Christian Jil R. Benitez
Ang pulo ay sityo ng pagkakataon: sapagkat habang ang pulo ang lupang naliligiran ng tubig, ito rin ang kasaganahan ng kasampuan. Sa ganang ito rin, ang pulo ay sityo ng tunggalian: sapagkat masagana nga ang pulo, malimit itong nasa hinagap ng pagpasok at binggit ng pananakop ng tagalabas. Kung kaya malimit na isinasaalamat ang pulo sa pinilakang-tabing mula sa posisyon ng labas papaloob sa pulo, isang direksiyunalidad na isa ring paghuhugpong sa mga makasaysayang pagtatagpo ng temperado at tropiko, moderno at tradisyunal, kung saan malimit na ipinapalabas ang huli bilang napapaamo, kung hindi man ganap na nasusupil, ng una. Sa ganitong paraan malimit na isinasalaysay ng pelikulang pulo ang pagiging kolonya ng sityong ito.
Ngunit sapagkat ang pulo nga ay ang pulo, na hindi lamang lupang naliligiran ng tubig na natutunang mapaglalangan ng imperyo, kung hindi maging ang kasaganahan din ng kasampuan nito, nararapat lamang din na ang pelikulang pulo ay maging palabas din sa kakayanan ng nasabing sityo sa pagtanggi sa labas. Sa ganitong pagkakataon, naidiriin ng pulo ang sarili nito—hindi sa karamihan ng mga ito alinsunod sa kartograpikong palagay ng arkipelago, kundi sa pagiging pulo nga ng pulo: kapuluan.
Ipinapalabas ng Baconaua ang kapuluan ng Marinduque alinsunod sa pagkakataon ng alamat at kasaysayan. Kritikal na simula nito ang pasya ni Divina (Elora Españo) na ideklara na sa wakas ang pagpanaw ng kanyang ama: matapos ang humigit-kumulang tatlong buwan ng paghihintay para sa pagbalik nito mula sa laot, napilitan ang panganay na pakahulugan ang hindi pagbalik ng labi nito bilang ganap na ngang pagkawala nito, upang sa gayon ay matustusan ng makukuha nilang ayuda ang pangangailangan nilang naulilang magkakapatid.
Screengrab from Baconaua‘s screener.
Kasabay sa materyal na pangangailangang ito ng magkakapatid ay ang maalamat, sapagkat napangangatwiranan sa kanilang pulo ang pagkawala ng mga mangingisda sa laot bilang kagagawan ng bakunawa, ang dambuhalang malaahas na sinasabing kumakain ng buwan at araw, na nagdudulot ng lahò. Pagpapasidhi sa maalamat na katwirang ito nang isang umaga, nataunan ng magkakapatid ang pagpula ng dagat: lumulutang-lutang ang ilampung ilampung mga mansanas, na hindi mawari kung saan nagmula. Gayunpaman, nakatitiyak ang maalamat na katwiran ng pulo: ano pa nga ba ang mga mansanas kung hindi isang pangitain.
Matalino ang Baconaua sapagkat tumatanggi ito mula sa pagkahulog sa peligro ng mistipikasyon ng sityo ng pulo. Sapagkat bagaman mahiwaga ang unang maaaring pag-unawa sa kasaganahan ng mansanas sa dalampasigan, agaran ding iginigiya ang pelikula sa tiyak na kasaysayan: ang mga lumulutang na mansanas ay hindi lamang mansanas, kung hindi ang kontemporanyong mansanas, taglay ang tandang tatak bilang produkto—at kung gayon, hindi lamang basta likas o maalamat, kung hindi makamundo rin, sapagkat matalik sa makinaryang kapital. Hindi kung gayon nakapagtataka na ang unang isip ng magkakapatid, sa pagkakita ng mga ito, ay sa praktikalidad: sapagkat maaari nilang maihanda ang mga ito sa pagdaraos ng pamamaalam sa kanilang pumanaw na ama, agad silang namulot ng mga tubig-alat na mansanas.
Sa ganitong pagpapaalala sa pagiging makamundo rin ng pulo lumalalim ang pelikula, sapagkat idiniriin nito ang sari-sariling buhay ng mga taga-pulo, alinsabay sa mga pangyayaring panlabas at pangkolektibo. Nasa pagitan ng lahat ang tatlong naulilang magkakapatid, na sapagkat sumasapit nang lahat sa paglalabintaon ay nagsasapulo bilang mga kani-kanilang tao, nakararanas ng kanya-kanyang tunggalian at pagkakataon: si Divina, na biglang kinailangang maging magulang para sa mga naulilang kapatid; si Dian (Therese Malvar), na nagsisimulang makilala ang kanyang sariling katawan, sa kanyang pakikitipan sa dating kasintahan ng kanyang ate; at si Dino (JM Salvado), na sa kanyang pagtanggi sa naging pagtanggap na lamang ng kanyang mga nakatatandang kapatid na pumanaw na nga ang kanilang ama ay pinipiling maglagalag na lamang maghapon sa pulo.
Screengrab from Baconaua‘s screener.
Bagaman mistulang kani-kanilang pulo ng mga salaysay na ito, isinasaalamat ang mga ito ng pelikula, sa paglalapat ng lahat sa iisang banghay. Sa paglalagalag ni Dino sa dalampasigan, natagpuan niya ang isang sugatang banyaga; kasabay nito, sa ibang bahagi ng pulo, pinaghahanap ng mga patrolyang militar ang isang tagalabas na hinihilang nagmula sa isang tumaob na barko. At bagaman nagtagpo ang bata at ang pangkat na patrolya sa pusod na kagubatan ng pulo, nagawang maitago ng una ang kinaibigang tagalabas sa kamalig, pinakain ito at sinubukang bigyang-lunas.
Ang pagkaparoon ng tagalabas na tumutunggali sa kalooban ng pulo ang nagsasakasaysayan sa maalamat: sapagkat ang mga lumulutang na mansanas ay hindi lamang produktong mansanas, kung hindi mga mansanas na pinagsisidlan ng narkotiko. Ang kababalaghan kung gayon ng pulang dagat ay napasisidhi, sapagkat hindi na lamang ito naipalalabas alinsunod sa salaysay ng maalamat na pag-unawa, kung hindi maging ng makasaysayang katwiran—na maaari lamang maging isang metonimiya para sa kontemporanyong kapuluang Pilipinas.
Sapagkat kung paaanong inuunawa ng pulo ng pelikula ang pagkaanod ng mga mansanas sa dalampasigan nito bilang pangitain, sa ganitong paraan din maaaring madalumat ang kritikalidad ng Baconaua bilang kontemporanyong pelikula: isang pagpapakitang pagsusuri din sa kasalukuyang suliranin ng imperyal na pamumuno.
Screengrab from Baconaua‘s screener.
Ngunit sapagkat matalisik sa nasabing pagsusuri ang pelikula, tumatanggi ito sa pagsasapayak sa metonimiya ng pulo ng pelikula at daigdig ng manonood: hindi lamang nito nilalalang ang maalamat na bakunawa sa pelikula bilang sisidlan ng kaisipang pangkasaysayan para sa palabas para sa tagalabas na manonood. Sapagkat sa huli, idiniriin ng pelikula ang pagiging hindi matitiyak ng tunggalian sa pagitan ng alamat at ng kasaysayan: bagaman isinalin ng pelikula ang maalamat na palaisipan bilang makasaysayang suliranin ng kontemporanyo, bumabaling pa rin ang palabas sa maalamat na pag-unawa: sa kabila ng paniniwalang magiging tugon na sana sa mga suliraning materyal nilang magkakapatid ang mga naipon niyan mula sa mga mansanas, isinauli ang lahat ng mga ito ni Divina sa karagatan, bilang pagpapaumanhin na rin sa hiwaga nitong maaari, o maaaring hindi, na may kinalaman sa kinahinatnan nilang magkakapatid.
Ang hindi katiyakang ito, sa sampulong bisa ng pelikula, ang maaaring magtulak sa palaisipan palabas ng pulo ng Baconaua tungong kontemporanyong mundo sa kung paano ito nakikilala sa kasalukuyan: ano nga ba ang mga nangyayaring ito (at nangyayaring ito sa atin), at bakit? Sa isang kritikal na sandali, nagiging matalik ang pulo ng palabas at ang pulo ng pinalalabasang sinehan, na makapagdadalumat kung bakit asul ang kulay ng mabagal na pinilakang-tabing: sapagkat nasa iisang pulo lamang pala ang pinanonood at ang manonood, at sa kapuluang ito, kapwa sila naliligiran ng tubig, kung hindi pa man sumisisid na sa pinakapusod ng karagatang maalamat at makasaysayan. Sapagkat sa sampulong gana nito, ang Baconaua ay isang pelikula ng pulo, na hindi lamang sityo ng tunggalian, kung hindi sa kapuluan pa’y ng pagkakataon.