Aristotle J. Atienza
Kung tutuusin wala namang talagang dapat ikabahala, nakalilimot ang lahat. Pero itong hindi makatanda ang karaniwang sinasadyang tinatandaan, pinapalatandaan para matuldukan. Bilang tanda, isang pagmamarka ang matanda sa kasaysayan ng buhay na natatakdaan ng mga aparato ng lipunang nagbabandilang nararapat nating makamit ang isang matagumpay na pagtanda. Inihahain ng hindi dapat kaligtaang panganay na pelikula ni Denise O’Hara (sa pangarap na pakiusap na pagsikapang lumikha pa) ang Mamang bilang isang katanungang uusisa sa kawalan at kalabisan ng pagtanda ng babae. Kaya’t hindi light-hearted ang Mamang, at mas lalong hindi rin ito feel-good. Ang sabihing magaan at masaya lamang ang pelikula dahil pinalalabnaw ang diumano’y seryosong usapin ng pagtanda ay palipasin lamang ang posibilidad ng imahinasyon (sa kapangyarihan ng katatawanan) na magpanukala ng alangang daigdig sa pagtanda.
Tulad ng maniobra sa kamera sa simula patungo sa bahay na siyang tagpuan ng pelikula, papakialaman natin ang pang-araw-araw na pamumuhay ng isang nagkakaedad nang ina, si Mamang (Celeste Legaspi) sa mga panahong “kapiling” ang kaniyang anak na lalaki, si Ferdie (Ketchup Eusebio). Totoong kinayayamutan niya ang pagtanda, nagrereklamo pa nga kung bakit pinatatagal pa ang kamatayan gayong papunta na rin naman, na pinagagaan ng kaniyang anak na kagagaling lang sa nabigong trabaho at relasyon. Maya’t maya ang harutan ng dalawa, sa pang-aalo ng anak sa kaniyang ina na naniniguradong walang dapat alalahanin sa panibagong buhay sa pagtanda habang magkasama nilang ginagawa ang mga nakasanayan na nilang mag-ina – sa tsismisang paglalakad sa kanilang komunidad, sa pagbabasa ng diyaryo sa sala habang nagtsatsaa, sa pagbisita sa doktor, sa harap ng pagkain, sa hardin, at kahit maging sa pagtulog. Pero paano kung ang seguridad na ito ang mangamba?
Tsismisang lakaran (Screengrab from Mamang‘s screener)
Darating ang ulan at lindol, hudyat sa sakunang darating sa masinop na lumang bahay nina Mamang, hindi tulad ng buhay at bahay na sabayang gumuguho sa pelikulang Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon (Carlo Catu). Babahain ang buhay ni Mamang ng mga pagdalaw mula sa iba’t ibang tauhan ng kaniyang malapit at malayong nakaraan na yayanig sa kaniya upang maramdaman ang sari-saring emosyon ng nagpapatuloy niyang buhay. Haharapin niya ang babaerong asawa, makikipag-away sa dalagang kinalolokohan nito, gagambalain ng sundalong bigla na lamang sumusulpot na nagmamatyag pala sa minamahal niyang “tulisan.” Bilang manonood, maaari nating sabihing nagiging saksi tayo sa kuwento ng unti-unting pagkahulog ni Mamang sa kaniyang mga nakakasalamuha sa kasalukuyan. Pero hindi nagaganap ang lahat sa anyo ng isang pagbabaliktanaw, gaya nang matatagpuan sa Rainbow’s Sunset (Joel Lamangan) o sa Aria (Catu), kundi ipinopook ito sa nagbabagong kalagayan ng pagtanda ni Mamang na ipinararamdam sa kaibahan ng pag-iilaw na maaaring tingnang kalabisan ng iba kaya’t nahuhulaan pero mas pipiliing yakapin bilang kalakasan upang maisalaysay ang panibagong pagtingin sa inaakala nating pagkasira ni Mamang.
Kaparis ng daloy ng pagkaunawa ng pangunahing tauhan sa mga nangyayari sa kaniya, nagiging bahagi tayo sa pagkilala sa kasaysayan ni Mamang na unti-unting nagkakaroon ng kabuluhan sa pagtatangkang bigyan ito ng mga paliwanag na kapani-paniwala. Anong nangyayari kay Mamang? Bakit siya nagkakaganito? Pero hindi ba’t patas ding tingnan na nakapanghihikayat silipin ang pagtanda ni Mamang bilang iba pang uri ng pagsasadaigdig kung aangkingin ang pananaw ng isang matanda. Sa pelikula ang unti-unting pagkahulog ni Mamang ay pagbabalik ng nakaraan bilang pagdanas sa kaniyang kasalukuyan, hindi man ito katanggap-tanggap sa ibang hindi matatanda dahil sa kawalan ng lohika ng pagkilala sa mga partikular na buhay ng pagtanda o sa pangangailangang sugpuin pa nga dala na rin ng matinding medikalisasyon ng pagtanda sa kasalukuyan. (Posible ito sa kondisyon ni Mamang pero mas nagiging posible ang tindi ng katotohanang nararanasan sa pelikula lalo’t nakikita’t naririnig). Maaaring tanawin ang pagtanda ni Mamang bilang trahedyang nagdudulot ng muling pagkabata sa isang nawaglit na panahon ng kaniyang mga naging pag-ibig pero dapat ding pagkatandaan na nagaganap ang lahat ng mga ito sa panahon ng trahedya ng panibagong pagkawala ng kaniyang malapit na nakaraan. Nagpapatuloy ang buhay sa alanganing panganganak ng mga bumibisitang tauhan na nagbibigay-katuparan sa kahilingang paulit-ulit maririnig sa awiting alay kay Santa Clara. Para man ito sa mabuting panahon o sa pinapangarap na pagdadalantao, sa pelikula isa itong kahilingang naisasakatuparan sa kaniyang unti-unting pagtanda bilang muling panganganak. Hindi ito alaalang bumabalik-balik (na nagmumula sa kaniyang kaloob-looban) dahil umiiral sa kaniyang paningin (at sa ating paningin, kaya’t nanggagaling sa labas). Dahil sa ganitong imahinasyon ng direktor, naipoposisyon tayong paniwalaan ang nakikita ni Mamang at hindi lamang ituring ang mga kaganapan bilang bahagi ng kaniyang lumalalang kondisyon. Ang sirain ang kaniyang daigdig sa pagkakaalam ng mga tunay na pangyayari sa mariing pagpapaalala ni Ines (Peewee O’Hara) sa pagtatapos ng pelikula ay pagkasira naman talaga ng daigdig na sa una pa lamang ay naituro nang mahirap tanggapin. Pinagigising siya sa katotohanang hindi naman totoo para sa kaniya. Pinadadaan sa pagdadalamhating itinuturing nating suliranin. Sa huli, kung ganito rin lamang ang pagtanda, walang ibang buhay na pipiliin kundi ang makapiling ang anak sa kabila. Mahihimlay siyang wala na ang kinayamutang pagtanda sapagkat haharapin itong handang-handa na.
Lalim (Screengrab from Mamang‘s screener)
Masalimuot ang pagbabalik ng noon dahil hindi man nagkakasama ang malapit at malayong nakaraan ni Mamang, malaki pa rin ang nababago kung paano ituturing ang talastasan ng malayo sa malapit. Ibig sabihin, maaaring maiba ang interpretasyon sa nakaraan sa magkaibang panahon kaya’t napapapayag na tanggaping makabuluhan ang daigdig ng kasalukuyan ni Mamang. Kapansin-pansin dito, bagama’t hindi talaga nagsasanib, ang patuloy pa ring paninigurado ni Ferdie sa kalagayang nararanasan ni Mamang, ang kaniyang pangungunsinti, na kahit na may sariling suliraning pinagdadaanan ay nakakapagbahagi pa rin ng kinakailangang gabay sa ina. Ang anak ay nagiging ina sa inang nagiging anak. Sa kaniyang malayong nakaraan ay wala si Ferdie pero sa panibagong nakaraan na nasasaksihan niya nakaaagapay muli itong umiiral sa kabila ng hindi pag-iral. Kahit sa pagkawala ng anak nagiging kapiling pa rin ito sa pagpasok sa panibago na namang yugto sa pagtanda. Pero hindi lang niya nakakasalamuha ang anak kundi nakapag-iiwan pa ng mga nakatutuwang pagsaling ng alanganing buhay sa pagsagupa niya sa muling pagsasalaysay sa nakaraan. Kahit pa nakapagdadala ng suliranina ang mga lalaking nakakapiling niya, nakapagdudulot pa rin ito ng pakiramdam na mahaba pa rin ang kaniyang buhok na maaaring hindi niya maramdaman kung wala si Ferdie sa kaniyang tabi. Sa ganitong salimuot ng usapan ng alangang buhay sa pagtanda nakapagbubukas ng posibilidad ang pelikulang Mamang ng isang pagtandang hinding-hinding paurong. Buong pusong tinatanggap ni Mamang si Ferdie, sa hindi pagkilala ng kaniyang ama, sa “eskandalong” naganap sa trabaho kaya’t nagawang umalis, at sa pag-ibig na hindi nasuklian mula kay Albert. Nariyan na sa kaniya ang lakas ng loob ng anak sa suliraning binibitbit ng mga pagbisita ng nakaraan sa kaniyang panibagong buhay bilang matandang babaeng bakla na nagkakaroon na ng kapansanan sa pag-iisip.
Hindi dapat kaligtaang nakapag-ambag sa paghulma kay Mamang ang mamarkahang pagganap ng isang Celeste Legaspi, lalo na sa larawan ng matagumpay na pagtandang nakakamit sa kasalukuyan, na nakakikilalang tumimbang, dahil marahil pamilyar, sa mga paggalaw ng katawan na kailangang pagdaanan ni Mamang sa panahon ng kaniyang pagtanda. Madaling sabihing nagagampanan niyang mabuti ang papel dahil sa edad pero mahirap din namang isiping magagawa ito ng lahat ng may edad nang artista na matatagpuang bumabalik muli sa eksena sa kasalukuyan. Lalo na sa kalakaran ng industriyang hindi pa rin naman tumatanda sa kabila ng mga mapangaraping deklarasyon ng bagong edad ng pamemelikula sa pagtatanghal ng mga bago’t batang manlilikha, maitatanong kung anong uri ng produksiyon ang naghihintay sa matatandang tumanda na rin naman sa pelikula? Bagama’t maaaring inaangking tagumpay sa pagpapaksa at pagbibida ang matanda sa harap ng mga malawakang sirkulasyon ng mga sari-saring pagpapabata, mananatiling malaking katanungan pa rin kung paano ginagawang suliranin ang katandaan upang maisiwalat ang ikinukubling panggugulang sa edad. Masayang malungkot, kaya’t matapang, na hinarap ang suliraning ito sa Mamang na maaaring makaligtaan kaya nga’t kailangang markahan.