Aristotle J. Atienza
Pansinin ang bata sa sine. Kung hahalungkatin pa ang kasaysayan ng pelikulang Filipino, lilitaw na ang mahaba-haba na ring panahon ng pakikibaka ng sari-saring bata. Sa pelikulang Tunay na Ina (1939) pa lamang, pag-aagawan na si Tita Duran ng dalawang nanay, ang nagsilang at ang nag-aruga, ang maykaya at ang wala. Karaniwang melodrama, sasagutin ng sine sa pag-usad ng mga taon ang tanong kung kanino mapupunta ang bata sa mga usapin na maaaring makagambala sa institusyon ng patriyarka at pamilya, at kung minsan, ng batas at bansa. Sa ibang pelikula, hindi maghihilahan sa bata sapagkat itutulak sila sa kani-kanilang sariling kamulatan. Kung mapalad man na seryosong mapag-usapan, itinatanghal dito hindi lamang ang karunungan ng batang katawan at isipan kundi ang katatasan ng pagganap ng mga batang kung ituring ay walang pinaghuhugutan dahil walang kamuwang-muwang.
Wala riyan kadalasan ang bata sa sine kundi sa mga palabas na pinipilahan bitbit ng mga nakatatanda sa Metro Manila Film Festival. Sa panahon ng pandemya, sa transpormasyon ng sinehan sa mga tahanan, maaaring pagtakhan ang aktibong panonood ng bata ng epikong pelikula sa taunang piyestang pampelikula ng bansa. Maaaring makita ito sa sineng Magikland (2020) pero walang nakasaksi sa pagpila ng mga bata sa sinehan kundi sa mga nakatatanda na nagkalat sa internet ang masasabi tungkol sa naturang pelikula. Sa lawak ng daigdig na ipinaramdam ng pelikula, panghihinayangan nila na hindi ito napanood sa higanteng pinilakang tabing.
Subalit sa mga nagkalat online, nakapanliliit ang pagmamaliit sa pelikula na maaaring nanggagaling sa pagturing dito bilang pambata. Huhusgahan bilang ordinaryo, tila wala nang maipaliliwanag pang kahulugan sa sine na nakapagsasalaysay na ng nais sabihin sa anyo ng mga aral na kinakasangkapan din naman upang umakit ng kaniyang manonood. Hindi ikinukubli ng pelikula na kapupulutan ito ng aral. Nangangaral ang palabas ng mga kinakailangang pag-uugali na nararapat taglayin ng bata upang mapagtagumpayan ang mga gawain sa buhay.
Ikalulugod ng mga gumagawa ang paghuli sa mga aral na tinatandaan ang kagandahan ng palabas batay sa mga pagpapahalagang dapat matutuhan lalo pa’t itinutuon ang paningin sa bata. Ikayayamot naman ito ng mga sumusuri na tinatakdaan ang moralismo ng teksto bilang kahinaan ng paglikha. Maaaring tingnan na hindi na umusad ang pagbasa sa pagkabata na nahulma sa pag-inog ng mga tekstong pambata. Subalit pakaisipin ang akdang pambata kung hitik na hitik sa kasalimuotan ng mga salita. Bahagi ng kaniyang buhay ang wikang kinakasangkapan na hindi na lamang salita kundi ng mga nakagigiliw na imahe. Kaya’t marahil suliranin sa naging pagtitimbang sa pelikula kung papaanong lalampas pa sa lutang at litaw? Sa ganiyang pagtingin, mas lumilinaw ang pangangailangan na magnanasang umaagapay din sana ang mas mapagdamay pang pagkilala sa pambata lalo’t patuloy na nililikha.
Nagbubukas ang pelikulang Magikland sa kaharian ng Magikland na nasa bingit ng isang panganib. Napipinto ang pagpapalit ng kapangyarihan sa maitim na balak ni Mogrodo-or. Subalit bago pa nila ito tuluyang masakop, nakapagpadala na ng pasaklolo ang kaharian sa ibang daigdig, ang daigdig ng tao’t lupa. Sumanib ang panawagan sa mobile fantasy adventure game na Magikland na sa mga panahong iyon ay nagdaraos naman ng isang Christmas challenge. May premyong naghihintay sa mahuhusay na manlalaro. Kaya’t naging kabi-kabila, at maya’t maya ang laro ng kabataan kabilang na riyan sina SmileyBoy, Mara, WarriorBeast, at FlowerRanger, mga palayaw sa mobile game nina Boy (Miggs Cuaderno), Mara (Elijah Alejo), Kit (Princess Aguilar), at Pat (Joshua Eugenio) na nakahahanap ng aliw sa mga suliraning hinaharap sa magulang, pamilya, at komunidad.
Magagawan ng paraan ng laro/kaharian na pagkitain ang apat na nangungunang manlalaro ng Magikland. Magtutulak sa pagbubukas ng portal patungong kaharian. Noong una ay pagdududahan ang kakayahan sapagkat gusgusing bata pero mapapatunayan sa unang labanan na maaaring hindi lamang sila bata. Bibinyagan sila ng mga panibagong pangalan na hango mula sa lakas ng Magikland. Itataya kina Boy Bakunawa, Mara Marapara, Kit Kanlaon, at Pat Patag ang pagliligtas ng kaharian ngunit bago ito mangyari ay lalakbayin pa muna nila ang sari-saring bayan ng kaharian upang makipagsapalaran sa iba’t ibang nilalang. Aanihin ng mga bata ang kani-kaniyang agimat mula sa mga diyos ng kalikasan ng kaharian: ang baluti ng katibayan, maso ng tapang, pulseras ng kapayapaan, at espada ng katapatan. Sa pagkakaisa ng apat na batang mandirigma, makikipagtuos sila kay Mogrodo-or na tatapos sa panandalian niyang paghahari-harian.
Makabuluhan ang tiyak na detalye na hindi iisa ang Magikland na kinahuhumalingan nilang laruin at ang Magikland na pinaglalakbayan ng mga bata. Maaaring nasa game na sila na magtatakda ng mga tuntunin na kailangan nilang sundin subalit ipinapaalala ng sine na sariling diskarte pa rin nila ito dahil hindi pa rin nila tuluyang gamay ang kaharian kahit na sabihin pang napatunayan na rin naman nila ang kagalingan sa paglalaro. Nagagawa lang ng laro na bigyan ng giya ang mga bata sa mga impormasyon sa mobile game na maaaring magamit upang magalugad ang kaharian. Maaaring walang lugar ang bitbit nilang husay sa pagdanas nila ng maliliit na kabiguan sa paglalakbay dahil hindi ito ang kinakailangan upang mapagtagumpayan ang misyon kundi ang dalisay na kalooban ng manlalaro. Hindi na ito ang mismong laro pero ang matinding pagsubok ng buhay na pinagagaan ng nasang maglaro.
Sa una, bilang manlalaro sa mga suliraning hinaharap nila: sa mga mapanguhsgang kapamilya ng maysakit na nanay ni Boy, sa nagkahiwalay nang magulang nina Mara at Kit na pilit nang nagsasama, at sa lupit ng buhay sa lansangan ni Pat. Pagagalitan ng matatanda ang labis na pagkahumaling sa paglalaro na huhusgahan naman bilang pagtakas sa realidad ng buhay. Sa ikalawa, bilang bata na nakahahanap ng aliw sa bigat ng bagaheng maging tagapagligtas ng kahariang lampas pa sa tao. May pangakong iniiwan para sa kinabukasan ng daigdig ang kakatwang relasyong ito na makapag-iisip kung paanong ang Magikland pa ang nakadiskubre sa dunong ng bata. Kung may probelamang hinaharap sa matatanda, nakikipagtulungan ang mga bata sa nakatatanda ng kaharian. Kung tatanggapin ang salalayan ng pelikula, hindi ito pagtakas na nagaganap lang sa imahinasyon ng bata kundi pagpapatuloy ng seryosong paglalaro sa iba pang daigdig na kabilang sa marami pang daigdig na kabibilangan na nila. Kahit na pinahaba ang karanasan sa pinaikling panahon ng Magikland, pagpapatuloy ito ng kanilang buhay na mas lalo pang titingkad sa pagbabalik ni Boy nang mahihinuhang pagagalingin ni Mara ang may taning nang ina ni Boy, at sa pagpapaiwan ni Pat nang magdesisyon na huwag nang bumalik pa sa lupa. Nakikilala ng pelikula na hindi sapat ang trabahong inilalaan sa mobile game dahil nasusubukan pa ito sa antas na tunay nilang pagsisikapan sa kabilang daigdig.
Mapanlinlang itong kabilang daigdig dahil nakapagguguhit ng timbang ng kaibahan. Sa tatlong daigdig na naimamapa ng pelikula, ang mga ugnayan ay nakapagtutukoy pa ng mas masaklaw pang daigdig na kinabibilangan ng lahat ng ito. Nabubuksan man ng laro ang gawa-gawang daigdig ng Magikland hindi nawawala rito ang paggabay ng mga alituntunin ng tao. Hindi pa rin iba ang daigdig na ito. Gayundin, nabubuksan man ng Magikland ang kaibahan ng mundo sa mga litaw na tanda ng pananamit, wika, nilalang, at kapaligiran na maaaring ibang-iba sa tao, hindi pa rin nagkakalayo ang mga lakarang lalakbayin nila. Nagkakabisa sa mga bata ang kabuluhan ng mga Magikland dahil nakikilala ang mga kinakailangan upang resolbahan ang mga suliranin ng kinikilusang daigdig.
Hindi eksklusibo sa Magikland ang mga pagpapahalagang kakailanganin upang mapagtagumpayan ang kasamaan ng kanilang lipunan. Bitbit din ito sa kabilang daigdig ng mga Magikland. Paano nga ba nagagawa ang isang misyon? Ano nga ba ang sangkap sa tagumpay? Hindi sa maliksing desisyon ng click at swipe kundi sa tibay, tapang, payapa, at tapat na kalooban. Hindi nga ba’t ang kaabalahan ng matatanda sa kalagayan ng bata ay kawalan ng pag-unawa sa mga gawain ng bata? Maaaring totoo pero hindi nararapat kaligtaan na maaaring pakita lang ito. Ang tapang ay maaaring loob subalit maaari din namang apog. Ang pagmamahal ay maaaring salita at maaaring wala sa gawa. Maaaring binubura ng pagkakaisa ang kaibahan kaya nga lamang maaari din itong kumilala sa kaibahan. Nakalulungkot na iniuuwi lamang sa aral ang pagturing ng kababaan at kababawan sa pelikula. Na parang ito lang ang nakakayang gawin ng popular na sineng pambata? Ano nga ba ang atraksiyon sa panonood ng paglalaro ng iba, sa Magikland man ito, sa Youtube, o kahit maging sa pusit?
Kaya marahil itinutuon ang pansin sa mga aspektong teknikal ng pelikula na hindi nakapag-iisa at nakapaghihiwalay kundi nakapagtitibay pa sa pagsiwalat ng salimuot ng ugnayan ng iba’t ibang nilalang at bayan sa Magikland. Nagkakabuhay ito sa tagumpay ng paglikha sa mga detalye ng mga daigdig na nakaaalam sa timpla ng mga likha sa kontemporanyong panahon. Paano nga ba matatanggap ang panghihimasok ni Gugu sa realidad ng tao o ng mga mapa sa kanilang paglalakbay? Ang imahe at tunog ng pelikula ay hindi lamang paimbabaw kundi siyang humuhugis sa Magikland upang makapagkumbinsing may katotohanan ang ilusyon ng laki at lawak ng mga laro sa daigdig. Matutukoy man itong lalawiganin bunga ng mga nakakikilala sa mito at kapaligiran ng Negros ay maaari din namang pandaigdigan sa pagtatagpo ng mga kinatutubong romanse metriko sa katapusan ng mundo sa bansa.
Nararapat lamang na matutuhan ang aral na ito ng pelikulang panganay ni Christian Acuña, karagdagan sa mga aral sa pelikula na hindi nailulugar sa mga mapagkunwaring pagbasa sa internet. Hindi lamang sa basbas ng mga nauna sa kaniya na buong galang niyang pagkakautangan sa pagtatapos ng pelikula na nakapaglatag na rin ng daan sa pakikipagsapalaran ng mga bata sa ibang daigdig sa Batang X (1995), Magic Temple (1996), at Magic Kingdom: Ang Alamat ng Damortis (1997) kundi sa mga pelikulang romantiko at aksiyon ng Baby Love (1995) at Gangland (1998). Hindi malayong ikabit ang pelikula niya sa mga nauna, kabilang na ang isang kabanata sa Quarantina Gothika (2020), subalit hindi maikakailang matitimbang hindi kulang ang kahinaan ng Magikland upang maramdaman ang kalakasan ng sapalaran at panganib na nagagawa ng pangunang pagsasanay sa paglikha. Sa madaling salita, sa halos ilang taon na pagtanda ng pelikula, hilaw pa rin ang Magikland. Makapaglilista ng mga tanong na susubok sa lohika ng binubuong daigdig na maaaring masagot sa muling tangka sa susunod na kabanata ng pelikula o sa panibagong buhay pa nito sa siyudad ng Silay. Nakaaangat ang sinseridad ng paglikha na nakapaghahatid ng aliw na malayong-malayo sa pagpapanggap ng mga pelikulang umaastang mapagpabago nang hindi naman nakakapagbagong-anyo. Mararamdaman ang aliw sa mabigat na pagtitimbang sa posibilidad ng pantasya na makapamagitan sa realidad na muling mamaliitin bilang gaya-gaya dahil lamang nakatutukoy sa mga bakas ng samot-saring impluwensiya sa loob man o labas ng bansa. Pipiliin pa ring ipagbunyi ang mga pagtatayang umuunawa sa tradisyong latak man ay hindi malayong usbungan ng mga kinakailangang pagbabago sa kinabukasan, sa daigdig man ng pelikula o sa pelikula man ng daigdig. Sa ganiyang “halagahan” sa sine, maituturing na mas angat pa ang Magikland kaysa sa ibang pelikulang hinog man ay pilit, o pabulok na rin naman.