Jema M. Pamintuan
Sa pelikulang The Highest Peak (2020) ni Arbi Barbarona, pinagtagpo ang naratibo at mithiin ng dalawang pangunahing tauhan nito: ang batang Lumad na si Podong (Henyo Ehem), na naghangad maging bahagi ng pangkat ng mga porter ng bundok Apo ng Davao, at ang taga-lunsod na si David (Dax Alejandro), na nagnais tuparin ang pangako sa nasirang pamilya nito na abutin ang pinakaitaas ng bundok Apo. Ang nabuong tambalan nina Podong at David bunsod ng pangangailangan at ambisyon ng bawat isa ang naglatag ng sentral na diskurso at sinematikong estetika ng pelikula.
Kapwa may mga bitbit na lihim at pasanin ang dalawang tauhan habang binabaybay nila sa unang pagkakataon ang daan paakyat ng bundok. Hindi naman talaga porter si Podong, at ipinuslit lamang nito ang cellphone ng porter’s association upang makapalitan ng text si David na nakiusap kung maaaring umarkila ng giya paakyat ng bundok. Kimkim naman ni David ang lunggating kaakibat ng dati niyang posisyon bilang CEO ng mining company, ang pagkakaroon niya ng extramarital affair, at paninisi sa sarili dulot ng aksidenteng kumitil sa buhay ng kaniyang mag-ina at nagbabantang magdulot ng pansamantala niyang pagkabulag. Kawangis ng bigat at hirap ng akto ng pag-akyat ng bundok ang pagsubok sa dalawang tauhan, lalo ni David na ilang beses ring tinamaan ng panghihina at minsan pa ngang nawalan ng málay dulot ng pangingibabaw ng pagod. Maselan, masalimuot, taas-baba ang emosyong kaugnay ng daan paakyat. May kani-kaniyang dinadala ang mga tauhan hinggil sa kanilang mga pamilya. Madalas bisitahin si David ng malalagim na alaala at mapait na pagsisisi sa pagkamatay ng mag-ina, samantalang hindi sinagot ni Podong ang tanong ni David sa kung hinahanap na ba ito ng mga magulang. May magagaang eksena, asaran at tuyaan, at mga patawa ni Podong, subalit may mga tunggalian rin tulad ng saglit na tampuhan dulot ng matinding galit ni David nang pagkagising ay nakitang suot ni Podong ang jacket nito. May bisa ang kemistri ng mga aktor na sina Henyo Ehem at Dax Alejandro sa halos paglusaw ng ugnayang porter/kliyente patungong magkaibigan, o halos magkuya/magkapatid, na kapwa nananalig sa kung ano ang kaalamang napulot ni Podong sa pakikinig nito sa kuwentuhan at pagkakalarawan ng mga porter sa daang paakyat ng bundok. Bagaman salat sa konsistensi at may mga pagkakataong tila kulang ang isang pakete ng biskuwit upang tukuyin kung naresolba na ba o hindi ang away ng dalawa, masinop namang nailatag ng pelikula ang matibay na ugnayang nabuo ng mga tauhan. Mahusay at higit na angat ang pagtatanghal ni Henyo Ehem bilang Podong, na may natural na ritmo ng siste at komedi nang hindi rin naman nagkulang sa mga eksenang nanghingi ng pagtitimpi at pananahimik.
Makaeengkuwentro ng mga tauhan ang kadalisayan at kasaganaan ng saringbuhay ng bundok Apo, at ang mga krisis na binubuno ng komunidad nito—militarisasyon, pagsara ng mga paaralan, at pagkasira ng mga yaman ng bundok na lubos na nakaapekto sa kabuhayan at kalusugan ng mga Lumad. Ang saglit na pahinga at pagsaksi sa kagandahan ng bundok ay mabubulabog ng pagyanig ng lupa dulot ng open-pit mine blasting sa mga minahan. Sa likod ng mayayabong na puno at kagubatan ay ang walang katapusang alitan ng mga rebelde at militar. May angking bigat ang sinematograpiya ni Barbarona na hindi lamang rikit ng bundok Apo ang nakukunan ng kaniyang mga lente, kundi pati ang mga lihim na ligalig sa likod nito. Maging ang ambient na mga tunog at mga melodiyang likha rin ni Barbarona ay nagpatingkad sa mga tono, kulay, sagisag, at pagbabadya.
Ang pagdating ng dalawang tauhan sa tuktok ng bundok ay katuparan ng pagsandal, una, ni David sa kasagraduhan ng relasyon at pangako niya sa asawa at anak, at pangalawa, ni Podong sa matagumpay nilang pagdating sa destinasyon nang nakaasa lamang sa mápang likha ng kaniyang imahinasyon. Masasapantahang katarsis na para kay David ang pagdating niya sa tuktok, ang pakiramdam ng paglaya at absolusyon sa nakaraang mga pagkakamali, at pagkamit ng kapatawaran ng mag-ina. Kay Podong naman ay ang tagumpay ng pagsandal sa kamalayan at lakas ng kalooban niyang nagdala sa kanila sa pinatunguhan. Sa tulong ng biswal at aural na mga elemento ng pelikula, may angking kapangyarihan at enigma ang bundok na wari’y magalang na nagpaubaya at nagpatuloy sa dalawang bisita. Maiuugnay ito sa tulang “Tonggapow kos kod ginawa ku”1 (“Tanggapin mo itong pag-ibig ko”) ng isang makatang Lumad, si Retchor Umpan, na naglarawan sa pagpapatuloy ng Bundok ng Apo Sandawa2 sa mga may malinis na hangarin, gaya ng pagpapatuloy ng may-ari ng tahanan sa kaniyang panauhin. Sa katapusan ng tula, nagsilbing liwanag ang Bundok Apo na bumukal sa puso ng mga pinatuloy nito:
Pagkat tulad ka rin nitong buwan
At mga bituin
Na tumatanglaw sa aking katawan
Na sumisinag sa aking kalooban.
Yamang nasinagan na ang aking kalooban
Hindi na ako lalakad sa dilim
Natanglawan na ang loob ko
Natanglawan na ang landasin ko
Natanglawan maging itong pag-ibig ko.
Kung isasakonteksto sa pelikula ang sipi mula sa tula, nagkakaroon ng malalim na kabuluhan ang nabuong ugnayan sa pagitan ng bundok at mga tauhan. Mula sa pagbibilin ni Podong na galangin at manatiling tahimik sa pagdaan nila sa sagradong lugar sa bundok, paggamit ng katas ng bulaklak upang manumbalik ang lakas at ulirat ni David, at pananalangin at pagpupugay sa engkantada ng kagubatan at mga diyos, nagbukas-loob ang bundok sa dalawang manlalakbay. At bagaman may igigiit o ilalakas pa sana ang pagkakatanghal sa komplexidad ng karakter ni David at paghahanda sa mga manonood sa mahalagang puntong ito ng pelikula, bukod-tangi ang biswal na aspekto ng eksena nang nakamit na ni David ang kapayapaan at kaliwanagan ng loob, at gayundin, ang pagsisiwalat sa angking kalakasan ni Podong na magabayan ang isang dayo sa bundok at ligtas itong makarating sa pinakamatayog nitong antas.
Iyon lamang, mararamdaman ang halos paimbabaw at tila superfisyal na mistikal at ispiritwal na epekto ng pagdating ni David sa itaas ng bundok. Maaaring dulot ito ng manipis ring karakterisasyon sa tauhan, at kahinaan ng mga eksenang nagtanghal ng kaniyang pagbabaliktanaw. Halimbawa ay ang nabanggit lamang na planong pag-akyat ni David at kaniyang mag-ina sa bundok Apo, at ang pagbili niya ng bagong hiking shoes para sa anak. Hindi napaunlad ang saysay ng planong pag-akyat at ugnayan ng pamilya maliban sa isa lamang itong akto ng pamamasyal, gayundin ang dahilan ng pagkatiwalag ni David sa ugnayang ito maliban sa mahihinuhang “natukso” ito. Wala ring pagpapalalim sa relasyon ni David sa kinakasama. Kung kaya kahit pa nasalungguhitan sa biswal na antas ang grandiosong imahen ng bundok upang ipantay sa rurok ng emosyon ni David, hindi rin nito nasalo ang pangangailangang pangatwiranan ang kaniyang redempsyon.
Hindi natapos sa tuktok ng bundok ang pagkakaroon ng resolusyon ng mga tauhan. Ang birtud ng pagdating nila sa pinakaitaas ay tanda ng kahandaan ring iwan ang ilang bagaheng dala-dala sa pag-akyat, at kaharapin naman ang daan pabalik. Nagkaroon ng transformasyon sa karakter nina David at Podong sa pagbaba nila ng bundok, kaiba sa pag-uugali nila paakyat. Wala na ang komikero at pilyong Podong na kumuha ng cellphone at kabayo ng mga nakatatandang porter, at sa halip ay tila nadagdagan ito ng gulang, at responsableng disposisyon. Inalalayan nito ang nawalan ng paninging si David, na epekto ng nakaraang pagdanas ni David ng sakuna. Gayundin si David na animo’y tanggap na ang kapalaran at pagkawala ng pamilya, at naging tagapagtanggol pa nga ni Podong sa eksenang pinagbantaang parusahan nina Bulkan, ang punong porter, si Podong dahil sa pagkuha nito ng kabayo nang di nagpapaalam. Nahubaran ng pag-iimbot, hindi na mahalaga kay David ang mamahalin niyang relong ginamit pantubos, magarantiya lamang ang kaligtasan ni Podong. Tiniyak ng pelikula na magtatapos ang paglalakbay sa kung saan rin ito nagsimula, gayunman, may mga bahagi ng salaysay na inaasahang kikilalanin pa subalit nanatili sa periperal na antas. Pagdating sa ibaba ng bundok, humingi ng tawad sa komunidad si David at isinalaysay ni David ang kahusayan ni Podong bilang porter. Binigyang liwanag umano ni Podong ang kaniyang isip at iminulat sa katotohanan, at magugunita muli rito ang sipi mula sa makatang si Umpan tungkol sa natanglawang kalooban at landasin ng sinumang pinatuloy ng bundok Apo. Nakipamuhay nang ilang araw sa komunidad si David, na saglit lamang ipinamalas sa pelikula, at kung tutuusin ay nangako sana ng pagpapatingkad lalo sa konklusyon at kaganapan ng karakter ni David. Sa bandang katapusan ay inihatid na ni Podong si David sa terminal ng bus, at doon na sila nagpaalam sa isa’t isa.
Bagaman sentral sa pelikula ang pagsasanib ng kuwento ng dalawang tauhan, naging suliranin ang paraan ng pagkakalahad sa kuwento ni David, ang kahinaan ng kaniyang karakterisasyon at pagkakabuo ng kuwento, lalo sa aspekto ng pagkasangkapan nito sa bundok upang maproseso ang sariling pagluluksa. Sa ganang ito mapanghihinayangan ang kakayahan at mga posibilidad sa pelikula. Sa kabilang banda, at kung lubos pang napaunlad, ay higit sanang may potensiya at direksyon ang naratibo ni Podong na mailalarawang halos isang kontemporanyong bayaning pusong o Pilandok, na sa kaniyang pagpapatawa at panlilinlang ay nakapagpatunay ng sariling kakayahan at naitaguyod ang ganap niyang pagiging bayani ng salaysay. Tila rite of passage ang pag-akyat at pagiging gabay upang pakapalin pa sana ang karakter ni Podong (Posong), sa pamamagitan ng unti-unting pagkahubog sa kaniya ng mga daang paakyat at pababa, mga nakaengkuwentro sa mga daang ito, at ang kaugnayan at pananagutan niya sa kinabibilangang komunidad, tulad ng kung paano rin pinaunlad ang karakter ng pusong sa mga kuwentong-bayan. Instrumental lamang ang karakter ni David, maituturing pa ngang pangalawa o sumusuportang tauhan, para sa katuparan ng mga layon ni Podong. Mabibigat ang mga isyung kaakibat ng kuwento tungkol kay Podong, pawang mga isyung kinakaharap rin ng kaniyang mga kapwa Lumad. Kung kaya, hindi natapos ang salaysay tungkol sa kaniya, at iniwan ang mga ito bilang pansara sa pelikula. Bukod sa mga kinaharap na hámon tulad ng kawalang katiyakan sa pagbabalik ng kaniyang mga magulang (o kung tunay ngang buháy pa ang mga ito), at pag-aasam na muling makapasok sa paaralan, nakahabi pa rin ang mga personal na isyung ito sa kalakhang pakikibaka ng kaniyang komunidad. Kung babalik sa karakter ni David, ay gayundin ang pagkakatali ng mga personal niyang isyu sa higit pang malawak na danas ng nakaugnayang pangkat. Kung kaya sa kabuuang sipat, ang pelikula ay tungkol pa rin sa, at kumakatawan sa mga Lumad, gayong kahit may mga tauhan itong mismong mga Lumad rin, ay hindi naging sapat at ganap ang amplifikasyon sa kanilang mga tinig at sapalaran.
______________________
- Albert Alejo, SJ, pat. Sikami’n Lumad: Bagong Panitikan ng Katutubong Mindanao, (Davao City: Mindanawon Initiatives for Cultural Dialogue, Ateneo de Davao University, 2005), 36-37.
- Kinikilala bilang dakilang ama o ninunong pinagmulan ng ngalan ng bundok. Nasa “Mount Apo Natural Park,” Department of Environment and Natural Resources, 2015, https://forestry.denr.gov.ph/b+wiser/index.php/sites/mount-apo-natural-park.