Eli R. Guieb III
Minsan, ang pamamaalam ay isang pagdating. At ang mga pagdating, kadalasan ay mga pamamaalam. At magkahalong panghihinayang at pag-asa ang binubuhay, pilit na binubuhay, sa mga masikip na oras na sinisikap pagkasyahin sa pagitan ng mga payapang pagtatagpo at paglisan, sa tahimik na pagtalunton sa diwa at unawa. Ito ang buod ng komplexidad ng mga naglalagalag na damdaming pinilit himayin ng matalinong pelikulang Minsan Pa ni Jeffrey Jeturian sa panulat ni Armando Lao.
Kung tutuusin ay hindi naman kakaiba ang kuwento ng pelikula, subalit kakaiba at malalim ang paghawak ng direktor at iskripwriter sa mga emosyon ng mga tauhan, maging sa emosyon ng mga kontextualisadong visualidad ng kondisyong material ng mga tauhan sa isang tiyak na panahon at lugar ng mga pagtatagpo at pamamaalam. Pinagsanib, pinagtunggali at kalaunan ay pinaghiwalay ng pelikula ang samu’t saring pinagdaraanang emosyong personal ng mga ordinaryong mamamayang umiinog ang buhay sa sentralidad ng Cebu bilang isang siyudad na umaagapay sa mga nagbabagong hugis ng globalisadong urbanidad. Sa pagitan ng humanidad ng mga koneksyong pantao at ng deshumanidad ng mga koneksyong binubuo ng globalisadong kapital ay ipinahiwatig ng pelikula, sa isang napakapayapang pamamaraan, ang nagsasalimbayang koneksyon at diskoneksyon ng mga sarili at mga kolektibong sariling nabubuhay sa higop ng mekanikal na urbanisasyon, kasabay ang pagtalunton ng mga indibidwal sa mga hinahanap na espasyo ng sarili.

Ara Mina at Jomari Yllana sa Minsan Pa (2004)
Walang pagtatangkang maging lantarang pulitikal ang Minsan Pa, pero sapól ng pelikula ang dimensyong kultural ng mga binabagong ugnayang pantao na umuusbong sa isang sitwasyong ang mga tinaguriang kalakarang global ay nanunuot sa mga kondisyong lokal, at kung paanong ang hulí (kondisyong lokal) ay umaagapay o di-kaya’y tumatalilis, minsan ay umiigpaw, sa una (kalakarang global). Bagamat may tendensyang maging palaiwás ang pagtalakay ng Minsan Pa sa mga sanhing pulitikal ng mga ganitong pagbabago sa lipunan ay masinop naman nitong napanghawakan ang makinis nitong paghimay sa mga magkakapatong na subtextong kultural kung saan ang mga pamamaalam at pagdating, kadalasan, ay bunga hindi lamang ng mga personal na paglalakabay ng mga damdamin kundi ng mga puwersang pulitiko-kultural na nakakawing pa rin sa mga indibidwal na sarili.
Namumukod-tangi ang paggamit ng pelikula sa mga imahe ng mata ng tao at lente ng kamera bilang mga suhestyon sa pagbibigay-visyon sa mga posibilidad ng iba’t ibang hugis ng relasyong personal at iba’t ibang anyo ng ugnayang panlipunan, maging sa mga probabilidad ng paglaho ng mga koneksyon at visyong ito. Sa pelikula, ang turismo, halimbawa, ay isang anyo ng voyeurismo o pamboboso, isang paraan ng pagkalakal sa kahirapan ng mga Filipino, at tusong palengke sa pambubugaw ng mga naghihingalong pangako sa mga inaakalang katuparan ng mga pangarap. Sa mga kondisyong ito ay inilarawan ng pelikula ang magkakakawing na deshumanidad at humanidad ng mga tauhan, lugar at panahon (e.g., ang lente ng kamera na kumukupkop sa mga paít at saya ng nakaraan subalit parang multong nanunudyo sa pagpapadaloy ng kasalukuyan; ang naglahong paningin ng mata kasabay ng pagdilim ng tutunguhing relasyon). Tinipon at isinubi ng maraming indibidwal sa lente ng kani-kanilang mga personal na gunita ang kimkim-kimkim na maliliit na kuwento ng ordinaryong pamumuhay, na sa pagdaloy ng pelikula ay nagpapakapal sa textura ng karimlan at panlulupaypay ng visyong panlipunan ng pagkabansang Filipino.
Ang pag-apuhap ng pag-asa buhat sa nakaraan, ang pagbubuo ng mga pangarap tungo sa kung anuman ang maaaring harapin sa bukas, ang pagpapatibay ng bukas sa pamamagitan ng pagharap sa mga hamon ng ngayon, ang pagbibigay-buhay sa mga naglalahong visyon ng pag-ibig at pamumuhay bilang mga marangal na tao, ang pagsaliksik at pagsagip sa mga lumubog na pangarap, ang mga internal na paglalakbay sa sarili na hindi kumakaligta sa nakaugnay na mga paglalakbay sa labas ng sarili: sa lahat ng ito, ang mga pamamaalam at pagdating ay hindi laging pamamaalam at pagdating; ang mga pagdating ay nagiging pamamaalam at ang mga pamamaalam ay naghuhigis pagdating.
Maihahanay ang Minsan Pa sa iilang matinong pelikulang Filipino na pumapaksa sa tema ng mga nagbabagong ugnayang personal na nakapaloob sa mga empirikal na kondisyong material ng natatarantang lipunan. Ipinagpapatuloy ng Minsan Pa ang mga pagsisikap ng mga nauna nang pelikulang kinakitaan ng katulad na estilo ng paglalahad at pagdalumat. Ilang halimbawa ay ang Soltero ni Pio de Castro, Kung Mangarap Ka’t Magising ni Mike de Leon, at Ikaw ay Akin ni Ishmael Bernal. Sa mga pelikulang tulad ng Minsan Pa at ng mga kahawig na pelikulang nauna rito, nabibigyan ng katarungan ang pagtalakay at explorasyon sa komplexidad ng magkasalikop na mga personal na paggalugad sa katuturan ng sarili at kolektibong pamumuhay, bagamat kadalasan ay watak-watak na pamumuhay, ng mga Filipino na pilit na umuukit ng makataong pakikipagkapwa sa gitna ng kontemporaneong deshumanisasyon ng ugnayang pantao.
At bihira lamang, minsanan lamang kung tutuusin, ang bilang ng mga pelikulang Filipinong matinong humaharap sa ganitong hamon. Isa rito ang Minsan Pa.
