Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Para sa For My Alien Friend

$
0
0

Aristotle Atienza

Paano maaaring tanggapin ang pelikulang For My Alien Friend (2019) ni Jet Leyco, ang isa sa mga itinatanging pelikula ngayon ng nakaraang taon? Kakahunin ito bilang dokumentaryo at eksperimental, at itatabi sa iba pang kakatwang pelikula. Paano kung ilapit sa karaniwan, at ituring ang pelikula bilang liham? Maaari ding alay at handog. Anu’t anuman, ito ay bigay kahit paano, isang pagbabahagi at pamamahagi ng sarili sa iba. Pelikula ang laman pero hindi lamang ang nilalaman dahil kabilang na rito ang mismong pelikula bilang isang kalamnan ng mga pinirasong karanasan na isinasakasaysayan sa iskrin. Matutukoy man ang pinagmulan at patutunguhan sadyang tila nakalutang pa rin ang katiyakan ng mga sangkot na nilalang dahil nakikitang pangangailangan ang kilalanin ang mga relasyong pumapagitan. Maaaring nariyan ang pagtawid sa pelikula ni Leyco.  

Mula sa screener ng For My Alien Friend (2019).

Tila malayo ang lalakbayin kung tinatanggap ang destinasyon ng kaibigan bilang alien ng science fiction. Kung pamilyar sa pagiging abala rito ng manlilikha sa mga nauna niyang pelikula, masasabing isa itong bagay na malapit sa kaniya. Hindi man marahil mahalaga kung nagkita na sila noon o magkikita pa lang, sigurado ang paghahanap sa kaibigan mula sa panawagan ng mala-radyong tinig na sumasanib sa kalawakan ng suson-susong imahen, tila hinango hindi na lamang mismo sa realidad na tinutukoy nito kundi sa mga datos na binibuksan na nanggagaling sa iskrin ng personal computer at isipan. Isang dokumento ang pelikula na nagbabalita sa sari-saring engkuwentro ng paglalakbay. Nasaan ang kaibang kaibigan? O kaibang ibig maging kaibigan? Anumang hitsura ang taglay nito, E.T., Wooly Booly man o Kokey, mga halimbawang napagsamantalahan nang paglalarawan sa naiibang nilalang, ay tanong pa kaya kung pagbabatayan sa pagiging matalik ng pagkakaibigan ang mga ibinabahaging karanasan. Ano ang kalidad ng mga kuwento sa kaibigan?  

Matatanggap din na hindi galing sa malayong planeta kundi mula sa ibang malayong bayan. Pasaporte ang opisyal na dokumento na nagtatakda sa kaibahan. Tubig o pader ang maaaring hangganan at pagitan. Muli, gagalugarin ang bayan sa paghahanap sa banyagang kaibigan. Ano ang magiging laman ng mga panawagan kundi ang mga tanda ng pagkakakilanlan. Nariyan ang mga detalye sa pamilya, kaibigan, bayan, at kapaligiran. Isang dokumento ng mga piling kaganapan sa buhay na pinagnilayan at pinakiramdamang isinasalaysay. Ipinapakilala ang mga pinahahalagahang saglit ng pakikisangkot ng isang mamamayan sa malayo’t malapit niyang nakalipas. Maaaring hinuhugot ang mga ito sa mga pinagkakaingatang imbakan ng mga files, at sa kasalukuyan ng iskrin, ay binibigyan ng panibagong pagpapakahulugan kagaya ng mga daloy ng gunita. Narito ang sarili na tumuturing sa iba bilang katulad dahil ginagawang karamay sa pandamang naibibigay ng iba’t ibang nasaksihan sa buhay.        

Mula sa screener ng For My Alien Friend (2019).

Nariyang nasa tabi-tabi lang din ang kaibigan. Kinakalabit o binabatukan. Hindi na ito ang kakatwang nilalang ng ibang planeta o ang dayuhan ng ibang bayan pero bakit hindi kung ipopook sa pagpapatawa ang pananalita. “Saan ka bang planeta galing?” Posibleng tukuyin ang kaibigang hindi na nakakikilala, ang natiwalag sa tunay na kalagayan ng ginagalawang lipunan, kaya’t maaaring pakilusin ang mga imahen bilang paalala. Napawalay kaya’t pinapagmalay sa pinagtagni-tanging gunita ng tunggalian na nakapagtutulak para madama ang kaibahan. Isang dokumento ito ng pagmumulat na sumasariwa sa mga nakaraan na nasaksihan ng pagkakaibigan. Nakaliligaw ng landas ang ibang paglalakbay dala na rin ng pinipiling tugon sa mga pagbabago sa buhay. 

Mula sa mga panawagan ng tagapagsalaysay, nabubuksan ng pelikula na sabay-sabay na pairalin ang iba’t ibang nilalang na ituturing bilang kaiba, subalit kaibigan. Maituturing kayang isasara na ang paghahanap sa pagtugon ng kaiba sa kadulu-duluhan ng pelikula sa yugto ng kapaguran? Itong sandali na ang layo ay lapit din. Kaya’t kung pahahalagahan sa mga ugnayan ang distansiya na pumapagitan sa mga kaiba, bakit hindi rin damay dito ang mismong pelikula? Sa pagbubukas pa lamang, ipinapakilala na ang kaibahan. Hindi ito karaniwan at hindi rin karaniwan ang masasaksihan. Paano na ang iniiwasang kagamitan sa panonood, dahil itinuturing na pangangambala, ay kabahagi ng mismong panonood. Ano nga ba ang sinasabi sa QR Code sa umpisa ng palabas na muling lilitaw sa pagtatapos upang tanungin ka lamang nito kung ano nga ba ang nasa isip mo? Sa pagsisimula pa lamang tinatawagan na ng pansin ang manonood bilang estranghero na hinahangad na makausap ng isa pang estranghero na nag-iwan pa ng numero, si Jet Leyco. Hindi sarado ang hindi karaniwan bagkus mapag-uusapan.   

Mula sa screener ng For My Alien Friend (2019).

Maaaring matiwalag sa pelikula lalo na kung papansinin na bahagi ng proyektong ito ang pagmunihan ang mga hangganan ng dokumentaryo at fiction kaya’t nakapagtatanong kung paano nagiging gawa ng imahinasyon ang dokumentaryong talambuhay at nagiging dokumentaryo ang likhang-isip. Magpapaalala ang kakaibang engkuwentro sa kasaysayan ng pelikula na kahit sabihing nagsimula sa dokumentasyon ng mga pang-araw-araw na gawain sa Pransiya ay hindi gaanong pinapansin na ilang taon lamang makaraan nito ay sinisimulan na rin ang dokumentasyon ng salamangka sa kamera. Nakatutuwang bumabalik sa isipan ang imahen ng sasakyang pangkalawakan na sumapol sa mata ng buwan na babalikan ng pelikula sa muling paggamit naman ng mga imahen ng pagtuntong ng unang tao sa buwan na  nakapagtutukoy sa paglalakbay bilang mahalagang salik na kabahagi sa pagtitimbang ng mga kaibahan at kaibigan.    

Malay ang pelikula sa pagbibigay-pansin sa mismong materyal na hinaharap ng kaniyang paglikha, ang digital. Ito marahil ang hindi nahaharap ng mga manlilikha sa pelikula sa kasalukuyang panahon lalo na sa paghuhubad ng mga huwad na obra na nagpapalapit diumano sa mga manonood sa mga lihim na hindi kalimitang nalalaman dahil hindi nakikita sa iskrin. Sa produser o direktor ang laging sisi na lalo pang nagpapatibay sa pagpapatuloy kaysa pagdedeklara para sa isang bagong yugto ng pagpepelikula. Maaari mang kuha sa minanipulang realidad ang mga imahe ni Leyco hindi maitatanggi na malaking bahagi ng paglikha ngayon ang mga ginagawang manipulasyon sa kinunang imahen. Tila natigil na ang imahinasyon ng ibang manlilikha na nagtangkang pag-usapan ang pelikula sa kanilang pelikula dahil nakaliligtaan na ang pagmamaniobra sa realidad ay muling nililikha sa harap ng kompyuter. Kaya nga’t marahil interesanteng matatagpuan ang tila pagbitaw ng pelikula sa mga kuwadro ng bintana na kapansin-pansing gamit niya sa mga naunang pelikula bilang pagmamalay sa posibilidad ng mga paningin sa pelikula. Sa ganitong kalagayan nabibigyan ng pagpapahalaga ang pagtatangka ni Leyco na bigyan ng suliranin ang usapin ng digital mula pa sa nauna niyang pelikula, ang Ex Press (2011). Gayundin, bagama’t makikita pa rin ang bakas ng kaibahan sa mga pelikulang Bukas na Lang Sapagkat Gabi Na (2013) at Matangtubig (2015) kumpara sa pinag-uusapang pelikula, hindi maikakailang nakapag-aambag ang mga nasabing proyekto sa posible ring pagkatiwalag sa sariling paglikha lalo na kung idaragdag pa ang huli niyang pelikula na mabuti na lang yatang kaligtaan, ang Second Coming (2019). 

Mula sa screener ng For My Alien Friend (2019).

Maaaring For My Alien Friend ang bigay ni Jet Leyco. Maaari ding hindi ito tanggapin. Pero sa kapaligiran ng produksiyon ng likha sa bahaging ito ng sangdaigdigan, mula sa manipulasyong ginagawa sa saliw ng awiting You Know I’ll Go Get sa Tiktok hanggang sa pagpili ng filter sa Instagram kaya’t magpapaandar sa pag-aasta ng #nofilter, kahit maging sa praktis ng meme at fake news, at ngayon, sa patalastas ng RC Cola, iniiwasan hangga’t maaari na tanggihan ang bigay. Ano ang makukuha ngayon sa pelikula kundi ang panawagan para sa paghahanap ng mga bagong ugnayan? Ano ang inaasahang relasyon sa pelikula ni Leyco kasama ng iba pang manlilikha sa mapanglaw na kagubatang ito ng dokumentaryo, eksperimental, digital, at pelikula? Sana hindi na lang ito sa ngalan ng pagkakaibigan na tila bihira sa daigdig na iyan kung paniniwalaan ang mga usap-usapan ng gamitan at kasiyahan. Pero bakit hindi rin posibleng hanapin ang ugnayang ito sa isa pang itinuturing ng pagpepelikula na kaibang kaibigan, ang kritika?


 Due to unforeseen circumstances, the 30th Annual Circle Citations for Distinguished Achievement in Film for 2019 is now scheduled on the first quarter of 2021 as a virtual event. The list of nominated and winning films can be found here. Reviews for these films, as well as other long-listed films, will be posted this coming week.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles