Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Ang Romantikong Danas ng Dahas sa Realismo

$
0
0

Andrea Anne Trinidad

Realismo ang hulmahang kadalasang nagluluwal ng pelikula sa bansa. Hindi mapasusubaliang hanggang sa kasalukuyan, itong tradisyon pa rin ang madalas katigan ng mga manlilikha sa likod ng mga pelikulang naglalayong paksain ang tila karaniwan nang karanasan ng karahasan na lalong pinasisidhi ng retorikang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon kasabay ng aktibo ring pagsasakasangkapan sa mga institusyon at sa lapastangang kalakaran nito. Napagbubuklod halimbawa ang mga pelikulang Alpha: Right to Kill (Brillante Mendoza, 2019), Babae at Baril (Rae Red, 2019), Kalel, 15 (Jun Robles Lana, 2019), at Utopia (Dustin Celestino, 2019) ng iba’t ibang paraan ng pagtuhog ng mga ito sa usapin ng pagbebenta at paggamit ng droga at ng problematikong pag-uugnay ng adiksiyon sa isyu ng kahirapan. Bagaman mistulang realismo ang lenteng ginagamit sa lantarang pag-ukilkil sa napapanahong suliranin, interesanteng natutumbok din ng mga pelikula ang mundo ng romansa sa pagbanat sa hanggahan ng mga establisado na nitong pamantayan. 

Kasama ang pelikulang Akin ang Korona (Zig Dulay, 2019), na nagpapakita naman ng karahasang dulot ng popular na midyang nanamantala ng mga ordinaryong tao at ng kanilang personal na kuwento, itinatampok ng mga pelikulang nabanggit ang pagsambulat ng pagnanasa sa pinakasukdulang nibel na madalas nakukuyom ng romansa sa isang katanggap-tanggap na antas. Hayag, masidhi at sagad-sagaran kung gayon ang pagpapakita, at kung minsan katuparan na rin, ng mga pagnanasa ng mga tauhang sinusundan ng naratibo. Kung gayon, nababanat sa nakasanayang hulma ang pinipiling elemento mula sa genre ng romansa, at inilalagak sa isang kuwestiyonableng pagsasakatuparan upang tuluyan itong maangkin ng realismong laging may bahid ng karahasan.  

Lalong napatitingkad ang karahasan dahil pinipiling ilagak ang ugat at tampulan ng sukdulang pagnanasa at pagkahumaling sa katawan ng mga kabataang tauhan. Namumuhunan kung gayon ang mga pelikula sa imahen ng kamusmusan, na di kalaunan ay gagamitin upang maihasik sa isang bastardisadong paraan ang elementong hiram mula sa romansa. Sa Akin ang Korona, dinidiskurso ang pagnanasa sa pamamagitan ng karakter ni Nanong (Nar Cabico) na tila nasisiyahan sa pagsulyap-sulyap kay MJ (Kirst Viray), ang misteryoso at tahimik na camera man na naatasang magdokumento ng kaniyang buhay bilang ulilang magtutuyo na pinapasok ang samu’t saring raket upang masustentuhan ang pag-aaral ng nakababatang kapatid. Habang tumatagal at mas lalong nagiging masalimuot ang proseso ng pagdodokumento ng buhay ni Nanong para sa espesyal na episodyo ng palabas na napamamagatang “Akin ang Korona,” maglalaan ng mga sandali ang pelikula upang sundan ang paglago ng pagpapamalas nito ng atraksiyon sa matangkad at matipunong camera man. Mula sa simpleng pagnakaw ng tingin, tungo sa tipikal na pisikalisasyon ng kilig na lubusang namalas sa mga eksenang kagyat na nagtatagpo ang kanilang mga balat [Lar 1], hanggang sa pino ngunit maharot na tagong pagkuha ng selfie kasama ang tulog na lalaki sa kanilang biyahe patungong Maynila kung saan pinangakuan si Nanong ng palabas na muling makakatagpo ang lumisang ama, tinatalunton ng pelikula ang mapaglarong pagyabong ng pagkahumaling ng kabataang bakla tungo sa maipagpapalagay na heteroseskuwal na camera man. 

Larawan 1. Dalawang eksena sa Akin ang Korona kung kailan lalong naging hayag sa mga manonood ang pagnanasa ni Nanong kay MJ na dinulot ng kagyat na pagtatama ng kanilang mga balat—pagsasaayos ng angulo ng mukha para sa mas epektibong depisksiyon ng emosyon sa kamera (itaas) at pag-akbay nang humiling ng retrato si Nanong sa huling araw ng shooting sa kanilang lugar sa Catanauan, Quezon (ibaba). Larawan mula sa screener ng Akin ang Korona.

Sa likod ng pagtapik ng pelikula sa inosenteng atraksiyon ni Nanong na nakapagpapagaan sa kabuoang pakiramdam ng panonood, hindi ito sapat upang mapagtakpan ang sumisidhing karahasang inihahasik ng piksiyunal na palabas sa ngalan ng ratings. Kung mamalas pa kay Nanong ang pagpipigil upang hindi tuluyang sumambulat ang pagnanasa sa camera man, walang naiwang pagpipigil sa mga nangangasiwa ng palabas, partikular na sa segment producer nitong si Marky (Aaron Rivera), upang maisakatuparan ang makasariling intensiyon na makapaghain ng abang kuwento ng buhay ng isang ordinaryong tao mauwi man ito sa kaswal na pandidikta, panggagatas, at panlilinlang. 

Mas mapusok namang mukha ng kabataang nagnanasa ang inungkat sa Kalel, 15. 

Bagaman mas nahahabi ang imahen ng kamusmusan sa bidang si Kalel (Elijah Canlas) bilang binatang nakaasa nang labis sa pamilya, nahihilig sa pangongolekta ng komiks, nangangarap na magkaroon ng sariling waveboard, nakikisabay sa uso sa palagiang pagpapaskil sa social media ng mga banidosong larawan [Lar. 2], at nasisiyahan sa patagong pagbisita sa mga bar kung saan nakatitikim ng sarap ng mga gawaing ipinagbabawal pa sa kaniyang murang edad, sa mas seksuwalisadong antas isinusulong ng pelikula ang usapin ng pagnanasa. Maliban sa batbat ito ng mga dialogo at eksenang direktang tumatalakay sa iba’t ibang seksuwal na akto na kinasasangkutan ng parehong pangunahin at segundaryong tauhan upang maisakatuparan ang pagnanasa ng laman, kaagad na inihahantong ng pelikula ang diskurso ng pagnanasa sa usaping seksuwal sa agaran ding pagpapakilala sa kabataang si Kalel na HIV positive—isang napapanahong suliraning hindi lubusang napanghawakan dahil mas pinili ng pelikulang sairin ang suson-susong akto ng kapusukan ng mga tauhang kapwa nakapaloob sa institusyon tulad ng pamilya, simbahan, at paaralan na maglulugar kay Kalel sa dulong bahagi ng naratibo sa labis na kahirapan. Isang lugmok na kalagayang ipapakitang naigpawan sa wakas dahil sa patuloy na pagsandig ng batang tauhan sa kapusukan sa pamamagitan ng mapaghiganting pagbebenta ng katawan. 

Larawan 2. Palagiang pagpapaskil ng hubad ng katawan na nakakukuha ng interes mula sa ibang social media app users na marahil ay nakaimpluwensiya kay Kalel na suungin ang pagbebenta ng katawan sa wakas ng pelikula. Larawan mula sa screener ng Kalel, 15.

Karumal-dumal naman ang kinahantungan ng pagpapamalas ng masidhing pagnanasa sa pelikulang Babae at Baril at Utopia. Sa labis na pagbanat sa posibilidad ng pagkahumaling at pagnanasa na aspekto ng romansa, krimen ang kinasapitan ng mga tauhan sa dalawang pelikulang ito. Sa Babae at Batil, panggagahasa ng katrabaho (Felix Rocco) ang puno’t dulo ng sunod-sunod na paninindak at paghihiganti na isinagawa ng babaeng bida (Janine Gutierrez). Sa hindi inaasahang pagkakataong makapag-angkin ng baril na tila nakapaglunsad ng kaniyang maangas at matapang na paghihiganti, sinundan ng naratibo ang pagtunton ng karakter ni Gutierrez sa mga una nang nambastos, namahiya at nambalewala sa kaniya kung saan kasama ang lalaking katrabaho na una nang nadahas at sumubok pang magpatahimik sa kaniya. 

Bukod sa labis na pagbanat sa katuparan ng pagnanasa, mababakasan din ang pelikula sa simula ng pagtatangkang humalaw ng mga katangiang mala-leading man upang ipakilala ang salesman na karakter ni Rocco. Isasapakete nito ang nasabing karakter bilang mapagmalasakit sa laging kimi at tulirong dalaga na napag-iinitang madalas ng kanilang manager dahil sa pagsusuot laspag nang stockings [Lar. 3]. Sa kalaunan, babasagin ng pelikula ang hiram na imaheng ito ng binata sa malagim na eksena ng pagtatraydor nang gahasain ang babae isang gabi sa kanilang staff locker room—isang pagpapamalas ng malubhang katuparan ng pagnanasang naihudyat marahil ng mga paunang sensyales na may mangyayaring pisikal na pandarahas tulad ng obsesyon ng camera sa pagpokus sa mga binti ng mga saleslady na tauhan partikular na ang sa karakter ni Gutierrez, at ang paglulugar ng mga empleyado sa masikip na espasyo kung saan patay-sindi ang ilaw na tila nangangahulugang may malagim na pangyayaring magaganap kalaunan. 

Larawan 3. Mga eksena sa pelikula kung saan mamamalas ang palagian ngunit patagong pangungumusta ng karakter ni Rocco sa karakter ni Gutierrez. Bagaman ipinapakitang pampagaan sa suliraning hinaharap ng dalaga ang dialogong umuugat sa karakter ng binata, kaiba ang gustong sabihin ng madilim at masikip na espasyo sa mga sandaling ito. Larawan mula sa screener ng Babae at Baril.

Pagnanasang nauwi naman sa pagpatay na sanhi ng magkakaugnay pang patayan ang tampok sa Utopia. Katulad ng Babae at Baril, may pagtatangka rin ang pelikulang ipasak sa realistikong kuwento ang palasak nang elemento ng kuwentong romansa—ang mapanibughuing mangingibig sa katauhan ni Ocho (Brian Sy). Dulot ng labis na pagseselos, napatay ni Ocho si Tiger (Mark Manicad), ang vlogger na kinasundo upang mapatunayan kung manloloko ba o hindi ang dating nobyang si Shy (Karen Toyoshima). Dahil kasangkot si Ocho sa inaasahang malakihang drug drop na sabay-sabay inaabangan at binabantayan ng kasangkot na gang na pinamumunuan ng ama ni Shy, ng mga batikang hitman, at ng NBI, nagkandaloko-loko ang plano ng mga tauhang sangkot at nauwi ito sa sala-salabid na pagpatay at pagkamatay dahil lang sa personal na plano ni Ocho na magmakaawang makipagbalikan sa dating nobya.  

Sa halip na ipakita ang pangangatal dulot ng nagawang krimen sa harap mismo ng minamahal, mas pinatitingkad ng pelikula ang katauhang “mangigibig” ni Ocho sa patuloy nitong pagsusumamo kay Shy sa harap ng bangkay ni Tiger, at ng rumespundeng baguhang pulis na pinagkakatuwaang tawaging “dalaga” dahil sa angking kadalisayan nito kung ikukumpara sa kurakot na superyor na binabansagan bilang “Dalawang Sungay ni Satanas.” 

Kaya bukod sa magkakaugnay na patayang naganap, batbat din ng ang pelikula ng mga sandaling humuhugot si Ocho upang tuluyang makumbinsi si Shy na karapat-dapat siyang piliin bilang mangingibig. Isang pagpapakiusap na hindi kinagat ng dalaga na nakikitang kahinaan ang pagiging “dramatic beta male” ng dating kasintahan. 

Sa pag-uungkat ng karakter ni Shy sa imahen ng isang beta male na kagyat maiuugnay sa tila kinikilingan niyang imahen ng mas makisig at dominanteng alpha male na maipagmamalaki sa ama, maipapakita ang lalong pagkiling ng mga realistikong pelikula sa romansa partikular na sa inilalatag nitong tropong gumagabay sa di-pantay na pag-uugnayan ng mga tauhan. Humahalaw sa uri ng tauhang maililinya sa ugnayang Alpha at Omega, napatitingkad ng ilang halimbawa pelikulang nabanggit ang partikular na katangian ng romansa kung saan ang nabubuong pag-uugnayan sa pagitan ng mga bida ang mismong lumilikha ng pagdurusa ng mga ito. Katulad ng sa romansa, masasaksihan sa ilang pelikula ang ugnayang Alpha/Omega o ang herakikal na sistemang pinapaburan ang una na siyang mas makapangyarihan, mapanaig, at dominante. 

Ang gayong di-pantay na pag-uugnayan kung saan may nangdodomina at dinodominhan, ang pangunahing lumilikha ng mga tensiyon sa pelikula. Sa Akin ang Korona bilang halimbawa, walang pakundangang tinrato ni Marky (at pati na rin ng kabuoang piksiyunal na palabas) si Nanong bilang pagmamay-aring madaling mandohan kung papaano dapat manamit, kumilos at higit sa lahat tumugon sa maski sa nakapanlulumong balitang yumao na ang ama mapakinabangan lang ang pagtatanghal sa yari nang kuwento nito. Pagmamanipula rin upang igiit ang dominanteng posisyon ang ipinamamalas ng “Dalawang Sungay ni Satanas” bilang tampok na tauhan sa Utopia. Sa mas pinasidhing paraan ng dominasyon, tumatawid ang dalawang tiwaling pulis na nababansagan ng ngalan sa sadistang pakikitungo sa lahat ng kinauugnayan. Bukod sa intensiyunal nitong pagmamanipula at pananakit sa mga taong nauugnay ang propesyon sa pulisya tulad ng opisyales ng NBI, at tagapamahala ng punerarya na kapwa sangkot sa isyu ng droga, naglaan din ang pelikula ng mahabang eksena upang ipakita ang kasiyahang natatamo ng dalawa sa pangangasiwa ng direktang pananakit sa isang preso na iaangat pang lalo sa mala-pornograpikong antas dahil na rin sa obsesyong kuhanan at isadokumento ito [Lar 4] . 

Larawan 4. Sa dokumentadong tortyur ng isang preso nauwi ang sadistang gawain ng “Dalawang Sungay ni Satanas.” Larawan mula sa screener ng Utopia.

Mailulugar naman ang pinakamasidhing paglalapat ng ugnayang nandodomina at dinodominahan sa pelikulang halos isunod ang pamagat sa relasyong ito—ang Alpha: Right to Kill na isinusulong hanggang sa karapatang pagpatay ang retorika ng pag-aari.  Tulad ng mga naunang pelikula, batbat ng pasakit sa puntong peligroso na ang relasyong kinasasangkutan ng dalawang pangunahing tauhang sina Moises (Allen Dizon) at Elijah (Elijah Filamor). Bagaman hango ang mga pangalan sa Bibliya, partikular na sa kuwento ng pagbabagong-anyo, hindi sa transpormatibo at maluwalhating wakas nauuwi ang kuwento sa pagitan ng kanilang di-pantay na pag-uugnayan. 

Alpha o asset ng pulis na si Moises ang nakababatang si Elijah. Bilang asset na inaasahang makapagturo kung sino ang dapat tugisin ng mga pulis sa operasyon nito laban sa ilegal na droga, kagyat na nababahiran ng panganib ang relasyong ito. Subalit, hindi rito natutuldukan pag-uugnayan ng dalawa. Bilang lamang sa relasyon dulot ng kaniyang posisyon at kapangyarihan bilang pulis, pinapatawan ni Moises si Elijah ng mas peligrosong utos—ang gawing pera ang drogang nakukumpiska sa mga operasyon. Katulad ng inaasahan sa mga relasyong seksuwal na inuungkat sa ilang uri ng romansa kung saan ang dominante sa relasyon ang laging tagapaghatid ng sukdulang sakit at sukdulan ding kasiyahan, si Moises bilang dominante ang naglulugar kay Elijah sa mga maruming gawaing magdudulot dito kalaunan ng katiting na kasiyahan. Bagaman buhay ni Elijah bilang dinodominahan ang palagiang nakataya sa kaniyang pagseserbisyo kay Moises, at sariling katawan ang palagiang itinatambad sa suson-susong panganib upang maisakatuparan ang rurok ng paninilbihan, natutustusan niya ang kaniyang mag-ina sa maliit na porsiyentong nakukuha sa niya sa pag-uugnayang ito.  At katulad din ng seksuwal na pag-uugnayang mayroon at mayroong masasaktan dulot ng isang maliit na pagkakamali, si Elijah bilang nasa abang posisyon ang unang makatatanggap ng pinsala [Lar 5]. 

Larawan 5. Kabaligtaran ng pangakong hindi pababayaan ang pumalyang Alpha, pananakal hanggang sa mapatay ang inihasik ni Moises kay Elijah sa wakas ng pelikula. Larawan mula sa screener ng Alpha: The Right to Kill.

Sa huli, pilit na magsasalampak ng romantikong pagbaling sa mga pelikulang parikalang una nang nagtampok ng karahasan. Sa pamamagitan ng pagpokus sa kawalang-muwang ng mga kabataang tauhan upang subuking makapag-establisa ng kaayusang moral sa wakas ng naratibo, gagamit ang Alpha: Right to Kill ng eksena kung saan aalayan ng kambal na anak ang amang si Moises ng tulang patungkol sa inaakalang marangal na trabaho nito, habang inosenteng pag-iyak naman ni “Dalaga” na nagpapakita ng panlulumo sa sunod-sunod na kamatayang nasaksihan ang ipapakita sa huling bahagi ng Utopia. 

Maski natuldukan ang mga karahasan sa bawat pelikulang nabanggit—pananatiling tahimik ni Nanong sa Akin ang Korona na magpapakita ng kaniyang di-mapaghiganting katauhan, pag-alpas ni Kalel sa kinasapitang kahirapan sa Kalel, 15, pagtapon ng karakter ni Gutierrez ng baril upang tuldukan ang paggamit nito tungo sa kasamaan sa Babae at Baril, pagdaan ng kometa sa langit ng Kamaynilaan Utopia upang pantastikong wakasan ang marahas na gabi, at paggawad ng gantimpala sa kapulisan sa Alpha: Right to Kill, maipagpapalagay na pansamantala lamang ang talab ng mga ito, at patuloy na mahahagip ng realismong pelikula ang labis na karahasang lalong pasisidhiin ng mapag-angkin nitong pagsakasangkapan sa mga elementong una nang nasilayan sa mga kuwentong romansa kung saan may paggigiit sa pagbanat ng hanggahan ng depiksiyon ng pagkahumaling, pagnanasa at pagbuo ng mga relasyon. 


Due to unforeseen circumstances, the 30th Annual Circle Citations for Distinguished Achievement in Film for 2019 is now scheduled on the first quarter of 2021 as a virtual event. The list of nominated and winning films can be found here. Reviews for these films, as well as other long-listed films, will be posted this week.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles