gumagamit at/ nagtutulak ng ilegal na droga. Sa tulong ng mga produksiyong sinundan ng Tao Po, napalinaw at napakapal ang higit na makatotohanang mukha ng Oplan Tokhang na taliwas sa pinaninindigan ng estado. Kaiba sa imahen ng banayad na pagkatok at magalang na paghiling, higit na napatingkad ng masisining na produksiyon ang destruktibo at garapalang panloloob at panghihimasok na taliwas sa esensiya ng pagbigkas ng katagang “Tao po.” 

Gaano pa man karami ang mga artikulasyong nabuo na nakahulma sa pagsisiwalat ng tatak “Dutertismong” katumbasan na ng madugong War on Drugs, hindi pa rin mapasusubalian ang moralistikong tunguhin ng pelikulang Tao Po na kolektahin at iartsibo ang mga tiyak na mukha ng karahasan mula mismo sa mga naging direktang sangkot dito. Sa paghahain ng koleksiyon ng mga kuwentong umaalagwa sa madugo ring proseso ng pagtukoy at pagdedebate tungkol sa kabuoang bilang ng mga nabiktima,  kinikilala ng pelikula ang pag-iral ng ilang piling katauhan sa likod ng naglalakihang numero at pinatitingkad ang kanilang pagiging mga Tao (po) na kapwa may bitbit-bitbit na personal na naratibo. Kasabay nito nagawa rin na ipaalala ng palabas ang mga kagagawan ni Duterte at ng mga galamay nitong institusyon na marapat pang singilin lalo na sa mga panahong lumilimlim ang pagtutok dito ng madla na higit nang nakatuon sa papalit na pamunuan—isang palasak nang kuwento ng mabilisang paglimot na nagagamit upang tuluyang matakasan ang mga pananagutan. 

Bukod sa kapuri-puring tapang na ibandera ang mga personal na naratibo ng karahasan upang lumikha ng alingawngaw na maaaring makagambala sa pag-alis ni Duterte sa poder, marapat ding kilalanin ang lakas ng loob ng mga manlilikha sa likod ng proyekto na ihulma ang dulang may parehong pamagat na unang itinanghal noong 2018 bilang isang pelikula. Datapuwat mababakasan ng kakulangan sa mabisang pagkasangkapan ng mga teknikal na kahingian upang maitawid mula entablado tungo sa iskrin, ibinabalik ng proyekto sa alaala hindi lamang ang mga kuwentong unti-unti nang ibinabaon ng naging pagpapalit-administrasyon kundi pati na rin ang ugnayan ng dalawang kinasangkapang sining sa isa’t isa. Mahalagang piyesa kung gayon ang pelikulang Tao Po sa posibilidad nitong makapaglunsad ng mga kontemporanyong diskurso hinggil sa mahaba nang pag-uugat ng pelikula sa teatro pati na rin ang partikular na ugnayan ng mga ito bilang aliwang naitatawid sa politikal na pamumunang may potensiyal na makagising sa kalooban ng manonood. 

Si Mae Paner bilang pulis-hitman. Still mula sa trailer ng Tao Po (2021).

Kung babalikan muli ang nabanggit nang nakikinitang layunin ng pelikula na kumalap, kumolekta, at mangalaga ng mga kuwentong unti-unti nang nalilimot sa pagragasa ng mga panibagong karahasang nauugnay sa pagpapalit ng pamunuan, maipagpapalagay na epektibo rin ang pagkakaluklok ng produksiyon sa loob ng isang kahon—isang literal na black box theater—upang ingatan ang pira-pirasong materyal na marapat pang buklatin at bulatlatin sa hinaharap. Sa pasyang ilagak ang pagtatanghal sa loob ng isang literal na kahon na muli pang naikakahon ng dagdag na pag-aartisbong ginawa ng kamera sa naunang produksiyong panteatro, maihahalintulad ang proyekto sa isang music box na madalas ding pagbidahan ng isang artistang nagpapaulit-ulit sa ginagawa nitong pagtatanghal. Subalit, sa halip na tamis, hinahon, at kaginhawahan ang mababalik-balikan sa bawat pagbubukas ng kahon, naitatambad ng pelikulang Tao Po ang pait, hinanakit, at ingay na hindi marapat kalimutan.   

Sa pagkiling sa akto ng pagkakahon sa isang tiyak na lunan, nasaksihan din sa pelikula ang panibagong paraan ng pag-aangkop ng sining sa konteksto ng pandemya. Kung karaniwang ikinahon ng ibang pelikulang nalimitahan ng mga patakarang restriktibo ang mga karakter sa isang locked-in shooting o kaya naman sa pagpapaloob sa mga ito sa maliliit ding kahong digital na nabibiswalisa ng mga Zoom calls at Facebook messages, pinili ng Tao Po na bumalik sa tanghalan kung kailan ito sarado at hindi nabibisita ng publiko upang masandigan pa rin marahil ang pisikal na gusaling naging saksi sa makailang-ulit nang pakikisagupa ng sining sa samot- saring politikal na karahasan. 

Sa hindi rin pagsunod sa nasaksihan nang yapak ng pagpapaskil sa mga online streaming site ng rekording ng dula upang saglit itong maakses ng parokyanong nananatili pa rin sa kani-kanilang bahay, sabay ring naididiin ng pelikula ang kapanglawan sa nag-iisang presensiya ni Paner sa entabladong nahuhubaran din ng disenyong biswal na madalas asahan sa isang teatrikal na pagtatanghal. Kung babanatin, maaaring sabihin na hindi lang nauuwi sa paglikha ng karimlan ang nag-iisang pagganap ni Paner. Maipagpapalagay na kinakatawan din nito ang imahen ng di-pagpapatinag bagaman halos nag-iisa na sa tunguhing ipagpatuloy ang panunuligsa sa Oplan Tokhang bilang isang paksaing hindi na halos nagalugad ng mga kasabayang pelikula. Mula rito, taktikal din tuloy kung maituturing ang pagkakahon at pagpapaloob ng mga monologo una, sa loob ng teatro, at ikalawa sa anyong pelikula upang pag-ingatan–tulad ng mga obhetong ikinakahon– ang tila isa sa mga huli nang materyal na nagagawang isa-isahin ang mga karahasan ng rehimeng Duterte. 

Si Mae Paner bilang isang batang saksi. Still mula sa trailer ng Tao Po (2021).

Sa pag-iingat sa isa sa mga nalalabing artikulasyon tungkol sa War on Drugs ni Duterte, may kaakibat ding pag-aangkop ang akto ng pagkakahong nasaksihan sa pelikula. Una, ang pag-aangkop ni Paner na may kasanayang magbandera ng sariling katawan bilang Juana Change sa mga kalsada’t lansangan tuwing may rali at mobilisasyon. At ikalawa, ang pag-aangkop ng bagong paraan ng pagkukuwento na umiiwas sa gamit na gamit nang pagkuha ng mga aktuwal na eksena ng patayan at ng kaguluhang nireresulta nito sa mga purok, eskinita, at kalsada. Pagmamagandang-loob sa isang banda ang mga pag-aangkop na ito na nakasandig sa etikal ring pagsasalang-alang na hindi na lalong mapanghimasukan pa ang katawan ng mga biktimang una nang nakaranas ng panghihimasok mula sa kapulisan. 

Subalit, may implikasyon ding marapat pagnilayan ang pagpapaloob nito ng realidad sa isang kahong malayo sa kalye kung saan naging laganap ang karahasan. Sa paglaho ng mga komunidad na binubuo ng aktuwal na mga taong binagabag ng Oplan Tokhang, sabay ring nawala ang mga usiyoso, tumatanaw, nanonood, at nangingialam sa mga pangyayari. Sa pagkakalagak sa anyo ng dula at pelikula na hindi madaling maakses ng komunidad na ginambala ng madugong giyera, nagiging suliranin ang kawalan ng saksi gayong sino pa ang patuloy na makakapagkuwento ng usaping nakatutok sa mga pigurang inaalala ng palabas. Mainam kung gayon na mabalikan ng pakahulugan ni Doreen Fernandez sa salitang ‘palabas’ na pamagat din ng kaniyang proyektong komprehensibong naglalatag ng kasaysayan ng dula sa bansa. Para kay Fernandez, dalawa ang kahulugan ng salita.  Tumutukoy ang una sa performance, show, entertainment” na masasabing naisakatuparan naman ng pelikula sa timpladong pagganap ni Paner bilang si Raffy Tima na kinakitaan ng kontroladong pagsisiwalat ng mga pangyayari on the ground. Dagdag din dito ang kaniyang eksahiradong pagpapatawa na may pasundot-sundot ding pamumuna bilang zumba instructor na may kasanayan sa wikang ginagamit ng komunidad, ang kaniyang mahinahon at patagong pangungumpisal bilang alagad ng batas na may tibay ng loob na pumatay, at ang kaniyang infantilisadong pagganap bilang bata na maaaninagan ng maturidad sa naging paglalahad kung papaano inubos ng karahasan ang matalik niyang kapitbahayanan. Gayumpaman, binibigyang-kahulugan din ni Fernandez ang ‘palabas’ bilang “outward … people-based and community oriented.” Ibig sabihin, mahalagang pumatungo muli ang kuwentong inugat mula sa komunidad sa komunidad upang mailunsad ang anumang uri ng pakikisangkot. Kung gayon, paano pa kaya mailalabas at maipapalabas ang ikinahon at iningatang pagtatanghal pabalik sa madlang hindi karaniwang naakses ang mga espasyo ng tanghalan? Paano kaya maiiwasang mauwi na lang ulit sa karahasan ng pagsisilid ang mga kuwentong kakabit ng mga biktimang una na ring isinilid sa mga itim na plastic, patong-patong na libingan at kalaunan, masikip na mass graves? Paano kaya mailalabas muli sa kamalayan ng madla ang tila nananamlay nang mga kuwento nitong naikahong palabas?  


Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles