Quantcast
Channel: Young Critics Circle Film Desk
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Ang Hindi Nakikita

$
0
0

Aristotle J. Atienza

Maaaring maipaalala ng pelikulang Bambanti ni Zig Dulay ang iba pang sineng ibinababad ang manonood sa mga natatagpuang kuwento sa isang partikular na panahon at espasyo sa labas ng Maynila, na tila subok nang pormula ng pagpepelikula sa bahaging ito ng industriya.  Tatawagin kung minsan bilang sineng rehiyonal, tinataglay ng pelikula ang katutubong kulay, gamit hindi lamang ang katutubong tanawing ginagalawan ng mga tauhan kundi ang katutubong wika na maririnig na sinasalita rin naman nila.  Pero hindi lahat ng pelikulang kinunan sa labas ng Maynila ay masasabing rehiyonal, lalo na’t kung hindi nito pinag-aaksayahan ng panahon ang suliranin at tunggalian ng lokalidad na katatagpuan ng palabas.  Sa ganitong mga sine, karaniwang sinasaksihan ang pagkilatis sa mga paggalaw ng kapangyarihan ng mga mamamayan sa komunidad o bayan.  Kaya’t nagiging mala-etnograpiya ang mga pelikula, realismo kung ganoon ang pinapaborang pamamaraan, subalit lagi’t laging nakaabang ang panganib ng pagiging turista sa sariling bayan, o kung hindi man ang pagmamalabis sa kaibahan lalo na kung para sa labas ng bansa.  Naiwasan sa mapagmuning direksiyon ni Dulay ang mga ganitong tendensiya sa Bambanti na malinaw sa iba’t ibang pinagpapatong-patong na ugnayang inilalatag ng pelikula ang paghulagpos nito sa pagiging rehiyonal lamang dahil pambansa rin naman.

Kinunan ng pelikula ang isang bayang agrikultural sa lalawigan ng Isabela.  Instrumental ang mga kuhang tanawin hindi lamang upang mahalina sa kagandahan ng tila payapang kalikasan ng lugar kundi upang maramdaman ang tindi ng distansiya ng mga ugnayan ng bukid at bayan na kapwa tinatahak ng mga mamamayan nito.  Gayundin naman sa kaniyang pagkukuwento na nagpapaalala na hindi hiwalay ang bukid at bayan sa Baguio, Maynila, at kahit maging sa Saudi Arabia.  Sa paglalatag ng lugar ng pelikula maimamapa kung paano gumagalaw ang iba’t ibang tauhan, bitbit ang pagkatao at pagkakataong nakalakhan at posibleng mabago sa pang-araw-araw na engkuwentro ng bayan at tao sa tradisyon at modernidad.

Sa malayong kabukiran nananahan si Belyn (Alessandra de Rossi) at ang kaniyang pamilya.  Wala na ang kaniyang asawa, pinatay dahil sa sigalot sa pagtatrabaho sa bukid.  Wala pang anihan (bagama’t hindi pa rin naman ito garantiya), kaya’t bukod sa pagkuha ng mga taya sa ending ng kaniyang ina na mahina na rin ang mga tuhod, ang pangangailangan ng tahanan ay kinukuha mula sa mga relasyong binubuksan ng mga pagkakataon.  Nakadagdag sa gastusin ang papalapit na pagdiriwang ng Bambanti, isang malakihang pagdiriwang ng sayawan sa kalsada na pinangungunahan ng pamahalaaan lokal ng lalawigan, kaya’t kinailangang lakbayin ang bayan para maglabada sa pamilya nina Daniel (Julio Diaz), kapatid ng kaniyang asawa, na lubos niyang pinagpapakumbabaan dahil sa maraming tulong na ibinibigay nito sa pamilya nina Belyn lalo na sa nangyari sa kaniyang asawa.  Lalamatin ang relasyong ito sa pagkawala ng relo ni Cristy (Delphine Buencamino), ang anak nina Daniel at Martha (Shamaine Buencamino), na pagbibintangang kinuha ni Popoy (Micko Laurente), ang anak na bitbit niya nang araw na naglabada siya roon.

Bagama’t tinatahak ng pelikula ang paghahanap sa katotohanan ng pagnanakaw (hindi lamang idinala ang kaso sa barangay kundi ipinahula pa kung sino ang kumuha nito) ay naipakikita rin sa pag-usad ng pelikula kung paano hinaharap ang hiya bilang pakiramdam na nagmamapa ng mga relasyong pangkapangyarihan sa komunidad.  Nang ipinatawag ni Martha si Popoy upang kausapin kung ninakaw nga ba nito ang relo ng kaniyang anak, ipinapakita ng pelikula ang bigat ng mga ugnayan ng mga tauhan sa pagsira ng mga transaksiyon ng paggawa na humihingi ng palitan ng mga nararapat na pag-uugali.  Hindi lamang utang, kundi utang na loob.   At sa ekonomiyang ito ang pagnakaw sa relo ay pagnakaw sa mga “tapat” na ugnayang nililikha para sa “katiwasayan” ng komunidad, kaya’t kailangang maramdaman ang hiya.  At sa pagkakaalam ng katotohanan sa pagtatapos ng pelikula, paaano lulunukin ang pagkakapahiya at ang pagpapahiya?

de-rossi1

Si Alessandra de Rossi bilang Belyn, sa isa sa mahahalagang eksena sa pelikulang Bambanti (2015) ni Zig Dulay.

Kahihiyan ang mapagbintangan kaya’t sinasabing walang mukhang maihaharap ang maysala pero paanong nahaharap pa rin nina Belyn ang komunidad (na tila kumbinsidong may kinalaman nga ang mag-iina sa nangyaring pagkakasala)?  Sa isang makahulugang eksena sa pelikula, ipinatawag ng eskuwelahan ang mga magulang para sa pamimigay ng marka ng mga bata.  Pero bago ito gawin ng guro ay ipinabasa sa mga magulang ang sulat ng mga anak nila.  Mahahalatang hindi marunong magbasa si Belyn dahil ipinabasa na lamang sa guro ang isinulat ng anak.  Habang naririnig natin ang sulat, masaksihan ang unti-unting pag-iyak ni Belyn.  Sa naturang liham ni Popoy na sulat nito sa kaniyang patay nang ama, ikinukumpisal niyang hindi siya ang kumuha ng relo.  Sa susunod na eksena, aakuin ng nagdurusang ina ang kasalanang hindi niya/nila nagawa.  Kaya’t higit pa sa paghahanap ng katotohanan ng pagkuha sa relo ang naitatanghal kundi ang pakiramdam ng kahirapan.  Maaaring hindi umiiral sa pelikula ang mga nakasanayang tauhan ng tunggalian sa kanayunan subalit mararamdaman ang pag-uulit ng kasaysayan sa mga bakas ng kawalang-hustisya sa mga katulad nila: una, sa pagkakapatay sa kaniyang asawa, at ikalawa, sa pamimintang ngayon na nangyayari sa kanila.  Sino ngayon ang walang hiya?  Kung pagbabatayan ang paniniwala ng komunidad, si Belyn ito, na may mukha pang hinaharap sa kanila na lalo pang higit na naging makapangyarihan sa kalkuladong pagganap ni Alessandra de Rossi na marunong kumilala sa katipiran at kalabisan ng sariling katawan sa katahimikan at kabagalan ng komunidad na ginagalawan ng kaniyang tauhan.  Hindi nalalayo rito ang pagganap ni Micko Lurente na nagsabuhay kay Popoy na tinatawid ang enerhiya ng edad para sa karanasang hindi niya piniling puntahan.  Sa sidhi ng pagganap nilang dalawa bilang mag-ina, sa magkakahiwalay at lalong-lalo na sa magkakasamang eksena sa pelikula, lalong nagiging mas makahulugan ang mga pagtatangkang hubaran sila ng karangalan, na tangan-tangan nilang mga walang-wala sa komunidad.

Nasaan ngayon ang bambanti sa Bambanti?  Maaaring akalaing nagkulang ang pelikula sa pagsangkot sa teknolohiyang ginagamit ng mga magsasaka para proteksiyonan ang pananim sa mga mapagsamantalang ibon dahil kung hindi bilang pangalan ng pagdiriwang na masasaksihan sa pagtatapos ng pelikula na sapat nang marahil upang sabihing matindi ang paninimbolo rito ay ginagamit lang sa kabuuan bilang bahagi ng tanawin sa kabukiran.  Sa anyo ng paglalarawan sa bambanti sa bukid, minsang nakakatakot, tinatawag-pansin ang papel nito bilang tagapagmasid at tagapagbantay sa mga tunay na nakakakilala rito.  Pero iba sa opisyal na kultura, sa paggamit nito upang ipakilala ang taunang pagdiriwang na pinasisinayaan ng lokal na pamahalaan at kasasangkutan ng mga mamamayan nito, ang palabas ng bambanti ay simbolong kinakasangkapan sa pagpapatag ng mga kaibahan para sa kaayusang panlipunan.  Hindi masisisi ang pagsali nilang hindi sapat ang ikinabubuhay o silang mga wala dahil gaya ng ipinakita sa pelikula wala naman silang pagpipilian.  Sumali man o hindi, maglalabas at maglalabas sila ng pera, kaya’t sasalihan na lang dahil ang pagdiriwang, bagama’t maaaring sabihing instrumentong nagpapatag ng mga kaibahan ay nagpapatatag pang lalo sa mga kontradiksiyon nito.  Posibleng masaya ang komunidad sa pagdiriwang, lalamunin kahit maging ang pagkakahuli sa tunay na kumuha, pero hindi na para sa atin sa pagtatapos ng pelikula dahil nailantad nang sa likod ng lahat ng kasayahan sa palabas na ito ang lihim ng mga ugnayang nasisira sa pagkawala ng relo, at sa iba pang hindi nakikilalang kasinungalingan sa pang-araw-araw na tunggalian.

Maaaring sabihing nagpipigil ang Bambanti sa pagiging ambisyoso nitong maging malakihan ang pelikula pero hindi upang sabihing wala itong matayog na ambisyon.  Madalas sadyang tahimik kundi man ay mabagal ang pelikula pero naririto ang kaniyang kalakasan na hindi maituturing na simple dahil iniisip na umiikot lamang sa isang maliit na suliranin.  Sa pagbababad sa problemang ito napalilitaw ang tindi ng mga emosyon sa mga tunggaliang maaaring humantong sa hindi pa nakikitang hinaharap, pero hindi ibig sabihin ay ang hindi maaaring maramdamang hinaharap, sa kanayunan.



Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles