Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Hagod at Lapit: Danas ng Lugar sa at ng Sa Palad ng Dantaong Kulang (Jewel Maranan, 2017)

$
0
0

Emerald Flaviano

‘Pagkat ‘di ba ang panahon ay may muwang
At ang lahat ng naglalakbay sa isang panahon
Ay nilalakbay rin
Ng panahong iyon?

Binubuksan ni Jewel Maranan ang Sa Palad ng Dantaong Kulang ng mga linyang ito, bumubuod sa kanyang dokumentaryo tungkol sa Parola, Tondo at sa mga taong namumuhay dito—lugar na laging nagbabago, binabago. Nilalantad ni Maranan ang stasis sa Parola sa mga buhay nina Anne, Eddie, Akira, at Paning, mga residente ng Parola, upang tuligsain ang binabanderang kaunlaran ng gobyerno sa pagbubukas sa mga malalaking negosyo ng pag-develop sa lupa malapit sa Manila North Harbor. Walang puwang ang kaunlarang ito para sa tulad nilang mga nakatira sa Parola, sa kabila ng walang katapusang palitan ng materyal at kapital sa pier. Samantala, pinababagsak at itinatayong muli ang mga tahanan sa Parola sa walang hanggang siklo ng pakikipagtunggali ng mga taga-doon para sa karapatang magkaroon ng maayos na pamumuhay sa isang banda at ng mga kumpanyang Pilipino at banyaga at ng estado sa pagkamal ng mas lalo pang malaking kita, sa kabila.

Apat na taga-Parola ang nilalakbay ng pagbabago: sila Anne, Akira, Eddie, at Paning. Si Anne ay babaeng buntis na malapit na sa kanyang kabuwanan, may dalawa pang maliliit na anak at kinakasamang batugan. Si Akira, batang nagtatrabaho sa ulingan habang nag-aaral, ay kasama ng kanyang lola at mga ate, mga tindera ng prutas at gulay, sa pagtataguyod ng kanilang pamilya. Stevedore naman sa pier si Eddie. Sa apat, siya ang may pinaka-kumportableng pamumuhay—may TV at washing machine, kongkreto at ligtas sa demolisyon ang bahay ng pamilya ni Eddie. Si Paning, may-ari ng isang sari-sari store, ay midwife ni Anne. Isa siya sa mga pinaka-aktibo sa mga residente sa pagtalakay sa nalalapit na demolisyon ng mga bahay ng mga nasunugang residente ng Parola, at sa kanilang napipintong relokasyon sa Trece Martires, Cavite. Ang kwento ng bawat isa ang nagsisilbing coordinates na nagmamarka ng Parola, na kanilang tahanan. Pinakamalapit ang tahanan ng pamilya ni Anne sa tubig ng Manila Bay, at sa mga butas at siwang ng kanilang tagpi-tagping dingding mapapanood ang maghapong eksena sa pier. Sa gabi, malamlam ang mga ilaw na sinasalamin ng tubig. Sa minsang pagsilip ng buwan sa itim na langit upang makisalo sa malayong liwanag ng daungan, parang isang mahiwagang siyudad ang maaaninag mula sa madilim na tahanan nila Anne. Mula naman sa bintana at bukas na pintuan ng bahay nila Akira, masusulyapan ang mga kapitbahay na tulak ang sako-sakong mga kalakal sa kalsadang magkahalo ang putik at basura. Malapit sa ulingang pinagtatrabahuhan ng bata, may dilaw na bulldozer na humahalukay sa lupa at mangilan-ngilang kubo na nakatayo sa paligid, sa itim na putik. Dinadala naman ni Paning ang manonood sa looban ng Parola, sa paghahanda para sa demolisyon at relokasyon: sa loob ng mga bahay, ang “10m” na ispinray-paint sa pula; ang paroo’t parito ang mga container van na tanaw mula sa bintana ng opisina kung saan pinulong ang mga apektado ng demolisyon; mga mukha sa umpukan.

SPNDK 3
Si Anne at ang gasera. (Still photo ng Sa Palad ng Dantaong Kulang)

Sinasalamuot ng Sa Palad ang paggamit ng lugar bilang taga-dikta ng narrative action. Ipinapalagay ng maraming kritiko ng pelikulang Pilipino—partikular na iyong mga indie na pelikulang may estilong neorealist o iyong mga sumusunod sa “found-story” paradigm ng manunulat na si Armando Lao* (hal. mga gawa ni Brillante Mendoza)—na ang pagpokus sa lugar ay nauuwi sa hindi malalimang pagsusuri sa karakter. Sa kalakhan ng mga pelikulang ito, na kadalasa’y naka-set sa mahihirap na mga lugar—masikip, marumi, magulo, maingay, at maraming tao—ang pisikal na katangian ng lugar ang nagdidikta sa paggalaw ng kamera. Magalawgaw ang tutok nito sa pagsabay sa tila walang prenong paroo’t parito ng mga sinusundang karakter. Hindi masinsin ang pagtingin sa mga tao sa kwento—sa kanilang mga iniisip, mga dinadamdam, mga pagpapahalaga—sa pagsunod sa kanilang pang-araw-araw na gawain, na kumukumpirma lamang sa popular na pagtingin. Sa ganang ito kakatuwa ang Sa Palad na nagbubukas ng bagong paglalantad ng lugar at ng mga taong nananahan dito. Nilalabanan ng kamera ang malikot na akit ng eskinita—espasyong exoticized na nga sa neorealist na pelikula—para pumirme at kunan ang mga mababagal na sandali sa takbo ng magdamag. Maaaring may matuklasan pa: hindi lang sa kung ano sa tingin natin ang makikita, maririnig, at maaamoy (masikip, marumi, magulo, maingay, maraming tao), kundi higit pa.

SPNDK 1
Ang langit at ang Manila North Harbor. (Still photo ng Sa Palad ng Dantaong Kulang)

Ang Tundo man may langit din;** kailangan lang tingalain, pero lagi namang andiyan—malawak at banayad, minsan pambihira. Sa loob ng mga asul na pader ng tahanan ni Eddie, ang mga eksena ng paghinto’t pamamahinga ng kargador mula sa walang prenong paggawa sa daungan: ang pagsasalo ng mag-anak sa pagkain at palabas sa TV, ang mahimbing na pagtulog kasama ng mga antuking alaga, na sinasabayan ng pamilyar na tunog ng tumatakbong washing machine at mga anak na nag-aaway. Tuwing sasapit ang gabi, ang tahanan nila Anne ay pinaliliit lalo ng matipid na liwanag ng gasera, habang sa labas, ugong ng makinarya at pagdampi ng bakal sa bakal ang nakikipag-usap sa huni ng mga kuliglig. Walang tahasang palitan sa pagitan ni Maranan at ng mga subject niya at, pwera na lang sa diskusyunang nilalahukan ni Paning, matipid din ang mga pag-uusap na hinahayaang makunan ng kamera. Pero ang paglalantad ng espasyong kanilang ini-inhabit ay pagsilip din—panandalian at bahagya, nang walang pag-aari o pag-aangkop—sa daloy ng mga buhay na hindi naman gaanong kaiba sa atin.

SPNDK 2
Pahinga ni Eddie. (Still photo ng Sa Palad ng Dantaong Kulang)

Kapansin-pansin ang pagmamarka ni Maranan ng mga bukana at lagusan, na humahanggan sa pang-araw-araw na daloy ng buhay ng mga taga-Parola. Pagkukulong ng espasyo at paggalaw ang maaaring basa dito, na sumasalamin din sa sitwasyon ng komunidad: hindi natatapos ang siklo ng pagwasak at pagtatayong muli ng mga tahanang giniba ng maso at bagyo, walang kuryente at tubig para sa lahat. Habang patuloy ang pagbuhos ng bilyon bilyong piso ng mga pribadong kumpanya para sa rehabilitasyon at modernisasyon ng kalapit na Manila North Harbor, ibabagsak na parang basura ang mga taga-Parola sa lugar na walang kasiguruhan ang trabaho, ang pag-aaral ng kanilang mga anak, at ang kanilang mga pangangailangang medikal. Ang kabuhayan ay nandiyan lang; sipag, tiyaga, at diskarte lang ang kailangang puhunan, ang mayabang na tugon ng taga-National Housing Authority sa tanong ni Paning tungkol sa aabutang kabuhayan sa relocation site. Ikinukubli sa pansesermong ito ang pagsasawalang bahala ng gobyerno sa mga taong nagkakaroon lang ng silbi tuwing may eleksyon at ang pagkiling sa neoliberal na pag-iisip na nagtataguyod sa mas masidhi pang pagkamal ng supertubo ng mga pribadong interes.

Kinukulong ang Parola ng mga matataas na pader na pininturahang puti at humahalik sa likod ng mga bahay sa loob. Mula sa Manila International Container Terminal South Access Road, mapapasok lang ang komunidad gamit ang mga tarangkahan kada zone. Bukod at kubli ang loob ng Parola, pero sagana ang pagsasalarawan dito sa popular na media. Kung hindi sunog—na halos taon-taon kung mangyari—ay mga rambulan at patayan ang laman ng balita, habang gutom, kahirapan, at kawalan ng seguridad sa tahanan ang mga kahiligang paksain ng mga dokumentarista ng malalaking TV channels. Sa paulit-ulit, sinususugan na lang ang nakasanayang paglalarawang ito. At dahil paulit-ulit lang, at nagiging bahagi ng araw-araw, hindi na pansinin. Binibigyan ng Sa Palad ng bagong paglalantad ang Parola—at iba pang mga mahihirap na komunidad sa Tondo—na mas lalong nagpalapit sa tinitingnan at tumitingin. Ang pagtinging ito ay walang layuning kontrolin ang tinitingnan, bagkus ay nagdadaop ng magkaibang katawan sa isang munting sandali ng pag-unawa sa isa’t isa, na siyang panghihikayat din ng saglit na paglulugar ng sarili sa katayuan ng kapwa. Sa pagpaikot ng kanyang paggawa sa notion ng pagpapatuloy,*** binubuksan ni Maranan ang posibilidad ng pakiki-damay sa buhay ng iba: sa Sa Palad at Tundong Magiliw, nilalampasan ang mga hangganan ng screen at ng frame upang igpawan ang pagdidistansya ng pagtingin. Ang pagdanas ng araw-araw nila Anne, Akira, Eddie, Paning, at Virgie ay tunay na pagtatangka sa pakikipagkapwa, at daan patungong pagkilos.


*Baumgärtel, Tilman. 2012. “An inexpensive film should start with an inexpensive story: Interview with Brillante Mendoza and Armando Bing Lao.” In Southeast Asian Independent Cinema edited by Tilman Baumgärtel, pp. 155-170. Hong Kong University Press.

**Pasubali kay Andres Cristobal Cruz.

***Isang “nagpapatuloy na dokumentaryo” ang naunang dokumentaryong Tundong Magiliw, habang Cinema is Incomplete naman ang pangalan ng proyekto ni Maranan.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles