Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Matalik na Kasaysayan

$
0
0

Aristotle J. Atienza

Sisimulan ng Balikbayan # 1 Memories of Overdevelopment Redux III ni Kidlat Tahimik ang  pelikula sa mga nadiskubreng rolyo ng pelikula sa isang palayan sa Ifugao.  Sa pagbubukas ng pelikula sa natagpuang pinuputik na mga rolyo, ipinapakita sa atin ang mga pagbabagong maaaring mangyari sa kung ano ang posibleng nilalaman ng mga natagpuang pelikula.  Ang nawala at/o itinagong nakaraan, na sa ngayon ay naririyan.  Ano ngayon ang naghihintay sa hinaharap?  Makapangyarihan ang imahe ng naisalbang rolyo sa burak ng mga hagdan-hagdang bukirin upang tawagan ng pansin ang gawain ng kasaysayan.  Hindi tulad ng mga natatagpuan sa aklatan, patag at  malinis, kailangang ingatan, ang artsibo ng mga pelikulang nahukay mula sa payew ay marumi at magaspang.  Ang mahawakan itong pinuputik ay nagpapakita kung paano maaaring damhin at danasin ang kasaysayan.

Sasariwain ng pelikula ni Tahimik ang kasaysayan sa tatlong panahon at espasyo: ang buhay at pakikipagsapalaran ni Enrique (Kidlat Tahimik) kasama ang among si Ferdinand Magellan (George Steinberg) sa barko at sa Europa; ang paghahanap ni Enrique (Kawayan De Guia), isang pintor sa kapatagan, kay Ferdinando (Kidlat Tahimik), isang iskultor sa kabundukan; at, ang pagsasalaysay mismo ni Kidlat Tahimik na hindi natin pisikal na nakikita dahil siyang lumilikha mismo sa pelikula.  Kagaya ng gunita, umuusad nang nagsasalimbayan ang dalawang naunang pagsasalaysay sa ikatlo, ang pelikula, ang nakaraan sa kasalukuyan at sa hinaharap.

Sa pagsulat ng kasaysayan gamit ang pelikula ni Tahimik, muli niya itong binabago, hindi sa paraang tatanggapin itong katotohanan bilang pamalit sa problematikong nakaraan.  Ang gumagana sa nakatutuwang pagsasalaysay niya ng paglalakbay ni Enrique bilang alipin ni Magellan na siyang unang nakalibot ng mundo ay ang dekolonisasyon ng pag-iisip, ang pag-aangkin sa pananaw ng pagsasadaigdig ng kolonyalistang panulat.  Umaangkop sa proseso ng pagbabalik-loob ang kuwento ng paglalakbay dahil nailulugar sa mga sitwasyong pinili ng manlilikha na hinahango na mula sa alaala ng pagkabansa at pagkamamamayan.  Naipagtatapat ng paglalakbay ni Enrique (Tahimik) ang paglalakbay ng isa pang Enrique (De Guia), at habang hinahanap si Ferdinando ay nakasasalubong (at nababago) ng sari-saring tao.  Ang pagbabalik sa kasaysayan ay pangkasalukuyan dahil wala nang paraan upang bumalik sa nakaraan kundi ang nasa harapan.

Litaw na litaw sa pelikula ang tinatanggap na imposibilidad ng paghuli sa kung ano nga ba ang nangyari noon, kaya nga’t nagagawang pagtawanan, pero hindi ito kailanman naging sagabal sa pag-unawa ng pelikula sa nakaraan, dala-dala ang mga kasangkapan ng kasalukuyang dumanas na ng pisikal at epistemikong karahasan.  Sa madaling salita, sa pagkuwestiyon ng pelikula sa kasaysayan hindi nito hangaring balikan pa ang pagiging natibo lalo pa nga’t naganap ito nang hindi na lamang sa pagtatagpo kundi sa pagniniig pa ng pagkakaiba ng mga lahi.  Kaya’t nang kilalanin si Enrique bilang unang balikbayan, halimbawa, tinatawagan nito ng pansin ang kasaysayan ng kasalukuyang paglalakbay ng mga mamamayang lumalabas at bumalik ng bansa sa paghahanap ng kaginhawahan.  Sa kaniyang pagbabalik bilang malayang mamamayan (ng daigdig), isusulat ni Enrique ang kaniyang naranasan, hindi tulad ni Pigafetta, bilang lilok, bilang bagay na bagama’t nakikita dahil nasa papel, ay hindi naman daglian ang pagpaparamdam.  At kay Tahimik, susulatin niya ang kasaysayan sa anyo ng pelikula.

vlcsnap-2016-09-13-08h43m53s68

“On the day of my death, my slave, Enrique de Mallaca, shall be a free man.” basa ni Ferdinand Magellan sa kaniyang huling testamento. (kuha mula sa screener ng Balikbayan # 1 Memories of Overdevelopment Redux III)

Binibigyan ng pelikula si Tahimik ng pahintulot na halukayin ang lawak ng balon ng katutubong karanasan upang muling ilagay sa imahinasyon ang kasaysayan nang hindi tulad sa mga libro.  Ang kasaysayan sa pelikula ay hindi para maging Kasaysayan na kakabisaduhing atin hanggang maging natural.  Dahil sa transformasyon ng kasaysayan sa anyo ng pelikula, itong teknolohiya na hindi na rin naman bago para kay Tahimik, ipinapaalalang muli sa modernong teknolohiyang isinaatin ang paniniwala sa pelikula, ang paglakbayin tayo’t hindi sa iba pang dako ng daigdig, lalo na’t matapos ang halos isang daang taon simula nang magsimulang manalig sa kapangyarihang ito.

Madaling alalahanin sa Balikbayan # 1 ang pagkakayari nitong tila instalasyon o enkolado (collage), binuo mula sa mga nililok na tinig, awit, tula, kuwento, balita, kuha, kamera, at iba pa pero dumarating ito sa manonood bilang nagkakasunod-sunod at nagkakapatong-patong.  Hindi nagmamalinis ang lengguwahe ng kaniyang pelikula kung gayon dahil matapat kundi man mapagkumbaba ang sining ni Tahimik na nagdudulot upang mahawakan ang gaspang at kinis ng paningin.  Nakadaragdag sa paglikha ng matalik na kasaysayan ni Tahimik ang pagganap ng mga tauhang kinuha mula sa sariling bakuran.  Hindi lamang ang asawa at ang mga anak, kundi ang iba pang kapamilya’t kadugo sa daigdig ng paglikha.  May matutuhan sa produksiyong tunay na masasabing kolaboratibo, malayong-malayo sa mga reklamo’t hinaing ng kahit na maliliit na tao sa produksiyong mainstream, at sa ibang independent.  Mahalaga ang pedagohikal na aspektong ito ng pelikula lalo pa’t pili lamang ang pagpapalabas ng pelikula ni Tahimik, at sino-sino ba ang magkikita-kita sa panonood nito.

Isinusulat ng pelikulang Balikbayan # 1 Memories of Overdevelopment Redux III ni Kidlat Tahimik ang pagdanas sa/ng bagong kasaysayan.  Hindi lamang ito sineng malay sa kaniyang (sariling) kasaysayan, kundi sineng may saysay.  Kabilang ito sa ating mga kamay.

 



Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles