Quantcast
Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Mga Pangil ng Pahinga, Paghinga, at Pagpaparaos: Rebyu sa Dokumentaryong “Jingle Lang ang Pahina”

ni Dr. Jema Pamintuan

Mainam ang talab ng dokumentaryong “Jingle Lang ang Pahina.” Una sa lahat, dahil may tangka itong hulihin ang kabuluhan ng masisteng pahayag ng isang nagrereklamong indibidwal hinggil sa dami ng kaniyang ginagawa, at inilalabas nito ang himutok sa pagsambit ng “jingle lang ang pahinga ko.” Nangangahulugang ang pangangailangang “jumingle” lamang ang pagkakataong makahinga saglit mula sa pagiging abala. Subalit ang pagiging “lamang” ng akto ng pag-jingle ay nagiging higit pa sa “lamang.” Na kung titingnan ang pahinga bilang napakahalagang yugto ng saglit na paghinto–paghinto man upang makaipon muli ng kaunting lakas, o paghinto upang makapagbulay kahit sandali–ang “lamang” ay nagiging “bukod-tangi,” nagiging “mahalaga,” sapagkat ang akto ng pag-jingle ang natatanging panahon para makasungkit ng pahinga at mahuli muli ang paghinga ng nagwiwika nito, bago balikan ang akto ng mala-makinang paggawa.

Image may be NSFW.
Clik here to view.
jingle3
Ito ang kaibuturan ng dokumentaryo, sa panulat at direksyon ni Chuck Escasa, at isang malinaw na pagbibigay-pugay sa tanyag na magasin noong mga dekada 70 hanggang unang bahagi ng dekada 90. Tanyag, una, dahil sa kontribusyon nito sa pagpapalakas at pagtataguyod ng musikang Filipino. Naging libangan ito ng kabataang mahilig sa musika; ang mga liriko at chords ng mga kanta, maging ang kalakip na chord chart, ay kinagiliwan ng maraming tagatangkilik. Ayon nga sa salaysay ni Raimund Marasigan ng bandang Sandwich, patok ang Jingle lalo sa mga kabataang gaya niya noon na nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa mga dormitoryo sa UP, kapag walang klase at ganadong tumambay at magpahinga ang mga mag-aaral, lilikha ng umpukan ang mga panatiko ng musika, at sasabayan ng kanta ang tropa sa saliw ng gitara at Jingle Magazine.

Pangalawa, malinaw na ipinabatid ng dokumentaryo na hindi lamang mga liriko ng musika ang inihatid ng Jingle sa mga mambabasa nito; isinalaysay ng dokumentaryo ang paglampas sa pagiging “lang” ng Jingle, hindi ito magasin na naglaman ng mga awitin lamang. Natatangi ang mga pahina nitong nagsilbing hingahan at daluyan ng komentaryo at opinyon ng mga manunulat at alagad ng sining tungkol sa pambansang kalagayan noong panahon ng administrasyong Marcos. Mayaman ang impormasyong inilahad ng dokumentaryo kung paanong pinagsalikop ang teksto ng mga imahen, salita, at tunog, upang makabuo ng lathalaing may hatid na kabuluhan at giliw sa mamamayang Filipino.

Nakapupukaw ng diwa ang talim ng mga pahayag ng mga manunulat ng Jingle Magazine. Sa gitna ng maselan na sitwasyon sa pamamahayag at salimuot ng panahon ng batas militar, malinaw ang direksyong tinahak ng Jingle tungo sa pag-angkin ng kapangyarihan ng mga salita at paggamit sa Jingle bilang mabisang makinarya para sa pakikipaglaban sa kalayaang ito. Detalyadong ipinasilip ng dokumentaryo ang laman at ubod ng mga sulating ito. Sa Jingle pinagtagpo ang mga makata, musikero, dibuhista, mananaysay, at kritiko. Mula sa mga tula ni Rolando Tinio at Lav Diaz, mga sanaysay nina Eric Gamalinda at Juaniyo Arcellana, mga awit nina Florante, Jess Santiago, Mike Hanopol, at Juan dela Cruz band, hanggang sa mga dibuho at komiks nina Dengcoy Miel, Roque Federizon Lee (Rox Lee), Romeo Ben, at Ludwig Ilio, nakapa ang talas sa tangkang tibayan pa ang pundasyon ng kultura at historiograpiyang Filipino, lalo pa sa isang yugtong sinupil ang kalayaan sa paghayag.

Ang kayarian mismo ng dokumentaryo ay nagtanghal ng malayang daloy at palitan ng mga personal na karanasan ng mga naging haligi at miyembro ng magasin. Sa gitna ng kanilang mga naratibo ay maririnig ang mga awit nina Jun Lopito, Noli Aurillo, The Jerks, Johnny Alegre, at ng bandang Sandwich. May panaka-naka ring tunog ng pagtipa sa makinilya, na dokumentasyon ng mahahalagang tala at naratibo, hinggil sa politikal at sosyo-kultural na isyung tinalakay sa magasin. Walang rigidity sa istruktura ng dokumentaryo, hindi minarkahan ng mga tiyak na paksa ang bawat eksena nito. Nagsasalit ang mga imahen at ang mga paksa, mula sa usapin ng Pinoy rock at relihiyon hanggang sa isyu ng payola sa industriya ng musika. Nagpapatung-patong ang mga salita, at ang mga tunog, mula sa talastas ng isang manunulat/reviewer ng music album, hanggang sa pagpapatugtog ng kapirasong sipi mula sa album na ito.

Konsistent ang pagpapalitaw ng istrukturang ito sa mga nilaman ng dokumentaryo. Kawangis ito ng pahayag ng isang kinapanayam na manunulat sa pelikula, na sa Jingle, malayang nakapagsambulat ng kanilang kuro-kuro ang mga manlilikha nito. Ang operatibong salitang ginamit ay “ramble.” Nagpakalaya sa gitna ng sensura at panghihigpit. Ito rin ang kalayaan mismo ng mga musikero ng Jingle na pakinggan ang mga liriko ng mga awitin at isulat ang mga ito ayon sa kanilang pagkakarinig at pagkaunawa sa awit. Naroon din ang kalayaang lapatan ng chords at tabs ang mga awitin, na kumatawan sa kanilang masining na interpretasyon sa kung paano tutugtugin at itatanghal ang awit. At kaugnay ng mga antas at uri ng gamit ng kalayaang ito ang mapanuring mga isip at makabayang ekspresyon ng pagtunggali sa mga mapang-abusong politikal na puwersa. Sa mga panayam lumitaw rin ang isa pang kapangahasan ng Jingle, na nakatunog ng pangongopya rito ng ilang publikasyon. Sa isa nitong isyu, na tinawag na “trash issue” ng manunulat na si Nerissa Mata, naglabas ito ng mga maling chords ng mga kanta, at inihambing sa isyu ng isa pang publikasyon, na kaparehong maling chords din ang inilabas kaya napatunayang nangopya nga ito sa Jingle.

Pasingit-singit ang pagpapatugtog ng kanta ng dokumentaryo, tulad ng awit ni Fred Panopio (“Pitong Gatang”), at ipopokus ng kamera ang mga liriko sa magasin. Unti-unti ay masasagap ang mga tono at liriko nito, hanggang sa maaari ka na ring mapasabay sa pagkanta. Nahuli ito ng dokumentaryo, na sa panonood nito, nasusubukan rin ang itinatanghal na birtud ng Jingle. Na nakapagpaparahuyo ito ng mga tagasunod ng musika, nakaaaliw at nakahihikayat na kumanta, at tumugtog, kasama ang Jingle.

Ang katotohanang ang Jingle ay nilikha ng, at nilikha para sa, mga tagatangkilik nito ay nagdiin umano sa titulo nitong “fanzine.” Isa ito sa mahahalagang pinaksa ng pelikula. Itinampok nito ang komitment ng magasin, higit, para sa pampublikong interes, at hindi para sa anupamang pansariling motibo. Naidiin sa dokumentaryo ang dangal at paninindigan ng magasin, na hindi ito nagpabenta para manilbihan sa interes ng isa o iilan. Ang mga mismong kawani ng Jingle ay walang ambisyon para sa malaking kikitain mula sa magasin. Ayon nga sa isang manunulat ng Jingle, ang paglilingkod sa Jingle Magazine ang kaniyang naging pinakamasayang trabaho, kahit ito ang may pinakamaliit na suweldo, sa lahat ng kaniyang napasukan.

Mainam ang gaan at impormalidad ng tono at estilo ng dokumentaryo sa pagsasalaysay ng mga detalyeng ito, at paghahatid ng taos na interes at pagmamahal ng mga manunulat at alagad ng sining sa kanilang pag-ambag ng likha sa Jingle. Kawangis ng direksyon at paghahayag ng naratibo ng dokumentaryo ang pagkakalarawan sa opisina at kalagayan ng pagtatrabaho sa Jingle, na may komportable ngunit nakapupukaw na kaligiran, tulad din ng pakiramdam ng mismong pagbabasa ng magasin, “binabago ka ng Jingle,” ayon kay Lav Diaz, na isa ring dating manunulat ng Jingle. “May transcendence,” aniya, “artwork ang Jingle.”

Kung kaya ang atraksyon ng nakararami sa Jingle ay dahil sa angkin nitong ideyalismo at angas, na nag-impluwensiya sa ilang kabataang manunulat ng panahong iyon. Ani nga ng isang dating manunulat ng Jingle na si Edwin Aguilar, maging ang mga “groupie,” o mga “langaw sa ibabaw ng kalabaw” ay naging manunulat ng Jingle. Nagkaroon ng partisipasyon ang mga minsang nangarap na mapasama sa pangkat ng mga manunulat at alagad ng sining ng magasin. Sa testimonya ni Antonio Maghirang, ilan sa nakahikayat sa kaniyang magsulat ay ang mga akda nina Juaniyo Arcellana at Eric Gamalinda na nabasa niya sa magasin. At dahil nabigyan rin siya ng pagkakataong makapagsulat para sa Jingle, natalunton at nahasa pa niya ang kakayahang sumulat ng mga sanaysay, na madalas ay maiikling pagsusuri hinggil sa rock music. May ilang manunulat din na nagtulak para palaganapin ang mga awit nina Freddie Aguilar at Sampaguita, sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kanta sa Jingle at pagsulat ng mga artikulo hinggil sa likha ng mga nabanggit na mang-aawit.

Nito lamang taong 2011, may isang pananaliksik na pinamunuan ni C. Nathan Dewall, isang guro ng University of Kentucky. Pinatunayan ng pag-aaral ang pagiging narsisistiko ng kasalukuyang lipunan, at ang narsisismong ito ay matatagpuan sa sampung pinakatanyag na mga awitin (batay sa Billboard Magazine) mula mga taong 1980 hanggang 2007.[1] Ibang-iba ang konklusyon ng pag-aaral sa simoy at tekstura ng ilang mga pinaksa at inilathalang makabayang awitin sa Jingle, na sa kalahatan ay paglalaan ng mga titik at melodiya bilang lunsaran ng pakikisangkot. At mahihinuha mula sa dokumentaryo na ang inaakalang nagsasarili at tiwalag na mundo ng mga kabataang tila walang muwang, nakabukod, naka-headphones, at nahuhumaling sa musika, ay may mariing pakikilahok sa mga isyung panlipunan sa isang yugto ng kasaysayan, sa pamamagitan ng Jingle bilang aparato ng kanilang mga ideya, saloobin, at makabayang kritisismo.


[1] Tingnan ang artikulong “Song Lyrics Reflect our Narcissistic Age.” Nasa http://www.psmag.com/culture-society/song-lyrics-reflect-our-narcissistic-age-29644/. Accessed on 10 April 2013.


Image may be NSFW.
Clik here to view.
Image may be NSFW.
Clik here to view.

Viewing all articles
Browse latest Browse all 236

Trending Articles